Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho o Bokasyon
Kasanayang Pampagkatuto
Natutukoy ang mga personal na salik na makaiimpluwensiya sa pagpili ng kurso, trabaho o bokasyon
May mga personal na salik na dapat isaalang-alang sa pagpili ng isang karera at pagtatakda ng mga layunin sa buhay. Ang mga ito ay makakaapekto sa pagtatagumpay o pagkabigo ng isang tao sa kanyang piniling karera.
Narito ang ilan mga personal na salik na makaiimpluwensiya sa pagpili ng kurso, trabaho o bokasyon mula sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog:
1. Interes o passion
Salik sa pagiging matagumpay sa anomang gawain ang kagustuhan o pagiging interesado sa gawaing iyon. Makabubuting pumili ng kurso, trabaho o bokasyon na sa tingin mo ay kagiliw-giliw o nakasisiyang gawin o pag-aralan.
Dapat lang tandaan na ang mga interes ay maaaring magbago o magpaiba-iba sa paglipas ng panahon.
2. Mga Pisikal at Mental na Kakayahan
Mahalagang isa-alang-alang sa paghanap ng isang bokasyon o trabaho ang pisikal at kognitibong kakayahan.
Ang mga propesyon tulad ng pagiging isang propesor, abogado, at doktor ay nangangailangan ng mataas na antas ng talino, katangi-tanging sentido kumon, at kakayahang mag-isip nang lohikal.
Kung nais naman ng isang tao na piliin ang isports bilang isang propesyon, siya ay dapat mayroong malusog na pangangatawan.
3. Karakter o Pagkatao
Makabubuti na ang isang karera o layunin sa buhay na pipiliin ay angkop o katugma ng pagkatao o personalidad ng isang indibidwal.
Ang pagkatao ay tumutukoy sa kumbinasyon ng mga kaugalian at mga katangian na bumubuo ng isang natatanging karakter ng isang tao.
Maraming mga karera ay nangangailangan ng mga tiyak na uri ng pagkatao. Halimbawa, malabong magtagumpay bilang mangangaral (preacher) ang isang taong mahiyain at hindi kayang mapaglabanan ang kaniyang takot na magsalita sa madla.
Sa sales at marketing, ang isang mapalakaibigang ugali ay kinakailangan at isang kalamangan. Ang pagtatasa sa sarili ay makatutulong sa pag-aaral tungkol sa sariling personalidad at sa paghahanap ng tamang karera na tumutugma dito.
4. Mga Kasanayan at Kakayahan
Sa pagpili ng isang propesyon, hanapbuhay, o karera, dapat isaalang-alang ng isang tao ang kanyang mga kasanayan, katalinuhan, at mga natatanging na kakayahan.
Bagaman hindi magagarantiyahan ng mga ito na magtatagumpay ang isang tao sa isang kurso, magbibigay naman ang mga ito ng ideya kung may tsansa na kayanin niya ang isang kurso o gawain.
Halimbawa, ang isang taong hindi malikhain ay malabong magtagumpay sa larangan ng sining. Ang hindi malakas ang katawan ay malamang na hindi magtagumpay sa isports o palakasan (Kaugnay: Mga Kilalang Pilipino sa Isports: Nagpatanyag sa Watawat at Pambansang Awit ng Pilipinas)
5. Karanasan sa Buhay
Ang mga karanasan at positibong damdamin na nakuha ng isang tao sa paggawa ng isang tiyak na gawain sa nakaraan at ang mga huwarang tao na kaniyang nakasalamuha ay maaaring makaapekto sa kanyang pagpili sa kaniyang magiging karera o layunin sa buhay.
Halimbawa, kung bilang isang kabataan, nasiyahan at humanga ang isang tinedyer sa isang mangangaral, maaari niyang piliin ang pagiging ministro, pari, o pastor o ang mga kauri nito bilang kaniyang bokasyon.
Ang mga karanasan sa ating buhay, kung gayon, ay personal na salik sa pamimili ng nais na maging gampanin sa lipunan.
6. Mga Pinahahalagahan (Values)
Kasama sa tinatawag na values o pinahahalagahan ang mga prinsipyo o pamantayan ng pag-uugali ng isang indibidwal. Ang values ay maaari ring tumukoy sa paghatol ng isang tao kung ano ang mahalaga sa buhay.
Ang sistema ng pagpapahalaga (value system) ay nagsisilbing kodigong moral (moral code) ng isang tao. Tumutukoy ito sa mga bagay na itinuturing niyang mahalaga sa buhay.
Ang ilang mga bagay na karaniwang itinuturing na mahalaga o may halaga ay ang pag-ibig o relasyon, pera o yaman, kapangyarihan o impluwensya, kalusugan o kabutihan, at relihiyon o Diyos.
Kung pinahahalagahan ng tao ang pag-ibig o relasyon, siya ay maaaring kumuha ng kurso na nais ng kaniyang kasintahan o yaong hindi siya ihihiwalay nito sa piling ng kaniyang minamahal.
Sa kabilang banda, kung ang isang tao ay lubos na nagpapahalaga sa kayamanan, maaari niyang kunin ang kurso na hahantong sa pagkakaroon ng mataas na sahod, gaya halimbawa ng mga lukratibong propesyon o yaong may kinalaman sa negosyo.
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Ang Sariling Personalidad at mga Personal na Salik na may Kinalaman sa Personal na Layunin sa Buhay
‘Ang Aking Bucket List’: Isang Aktibidad
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho at Bokasyon: Isang Aktibidad
Mga Panlabas na Salik na Nakaiimpluwensiya sa Pagpili ng Kurso
Ang Mga Nakaayon at Di-Nakaayong Kursong Pagpipilian
Paggawa ng plano tungkol sa kursong nais at Ang Pagpaplano ukol sa Karera (Career Planning)
Mga Salik sa Personal na Pag-Unlad na Mahalaga sa Pagpili ng Kurso
Sariling Pananaw sa Halaga ng Personal na Pag-Unlad sa Pagpapasya ukol sa Kurso
“Ang Aking Plano Para sa Kursong Nais”: Ilang Aktibidad
‘Ang aking Malikhaing Paglalarawan ng Personal na Pag-unlad’: Isang Aktibidad
Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad
Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad: Creative Visualization