Mga Panlabas na Salik na Nakaiimpluwensiya sa Pagpili ng Kurso

Kasanayang Pampagkatuto:

Natatalakay ang mga panlabas na salik na nakaiimpluwensiya sa pagpili ng kurso na makatutulong sa pagpili ng kurso.

Tunay na hindi maiiwasan sa buhay ng isang tao, lalo na sa panahon ng pagbibinata/ pagdadalaga, ang pagpili ng bokasyon o karerang nais tahakin. Ito ay isang importanteng pagpapasya na nangangailangan ng maraming pagtatasa at pag-aaral.

Ang pagpili ng karera ng isang tinedyer ay naiimpluwensyahan hindi lamang ng personal kundi maging ng panlabas na mga kadahilanan na maaaring makatulong sa kanyang matalinong pagpili ng kaniyang magiging kurso o propesyon.

Pag-aralan natin ang mga panlabas na salik na nakaiimpluwensiya sa pagpili ng kurso. Inaasahan na ikaw ay makabubuo ng plano hinggil sa nais mong kurso batay sa iyong personal na layunin at mga salik na nakakaimpluwensiya sa pagpili ng kurso.

Mga Panlabas na Salik na Nakaiimpluwensiya sa Pagpili ng Kurso

Narito ang ilang mga panlabas na salik na nakakaimpluwensya sa pagpili ng kurso o karera mula sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog:

1. Katayuan sa lipunan

Ang katayuan sa lipunan ay karaniwan nang tumutukoy sa estadong pang-ekonomiya ng isang tao.

Sa pagpili ng kursong kukunin, hindi maiiwasang isa-alang-alang ang pinansiyal na estado ng isang tao o ang kakayahan ng kaniyang pamilya na pag-aralin siya sa isang tiyak na kurso.

May mga kurso, gaya ng Medisina, na lubhang nangangailangan ng mahal na matrikula, at may kaakibat na iba’t-ibang bayarin at gugulin.

Dapat handa ang ‘bulsa’ ng mga magulang sa pagpapaaral sa anak sa ganitong uri ng mga kurso. Ganunpaman, may mga scholarship na maaaring subukang kunin ng mga kabataan.

2. Paaralan at lokasyon ng tirahan

Sa pagpili ng isang kurso o karera, dapat ring masagot ng isang tao ang mga sumusunod na tanong tulad ng:

Ang paaralan ba na nag-aalok ng nais na kurso ay madaling marating?

Pumapasa ba sa mga board o licensure exam ang mga produkto nito?

Makatwiran ba at abot-kaya ang matrikula?

Ang mga pasilidad ba at kapaligiran ay sapat at pahihintulutan ang mabungang pagkatuto?

Nababagay ba ang paaralan sa aking pangangailangan at abilidad?

Sa pagpili ng karera, ang akademikong institusyon kung saan pumapasok ang isang indibidwal ay isa ring konsiderasyon.

3. Mga Inaasahan ng Magulang o ng Pamilya

Isinasaalang-alang ang mga inaasahan ng mga magulang o ng pamilya sa paggawa ng mga desisyon gaya sa pagpili ng kurso o trabahong kukunin.

Karaniwan sa kultura ng Pilipino na isinasaalang-alang ng mga anak ang kalooban ng kanilang mga magulang o ng mga nakatatandang kapatid lalo na nga at kung sila ang gugugol sa pagpapaaral.

Ang mga magulang ay maaari ring makaimpluwensya sa pagpili ng karera ng anak sa pamamagitan ng pamamahagi nila ng kanilang mga karanasan sa pag-aaral at paghahanap ng trabaho na maaaring makatulong sa mga nagbibinata/nagdadalaga sa kanilang paghahanap ng tamang karera.

Sa madalas na pagkakataon, tama lang na kinukunsulta ang mga mas makaranasan, gaya ng mga magulang, sa mga mahahalagang pagpapasya.

4. Kultura

Hinuhubog ng kultura ang mga values o pinahahalagahan, paniniwala, at inaasahan ng mga tao. Hindi kataka-taka kung ganun na ang kultura ay salik din na nakaiimpluwensiya sa pagpili ng kurso o layunin sa buhay.

Ang mga pamantayan at inaasahan ng kultura sa isang lugar ay maaaring makaapekto sa mga tao sa dakong iyon kung paano sila pumipili ng mga karera.

Halimbawa, sa kulturang may paniniwala na ang pagluluto ay para sa mga babae lamang, ang isang lalake ay maaaring mawalan ng interes na maging chef o cook.

5. Mga oportunidad sa trabaho (Employment opportunities)

Dapat lang na makaimpluwensya sa mga desisyon tungkol sa pagpili ng kurso at propesyon ang mga oportunidad sa trabaho. Halimbawa, makabubuting kunin ang karera kung saan ay may malaking pangangailangan o demand.

Kung hindi ito isasaalang-alang, maaring mahulog sa pagiging unemployed o underemployed. Kapag ito ay naganap, maaaring masira ang pangarap at hindi makamit ang itinakdang layunin sa buhay.

© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

Kaugnay:

Ang Mga Nakaayon at Di-Nakaayong Kursong Pagpipilian

Paggawa ng plano tungkol sa kursong nais at Ang Pagpaplano ukol sa Karera (Career Planning)

Mga Salik sa Personal na Pag-Unlad na Mahalaga sa Pagpili ng Kurso

Sariling Pananaw sa Halaga ng Personal na Pag-Unlad sa Pagpapasya ukol sa Kurso

“Ang Aking Plano Para sa Kursong Nais”: Ilang Aktibidad

‘Ang aking Malikhaing Paglalarawan ng Personal na Pag-unlad’: Isang Aktibidad

Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad

Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad: Creative Visualization 

Pananaw Sa Sarili At Personal Na Pag-Unlad

To STUDENTS: Write your ASSIGNMENT here: Comments of RATIONAL STUDENTS