Mga Papuri at Apirmasyon na Nakatutulong Upang Maging Kanais-Nais at Handa sa Pagdadalaga o Pagbibinata

Kasanayang Pampagkatuto:

Nakakagagawa ng mga papuri/apirmasyon na nakatutulong upang siya ay maging kanais-nais at handa sa pagdadalaga/pagbibinata

Ang mga Papuri o Apirmasyon

Ang tinatawag na mga apirmasyon (affirmation) ay mga deklarasyon o matapang na pahayag na naglalayong lumikha ng pagbabago sa taong nagpapahayag sa mga ito.

Ang mga ito ay mga pahayag na maingat na inihanay na inirerekomenda ng iba na paulit-ulit na sabihin sa sarili o isulat nang madalas.

Isang Pranses na psychologist na si Emil Coué ang unang nagpatanyag sa self-affirmations noong dekada 1920. Sa simula, ginamit ang mga ito para tulungan ang mga alkoholiko at mga gumagamit ng droga upang kanilang mapangibabawan ang mapaminsalang mga gawi.

Pinaniniwalaan ni Coue na ang nakasulat na positibong apirmasyon ay maaaring magbunga ng pagbabago sa mga paniniwala at makalikha ng mga positibong resulta.

Maari mong panuorin ang short educational video o ituloy ang pagbasa. Nota: Para magkaroon ng FULL ACCESS sa video, mag-SUBSCRIBE muna (kung hindi ka pa naka-subscribe):

Kung madalas na binibigkas o isinusulat, ang mga positibong apirmasyon sa sarili ay pinaniniwalaang makahihikayat sa mga tao na tanggapin ang mga ito, at sa ganung paraan ay makapagpapaunlad sa kanilang pagpapahalaga sa sarili.

Ang mga apirmasyon ay pinaniniwalaang makatutulong sa pagbuo ng mga positibong paniniwala tungkol sa sarili na inaasahang patungo sa pagkakamit ng mga layunin.

Ang mga papuri o pahayag na ito sa sarili ay maaari ding magsilbing inspirasyon at paalala sa mga tao na tumalaga sa pagkamit ng mga hinahangad.

Mga halimbawa ng self-affirmation

Narito ang ilang halimbawa ng self-affirmation, kalakip ng ilang paliwanag, mula sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog:

1. Ako ay espesyal.

Mahalaga ako sa tingin ng aking Manlilikha at sa mata ng iba pang mga nagmamahal sa akin. Mamahalin ko, kung gayon, ang aking sarili at gagawa ako ng mga bagay na mahahalaga o espesyal. Babahagi ako sa ikabubuti ng aming pamayanan.

2. Kontento ako sa kung ano ang mayroon ako.

Ang tagumpay ay nasusukat hindi sa pagkakamit nang lahat ng mga bagay na nais ko kundi sa pagiging maligaya ko sa kung ano ang mayroon ako. Tanggap ko ang aking mga kapintasan. Gagawin ko ang buo kong makakaya sa pagkamit ng aking pangarap. Matututo akong masapatan sa bunga ng ginawa kong pagsisikap.

3. Tutulong ako sa paglikha sa aking sarili.

Bagama’t alam kong ang Diyos ang lumikha sa akin, maraming bagay sa aking sarili ang poproyektuhin ko, sa tulong ng Diyos. Nakasalalay rin sa aking pagsisikap kung makatatapos ako ng pag-aaral o hindi. Kalakip ng awa ng Diyos, nasa aking mga pagpapasya ang ikapagkakaroon ko ng magandang bukas.

4. Pinipili ko ang buhay.

Kakapit ako sa buhay. Kahit mahirap ang mabuhay, nabibigo, at may pagkakataong nasusugatan ang aking damdamin, pipiliin ko pa ring ituloy ang buhay na biyaya sa akin ng Panginoon.

5. Totoo ako sa aking sarili.

Iiwasan ko ang pagpapanggap. Ang mabuhay sa kasinungalingan ay pamumuhay nang walang kapanatagan. Hindi ko dadayain ang aking sarili, bagkus ay magpapakatotoo ako.

6. Mabubuhay ako sa wastong kondukta at kagandahang-asal.

Magpapakatao ako. Tatandaan ko na bilang tao, ako ay isang moral na nilalang. Hindi tulad ng mga hayop, dapat kong sundin ang mga makatwirang batas at mayroon akong mga obligasyong moral.

7. Hindi ko minamaliit ang aking sarili.

Kung ako ay mahina, natatakot, kinakabahan, at nag-aalala, tatandaan ko na maraming tao ang katulad ko. Maghahanda at magsasanay ako para sa mga labanan sa buhay. Mananalangin ako at papanatag.

8. Binabantayan ko ang aking sarili sa pagkagalit.

Babantayan ko ang aking sarili mula sa pagka-stress dahil sa galit. Sisikapin ko na magkakaroon ng magandang pananaw sa buhay sa kabila ng mga hindi kanais-nais na mga pangyayari sa aking paligid.

9. Pinananatili ko ang kalusugan ng aking katawan.

Maraming bagay ang hindi ko magagawa kung ako ay may sakit. Kaya hindi ko aabusuhin ang aking sarili. Iiwasan ko ang mga bagay na makapagdudulot sa akin ng sakit.

10. Pinararangalan ko at sinasamba ang Diyos.

Likas kong pananagutan na paglingkuran at sambahin ang lumalang sa akin. Susundin ko ang kaniyang mg utos at kalooban. Ipagpapauna ko Siya sa aking buhay. Ang Kaniyang awa at paggabay ay kailangan ko upang magtagumpay.

Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

SA MGA GURO: Maaari itong gawing reading assignment ng inyong mga mag-aaral

Kaugnay:

Mga Alalahanin at Mga Pinagmumulan Nito Sa Panahon Ng Pagdadalaga o Pagbibinata

Ang Mga Pinagmumulan Ng Mga Alalahanin At Ang Mga Epekto Nito Sa Buhay Ng Tao

Personal Na Paraan Ng Pagtugon Sa Mga Alalahanin Para Sa Malusog Na Pamumuhay

Ang Pag-Unawa Sa Kaliwa At Kanang Bahagi Ng Utak Ay Nakatutulong Sa Pag-Unlad Ng Pagkatuto

Ang Mind-Mapping Techniques Na Nararapat Sa Dalawang Uri Ng Pagkatuto Ng Tao

Plano Upang Mapaunlad Ang Pagkatuto Gamit Ang Mga Gawain Sa Mind Mapping

Kalusugang Pangkaisipan At Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan (Well-Being)

Ang Mga Sariling Kahinaan at Ang Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)

Basahin din:

Ano ang Significant Others? Sinu-sino ang tinutukoy?

Mga Hamon sa Pagdadalaga at Pagbibinata: Mga Halimbawa at Pagharap sa mga ito

Sanaysay Essay tungkol sa Pagdadalaga at Pagbibinata (Adolescence)

Pagtatasa sa Sarili Kung Nagagawa ang mga ‘Developmental Tasks’ ng mga Nagbibinata at Nagdadalaga: Isang Aktibidad

Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Bilang Nagdadalaga o Nagbibinata

Pagtataya sa Sariling Pag-unlad: Paghahambing sa Kaparehong Gulang at ang 8 Gawaing Pampag-unlad (developmental task) ni Robert James Havighurst

SA MGA MAG-AARAL: Maaaring ilagay ang inyong assignment/comment dito sa comment section ng Mga Papuri at Apirmasyon (Self-Affirmations): Kahulugan at Mga Halimbawa