Mga Positibo At Negatibong Emosyon At Kung Paano Ito Ipahinahahayag O Itinatago
Kasanayang Pampagkatuto:
Natutukoy ang mga positibo at negatibong emosyon at kung paano ito ipahinahahayag o itinatago
Mga Positibo at Negatibong Emosyon
Pangkaraniwang kinikilalang mga positibong emosyon ang kagalakan, pag-ibig, kapanatagan, tiwala, pag-asa at pride (subalit hindi ang uring nagmamataas).
Nagagawang kapana-panabik, makulay, at masigla ang buhay ng mga positibong damdamin. Maaari silang pagmulan ng motibasyon at katuwaan.
Sa kabilang dako, pangkaraniwan namang itinuturing na negatibong emosyon ang takot, galit, pighati, pakiramdam ng nagkasala (guilt), kalungkutan, pagkabalisa, disgusto, kabiguan, shame at embarrassment.
Panuorin:
Ang mga emosyong ito ay maaaring maging sanhi ng kawalan ng kakayahan (inefficiency), pagkasumpong (moodiness), pagkabagabag sa pagtulog, kabalisahan, at kawalan ng gana sa pagkain.
Ang positibo at negatibong damdamin, lalo na kapag matindi, ay kapwa maaaring magdulot ng mga pagbabago sa katawan ng tao tulad ng pagbilis ng tibok ng puso, pagbilis ng paghinga, pagpapawis, pagdaloy ng dugo sa mukha, at pagpapakawala ng adrenaline.
Tinatawag din na epinephrine, ang adrenaline ay isang hormone o kemikal na mensahero na inilalabas ng katawan bilang tugon sa takot, galit, gitla, at iba pang mga matinding emosyon. Inihahanda ng adrenaline ang katawan upang makatugon sa mga pagbabanta.
Paghahayag at Pagtatago ng mga Emosyon
Karaniwan na, ang mga positibong damdamin ay naipapahayag sa mga salita (tulad ng pagsasabi ng magagandang pananalita o pagsigaw sa kagalakan), sa pamamagitan ng mga ekspresyon ng mukha (tulad ng pagngiti at pagtawa), at sa pamamagitan ng mga aksyon (tulad ng paglukso at pagyakap).
Kung nakakaranas naman ng negatibong emosyon, may mga taong nawawalan ng kahinahunan at sumisigaw. Ipinapakita naman ng ilan ang kanilang matinding mga negatibong emosyon sa pamamagitan ng pag-iyak, paninipa ng mga bagay (gaya ng mga upuan), pagsuntok sa pinto o pader, pagtutungayaw (pagmumura), o paglusob sa mismong pinagmumulan ng pagkadismaya.
Tandaan na ang mga negatibong emosyon ay karaniwang itinatago, lalo na kung magbubunga ng hindi maganda. Ang mga negatibong damdamin ay naitatago sa pamamagitan ng regulasyon sa emosyon—isang proseso kung saan binabago ng tao ang kaniyang emosyonal na mga reaksyon; isang paraan ng pagkaya (coping mechanism) na nagpapataas o nagpapababa sa tindi ng emosyon.
Ang mga nagbibinata/nagdadalaga ay may kapasidad na gawin ito. Ang mga pagbabago sa neurolohiya ng kanilang utak ay nagbibigay sa kanila ng kakayahang kontrolahin ang kanilang mga emosyon.
Sa adolescence, nade-develop ang frontal lobes ng utak—ang bahaging responsable sa pagpigil sa mga kaisipan at reaksiyon sa mga emosyon. Tinutulungan nito ang tinedyer na pigilin ang mga hindi kasiya-siyang emosyon at matamang suriin ang kasalukuyang sitwasyon.
Maitatago rin ang mga emosyon sa pamamagitan ng pagsupil o supresyon. Ang mga halimbawa ng panunupil ay ang pagtanggi (sa pamamagitan ng hindi paniniwala na talagang nararamdaman ang damdamin) at pag-iwas (sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawain na walang kaugnayan sa emosyon, tulad ng sobrang pagkain, pag-inom ng alak, paggamit ng droga, o pagtulog).
Pansinin na ang ilang halimbawa nito ay hindi magandang paraan ng pagtatago ng emosyon.
Mayroon namang tinatawag na masking/concealing. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapalit sa mga negatibong emosyon ng mga positibo o mas kanais-nais na emosyon.
Ang halimbawa nito ay ang pagtawa sa problema o kalungkutan, pagiging interesado sa kinayayamutan, at pagtitiwala sa kinatatakutan. Depende sa sitwasyon, may pagkakataon na ito ay makabubuti.
Totoong hindi kanais-nais ang mga negatibong emosyon at karaniwang itinatago ang mga ito. Subalit minsan, ang pagtatago sa tunay na damdamin ay maaaring makasama sa tao, lalo na kapag madalas na ginagawa.
Ang mga sinupil na emosyon ay maaaring maging sanhi ng pagkabalisa ng tao, depresyon, tensyon, at iba pang mga sakit.
Sa paglipas ng panahon, ang hindi nalutas na negatibong damdamin ay maaaring maipon at sa gayo’y magkaroon ng hindi magandang epekto. (Basahin din: Mga Positibo at Negatibong Emosyon)
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Mga Paraan Upang Mapamahalaan Ang Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon
Ang Iba’t Ibang Uri ng Emosyon
Ang Sariling Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Sa Isang Relasyon
Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer
Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Ang Looking Glass Self: Ang Pananaw ng Tao at Kung Paano Siya Nakikita ng Iba
====
Sa mga Mag-aaral: Ilagay ang komento rito: Mapanagutang Pagtugon sa Iba’t Ibang Emosyon ng Kapuwa