Mga Paraan Upang Mapamahalaan Ang Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon
Kasanayang Pampagkatuto:
Naipamamalas at nakagagawa ng paraan upang mapamahalaan ang iba’t ibang uri ng emosyon
Sinasabing ang mga emosyon ay ang lengguwahe ng mental at emosyonal na kalagayan ng isang indibidwal. Karaniwan, nakatali ito sa kaniyang pisikal na nararamdaman.
Ganunpaman, may mga pagkakataong kinakailangang kontrolin ito o pigilin upang maiwasan ang karahasan o iba pang negatibong kilos.
Madalas na napapaaway at maaring maglagay sa panganib ang mga taong di marunong magkontrol ng kanilang emosyon. Ang pamamahala sa emosyon ay hindi dapat maging mahirap. Maaari itong pagtutunan nang unti-unti.
May mga pamamaraan na babagay sa isang indibidwal at mayroon ding hindi. Ang mahalaga ay ang pagsisikap na magawa ito sapagkat ang mga benepisyo nito sa isang indibidwal ay walang kasinghalaga at hindi masusukat.
Ilang mungkahing paraan upang mapamahalaan ang emosyon
Kailangan mong maging responsable sa paghawak ng iyong mga emosyon upang maituring ka bilang responsableng bahagi ng lipunan.
Ano nga ba ang mga paraan kung paano pamamahalaan o haharapin ang iyong mga emosyon?
Sinasabing ang pagtatago ng damdamin ay hindi dapat ituring bilang isang permanenteng solusyon sa pagkakaroon ng mga negatibong emosyon. Makatutulong sa pag-alis ng negatibong emosyon at pamamahala sa mga damdamin ang mga sumusunod:
(a) pagkakaroon ng matured na pananaw sa buhay,
(b) pagkakaroon ng makabuluhang suporta ng mga mahal sa buhay, at
(c) pananalig sa lakas na maipagkakaloob ng Panginoon.
Bilang dagdag, lubhang kapaki-pakinabang din ang (d) pagkilala sa tunay na emosyon.
Para matugunan nang tama ang emosyon, dapat matutunan ng mga nagbibinata/ nagdadalaga na bigyan ng pansin ang mga ito. Ang pagkakaroon ng kamalayan sa tunay na damdamin ay makatutulong upang makatukoy ng mga opsyon sa pagtugon sa mga ito at makagawa ng makabuluhang hakbang ukol dito.
Ang kamalayan ay maaari ring makatulong sa maayos na pagpapahayag ng mga ekpresyon ng damdamin.
Makakatulong din na harapin ang mga damdamin sa pamamagitan ng (e) pagpapaalam nito sa mga taong kasangkot, kung kinakailangan at sa angkop na paraan.
Tandaan lamang na kung hindi muna tutukuyin kung ano talaga ang iyong nararamdaman, maaari kang makapaghatid ng magkahalo o nakalilitong mga mensahe sa pinagmumulan ng iyong nararamdaman.
May mga nagmumungkahi rin sa (f) matamang pagsuri sa sitwasyon at (g) paglalagay ng mga bagay sa tamang pananaw at kaayusan.
Matapos unawain at kilalanin ang emosyon, alamin ang pinagmumulan, tumigil at magnilay, at alamin ang pinakamahusay na paraan upang malutas ng mga problemang kaugnay ng emosyon. Tiyakin na ang paraan ng pagpapahayag ng iyong emosyon ay angkop sa sitwasyon at sa pinagmumulan nito.
Importante rin ang (h) pagsasanay sa pagkontrol sa damdamin at (i) pagpapahayag ng mga emosyonal na reaksyon sa positibong paraan. Mag-isip bago magpasya at kumilos.
Alamin ang sining ng epektibong komunikasyon. Pag-aralan din ang (j) pagpapahayag ng emosyon sa pamamagitan ng salita sa halip na sa pisikal na paraan.
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Ang Iba’t Ibang Uri ng Emosyon
Mga Positibo at Negatibong Emosyon
Ang Sariling Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Sa Isang Relasyon
Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer
Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Ang Looking Glass Self: Ang Pananaw ng Tao at Kung Paano Siya Nakikita ng Iba