Mga Programang Nagsusulong ng Pagkakapantay-Pantay sa Edukasyon

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYANG PAMPAGKATUTO:

2. Nasusuri ang mga programa ng pamahalaan na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa edukasyon

Suriin natin ang mga programa ng pamahalaan na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa edukasyon. May mga tiyak at organisadong proyekto ang gobyerno ukol sa pagkakaloob ng akses sa edukasyon para sa maraming mga mamamayan, sa layong maisulong ang pagkakapantay-pantay sa edukasyon. Narito ang ilang halimbawa:

1. Non-Formal Education

Ang non-formal education ay organisadong proyektong pang-edukasyon ng pamahalaan na hindi kabilang sa pormal na sistema ng edukasyon. Ang mga kurso rito ay pangkaraniwang short- term at voluntary para sa mga tiyak na learning clienteles.

Karaniwang hindi mahigpit ang pagtanggap sa mga papasok sa ganitong uri ng edukasyon. Ito ay nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa edukasyon sapagkat nagsisilbi ito sa mga taong wala sa pormal na programang pang-edukasyon gaya ng mga drop outs, out-of-school-youth, at maging ang out-of-school-adults.

Ang halimbawa ng non-formal education ay ang literacy education na nagtuturo ng pagbasa’t pagsulat sa mga hindi nakapag-aral, mga bata man o matatanda. Kabilang din dito ang ilang agricultural training, health education, at edukasyon ukol sa rural development.

2. Open High School Program (OHSP)

Ang OHSP ay isa sa mga programa ng DepEd para sa mga kabataang hindi nakapag-aaral o nagiging drop-out sa high school. Iniaalok ito sa mga estudyante na hindi makadadadalo sa normal na klase dahil sa kahirapan, kapansanan, personal at pampamilyang problema, maagang pagbubuntis o pag-aasawa, hanapbuhay, at iba pang kauri ng mga ito.

Ito ay alternatibong paraan upang ang mga nagtapos ng elementarya, high school drop-outs, at mga pasado sa Philippine Education Placement Test (PEPT) ay makatapos ng highschool. May ipinamamahaging mga nakalimbag na self learning modules para sa mga aralin at mga aktibidad na maaaring gawin sa tahanan.

Tumatanggap ang OHSP ng mag-eenrol anomang buwan ng taon. Para tanggapin sa programa, kailangan na makapasa sa Independence Learning Readiness Test (ILRT) at sa Informal Reading Inventory (IRI). Dapat ding makumpleto ang buong pag-aaral sa programa nang hindi lalampas sa anim na taon.

3. Alternative Learning System (ALS)

Ang ALS ay nagsimula noon pang 1984 at unang nakilala bilang isang uri ng hindi pormal na edukasyon. Ito ay programa ng DepEd para mga hindi nakakapasok sa paaralan—nahadlangan ng kahirapan,  nakatira sa dakong malayo sa paaralan, nagtatrabaho, PWDs, bilanggo, nasa rehabilitation center, dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan, mga katutubo, at iba pa.

Sa pamamagitan ng ALS ay maaaring makatapos ng elementary at high school. Mayroon ding livelihood education na nagtuturo ng mga teknikal na kasanayan para sa ilang hanapbuhay. Ang mga kurso ay maikli lamang at tuwirang nakapokus sa pagpapayaman sa mga kasanayan.

4. Technical and Vocational Education Training (TVET)

Ang TVET ay proyekto sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), isang programa ng pamahalaan na nabuo sa bisa ng Republic Act 7796. Isang non-degree program ang TVET na nagkakaloob ng kasanayang teknikal sa mga mamamayan upang maging kwalipikado para sa ilang trabaho.

Nakatutulong ang TVET upang ang tao ay makahanap ng matatag na trabaho kahit na hindi nakatapos ng kolehiyo. Ang iniaalok sa TVET ay mga kursong praktikal na napapanahon at nakabatay sa hinahanap ng mga kompanya. Tumatanggap ng certificate ang nakakatapos ng kurso bilang patunay ng pagiging skilled worker.

5. Home Education

Ang home education o homeschooling ay alternatibo sa pag-aaral sa mga institusyong pang-akademiko. Ito ay isang legal na opsyon na ini-aaplay sa DepEd o sa alinmang institusyong may lisensyang mag-alok ng ganitong sistema ng pag-aaral.

