Mga Pampalasa: Dahilan ng Eksplorasyon
© Jens Micah De Guzman/MyInfoBasket.com
Maniniwala ka ba na isa sa mga dahilan ng mga eksplorasyon noon na ginugulan ng malalaking halaga ng mga bansa at kaharian ay ang pampalasa (spice) o rekado?
Noong unang panahon, ang mga pampalasa ay naging napakahalaga sa mga mauunlad na bansa at nagkaroon ng pagkatangi sa pandaigdigang kalakalan. Nagbigay daan ang paghahanap ng pampalasa sa globalisasyong pangkalakal at maging sa kolonyalismo at imperyalismo.
Ang halaga ng mga rekado at pampalasa
Naging importante para sa mga Kanluranin ang mga rekado at pampalasa, mga bagay na salat ang Europa. Nadagdagan ang mga kalakalang paglalayag sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Dahil sa naranasan ng mga Crusader ang salat ng seda, ang paggamit ng porselana, at ang linamnam ng mga pampalasa, ang pagnanais para sa mga produktong ito ay lumikha ng bagong mga merkado para sa mga mangangalakal.
Ninais ng mga mandaragat na humanap ng ruta tungo sa exotic at marangyang Spice Islands sa ngayo’y Indonesia, na ang lokasyon ay inilihim nuon ng mga pinunong Muslim. Ang tukso ng kita ang nagtulak sa mga manggagalugad upang humanap ng bagong ruta ng kalakal sa Spice Islands at alisin ang mga ahenteng Muslim. Matapos matutunan sa mga nangungunang iskolar na ang mundo ay bilog, at maaari nilang marating ang Silangan sa pagpunta pakanluran, iba’t-ibang kapangyarihan ng Europeano ang nagsimulang nagtipon ng plano, pondo at sasakyang-dagat upang makahanap ng bagong ruta patungong Spice Islands sa Asya.
Ang paghahanap sa mga pampalasa
Ang paghahanap sa mga pampalasa (o, ang paghahanap ng mga daan upang makarating sa mga lugar na may pampalasa) ay nagbunsod ng eksplorasyong Europeano noong 1400. Nang matuklasan ng mga Europeano ang isang daan tungong Africa, at higit sa lahat, ang Bagong Mundo, lalong napukaw ang mga Europeano na manggalugad.
SaMiddle Age, ang mga pampalasa ay pinahalagan bilang kalakal, subalit hindi dahil sa kakayahan nitong magpreserba ng karne. Sa halip, ito ay sapagkat itinuturing ng medyebal na lutuin (medieval cuisine) na de-kalidad ang pagkaing may sari-saring uri ng lasa o flavor. Ang mga pampalasa ay itinuring ding may mga katangiang nakapagpapagaling, na siyang dagdag panghalina nito.
Noon pa mang ika-13 siglo, malaki na ang pangangailangan sa Europa para sa mga produktong pampalasa na nanggagaling sa Asya gaya ng pepper, cinnamon, at nutmeg. Importante ang mga ito sa pagkaing Europeo at ginagamit naman ang iba pang produkto bilang mga pabango, pampaganda, at gamot.
Ilan lamang ang mga ito sa mga dahilan kung bakit ang mga pampalasa ay itinuring na natatangi at kalaunan ay naging pandaigdigang kalakal, na siya namang nakatulong sa pagkakaroon ng pinagsamang sistemang pang-ekonomiya (integrated economic networks). Hindi lamang itinulak ng paghahanap ng pampalasa ang globalisasyong may kaugnayan sa kalakalan, kundi nagbukas din ito ng daan patungo sa kolonyalismo at pandaigdigang imperyo.