Para mapahintulutan, pangkaraniwang sinisiyasat muna kung ang magsisilbing guro sa tahanan (mga magulang o tutor) ay kwalipikado. Para maituring na pasado sa isang grado ang mag-aaral, may mga pagsusulit na dapat niyang maipasa o proyektong dapat maisagawa.

6. Distance education

Ang distance education ay pag-aaral nang malayo sa paaralan at sa tagapagturo. Sa programang ito ay nagagawa ng mag-aaral ang mga requirement sa kurso nang wala sa paaralan.

Ang halimbawa nito ay ang University of the Philippines Open University (UPOU) na nabuo noon pang 1995 para sa mga nais magtapos ng ilang kurso ngunit hindi makakapasok araw-araw sa pamantasan, dahil, halimbawa sa trabaho.

Ang e-learning (electronic learning) ay isang medium na ginagamit sa distance education. Nakapaloob dito ang paggamit ng computer, internet, messaging platforms, at iba pang applications na nagagamit sa teaching-learning process.

May mga samahan na nagsusulong ng paggamit ng e-learning gaya ng Philippine e-Learning Society (PeLS) kung saan miyembro ang ilang kolehiyo at unibersidad sa bansa.

Ang non-profit/non-stock organization naman na E-Learning Practitioners Association of the Philippines, Inc. (ELPAP, Inc.) ay gumagawa at naglalathala sa OurHappySchool.com ng mga libreng e-learning reviewers para sa National Achievement Test (NAT), college entrance exam (gaya ng UPCAT), at iba pang pagsusulit. Ang proyekto ay sa pangunguna ng kauna-unahang pangulo ng ELPAP, Inc. na si Prof. Jensen DG. Mañebog.

7. Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP)

Ang ETEEAP ay pinangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED). Ito ay pinasimulang ipinatupad noong 1996 sa bisa ng Executive Order 330.

Ang ETEEAP ay educational assessment scheme na gumagamit ng equivalency competence standards upang kilalanin ang mga kaalaman, kasanayan, at mga natamong pagkatuto mula sa mga karanasan, gaya ng sa trabaho.

Gumagamit din ang programa ng comprehensive assessment system sa pamamagitan ng written exam, interview, demonstration, at iba pa. May panel of assessors na hahatol sa pagkakaloob ng katumbas na credits o degree sa applicant.

Para maging kwalipikado sa programa, dapat na mayroon ang kandidato ng hindi bababa sa limang taon na karanasan sa trabahong may kaugnayan sa hinahangad na degree. Bilang patunay ng kakayahan, kasanayan, at kaalaman, maaaring hanapan din ang kandidato ng business registration certificate o certificate of proficiency (mula sa isang government regulatory board, licensed practitioner, o employer) … ituloy ang pagbasa

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Read Also:
The Interesting Tales of the Jose Rizal Family
 by Jensen DG. Mañebog

Read: Jose Rizal’s Education | OurHappySchool

TALAKAYAN

1. Batay sa output ng takdang aralin: Sa tingin mo, epektibo ba ang Kto12 Program sa Pilipinas? Ipaliwanag ang iyong sagot.

2. Talakayin ang sistema ng edukasyon sa bansa.

3. Mabisa ba ang mga sistema ng edukasyon sa bansa? Depensahan ang iyong sagot.

4. Anu-ano ang mga programa ng pamahalaan na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa edukasyon? Talakayin isa-isa.

TAKDANG-ARALIN

E-Learning Assignment: Paghahanda sa susunod na aralin

a. Sa search engine ngMyInfoBasket.com, hanapin ang blog na “Forms of Education in the Philippines: Formal, Non-formal, Informal, and other Forms of Education.”

b. Basahin ang lektura.

c. I-share ang artikulo sa iyong social media account kasama ng iyong sagot sa tanong na: Batay sa mga natutunan mo sa artikulo, papaano pa mapauunlad ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas? Ipaliwanag ang iyong mungkahi. Gumamit ng #EdukasyonSaPinas #DeKalidadBa

e. Mag-imbita ng tatlong kakilala (mga guro) na magpo-post ng makabuluhang katwiran na umaayon o tumututol sa iyong post.

f. I-screen shot ang inyong naka-post na conversation thread, i-print, at ipasa sa iyong guro.