Pinangunahan ng Portugal ang paghahanap ng unang ruta ng tubig patungo sa Asya dahil na rin sa paghahanap ng pampalasa. Ipinasya ng Portugal na gugulan ito ng malaking halaga. Dahil dito, si Prinsipe Henry, ang Manlalayag (Prince Henry the Navigator, 1394-1460) ay nagtatag ng paaralan para sa nabigasyon, paggawa ng mapa, at paggawa ng barko noong 1420. Nilayon niya na humanap ng ruta patungo sa mayamang kalakalan ng pampalasa ng mga Indio at galugarin ang kanlurang baybayin ng Africa.
Si Prinsipe Henry, ang Manlalayag
Si Prince Henry na ikatlong anak ng Haring Portuges na si John I ang responsable sa maagang pag-unlad ng eksplorasyon ng Portuges at kalakalang paglalayag kasama ang ibang kontinente sa pamamagitan ng sistematikong eksplorasyon sa Kanluraning Africa at mga isla ng karagatang Atlantiko, at paghahanap ng mga bagong ruta.
Ang mga naunang barko ay lubhang may kabagalan at masyadong mabigat para sa matagalang paglalayag sa karagatan. Sa ilalim ng direksiyon ni Prinsipe Henry, isang bago at magaang barko ang nilikha, ang caravel, na naging daan upang ang mga kapitang dagat ay higit na makapaglayag nang mas mabilis dahil sa kakayahan nitong maglayag patungo sa ihip ng hangin. Kahit hindi kailanman nakapaglayag si Prinsipe Henry sa mga mga ekspedisyon, ang mga binayaran niyang paglalakbay sa kalagitnaan ng 1400 ay nakatulong sa Portugal para maging una sa karera ng panghahanap ng rutang pandagat patungong Spice Islands.
Ang ekspedisyon ni Magellan
Sa kabila ng mga serye ng bagyo at pag-aalsa, ang ekspedisyon ni Magellan ay nakarating din sa Spice Islandsnoong 1521 at nakabalik sa sariling bayan sa pamamagitan ng Karagatang Indyo upang kumpletuhin ang unang pagligid sa mundo (first circumnavigation).
Ang paglalayag ay matagal at mapanganib, at iisang barko lamang ang nakabalik pauwi makalipas ang tatlong taon. Bagaman ito ay tigib ng mahalagang mga pampalasa mula sa Silangan, labingwalo lamang sa orihinal na 270 na tripulante ng barko ang nakabalik lulan nito.
Ang ekspedisyon ni Pedro Álvares Cabral
Si Pedro Álvares Cabral (1467/1468 – 1520) ay isang maharlikang Portuges, kumander ng militar, maglalayag, at manggagalugad na nagsagawa ng unang malaking eksplorasyon ng hilagang silangang baybayin ng Timog Amerika at inangkin ito para sa Portugal. Siya ay itinalagang pinuno ng isang ekspedisyon patungong India noong 1500, na tinalunton ang bagong bukas na ruta ni Vasco Da Gama sa palibot ng Africa. Si Cabral ay itinuring na unang kapitan na nakarating sa apat na kontinente, nanguna sa unang ekspedisyong tumawid sa Europa, Aprika, Amerika, at Asya.
Ang plota niya na may labingtatlong barko ay naglayag palayo patungo sa kanlurang Karagatang Atlantiko. Malipas ang ilang panahon, ang plota ni Cabral ay lumiko pakanan upang ipagpatuloy ang paglalakbay patungong Spice Islands.
Sa kabila ng pagkawala ng buhay ng ilang kasama niya at kanilang mga barko, ang paglalayag ni Cabral ay itinuring na tagumpay sa pagbalik niya sa Portugal. Ang katangi-tanging pakinabang mula sa pagbebenta ng mga pampalasa ay nagdagdag nang malaki sa pananalapi ng Korona ng Portugal at nakatulong sa paglalatag ng pundasyon ng Imperyo ng Portuges na umabot mula Amerika hanggang sa Malayong Silangan. (© Jens Micah De Guzman/MyInfoBasket.com)
Click when you’re DONE with your assignment
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.