Mga Pagtugon sa Isyu ng Paggawa sa Pilipinas: Mga Paraan ng Paglutas sa mga Suliranin sa Paggawa
Dahil sa ang mga manggagagwang Pilipino ay nakararanas ng iba’t-ibang suliranin at humaharap sa iba’t ibang hamon sa paggawa, marapat lamang na magkaroon ang bansa, sa pangunguna ng pamahalaan, ng mga mabibisang pagtugon sa mga isyu ng paggawa sa bansa.
Narito ang ilang ilang mungkahi at rekomendasyon bilang tugon o solusyon sa iba’t-ibang suliranin sa paggawa (Eugenio & De Guzman, 2021):
1. Pagrerebisa ng Kodigo ng Paggawa sa Pilipinas
Naniniwala ang marami na depektibo ang Kodigo ng Paggawa sa Pilipinas kaya panaka-naka ay dapat itong ayusin. May mga nagsusulong na ang tripartite consensus ng mga elementong (a) paggawa at lakas-paggawa, (b) pangasiwaan, at (c) ang pamahalaan ay dapat palaging gawing gabay sa pagrerebisa ng naturang kodigo.
Ang tripartite consensus na ito ay may pitong prinsipyo ayon kay Ka Blas Ople na dating Kalihim ng Department of Labor and Employment:
Una, ang relasyon sa paggawa (labor relations) ay dapat namaging palatugon (responsive) at may kapanagutan (responsible) sa konteksto ng kaunlaran.
Ikalawa, ang mga batas paggawa at relasyon sa paggawa lalo na sa panahon ng pambansang kagipitan (national emergency) ang siyang marapat humalili at manaig sa mga tunggalian sa paggawa. Pinaniniwalaan sa ilalim ng prinsipyong ito na ang mga strike at lockouts ay paraan din upang magkaroon ng makatwirang proseso, gaya ng arbitrasyon o aregluhan sa diplomatikong paraan.
Ikatlo, ang depektibong hustisya sa sektor ng paggawa ay nakasasama hindi lang sa manggagawa, kundi maging sa pinamamasukan (employer) at publiko. Iminumungkahi na dalawang taon ang dapat na pinakamatagal na panahon ng paglilitis sa mga kaso at dapat na naihahain kaagad ang mga desisyon.
Ikaapat, dapat isaalang-alang ang manpower development and employment bilang importanteng aspekto sa mga polisiya sa paggawa. Sang-ayon ito sa pahayag ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, “unemployment is the greatest exploiter of labor.”
Ikalima, marapat na mayroong pandaigdigang merkadong nakalaan para sa mga kwalipikadong Pilipino. Ayon kay Ople, “We no longer apologize for the outflow of Filipino labor abroad under such labels as brain drain. We have decided it in such a manner that it will rebound to the national interest.”
Ikaanim, ang mga batas paggawa ay dapat na sumusog sa wasto, likas-kaya (sustainable), at mabisang paggamit ng mga rekurso (resources) upang maiwasan ang kabiguan sa panig kapwa ng manggagawa at pinamamasukan. Tumutugon ito sa principle of enforceability: “adequate resources through adequate organization.”
Ikapito, kailangang magkaroon ng malawakang partisipasyon sa pambansang paggawa ng polisya, lalo na ang mga may nakatayang interes na dapat pangalagaan, kasama ang lakas-paggawa, pangasiwaan, at ang pamahalaan.
Ayon kay Blas Ople, ang pagrerebisa ng Labor Code ay makakatulong upang magkaroon ng mas malakas na sandata para sa katarungang panlipunan at pambansang pagkakaisa na kailangan ng ating lipunan laban sa mga kaaway nito. Samakatuwid, ang pagrerebisa sa Kodigo ng Paggawa sa Pilipinas ay itinuturing na pagtugon sa isyu ng paggawa sa bansa.
2. TESDA o Technical-Vocational Education Training (TVET)
Isa sa mga tugon sa isyu ng unemployment sa bansa ang Technical-Vocational Education Training (TVET), isang nondegree na programa na naglalayong makapagbigay ng mga kaalaman at kasanayang kailangan upang makapaghanapbuhay.
Ang nangangasiwa sa TVET ay ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Ang TESDA, sa pamamagitan ng Republic Act No. 7796, ay itinatag sa panahon ng panunungkulan ni dating Presidente Fidel V. Ramos.
Ang edukasyong ipinagkakaloob nito ay nakasentro sa paglilinang sa kasanayan at pagbibigay ng pagsasanay (training) sa mga kursong praktikal. Ang kurikulum ay pangkaraniwan nang batay sa pangangailangan ng mga kompanya na naghahanap ng mga sinanay na manggagagawa (skilled workers) para sa kanilang institusyon.
Ang nakapapasa sa kurso ay pinagkakalooban ng sertipiko na siyang ginagamit ng isang nakatapos sa paghahanap ng angkop na trabaho.
3. Alternative Learning System (ALS)
Gaya ng Technical-Vocational Education Training (TVET), ang Alternative Learning System (ALS) ay isa sa mga hakbang upang marami ang maihanda o mahubog na maging kabilang sa lakas paggawa ng bansa.
Ang ALS ay isang programa ng Department of Education (DepEd) na naglalayong matulungan ang mga hindi nakapapasok sa paaralan. Ito ay pangkaraniwan nang iniaalok sa kabataan sa iba’t ibang kadahilanan—hindi nakapag enrol sa paaralan, mga manggagawa, may kapansanan, nasa bilangguan o rehabilitation center, kalalaya lang sa bilangguan, dating rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno, mga katutubo, at iba pang taong hindi nakapasok sa paaralan o hindi nakapagtapos ng pag-aaral ngunit nagnanais na matuto at magpatuloy sa pag-aaral.
Sa ALS, maaaring makakuha ng elementarya at sekondaryang edukasyon na hindi kinakailangang pumasok araw-araw sa paaralan tulad ng sa pormal na edukasyon. Ang mga kurso ay karaniwang mula 6 hanggang 10 buwan at pangunahing nakatuon sa pagpapaunlad ng mga kasanayan.
Bilang isang hindi pormal na edukasyon, ang konsentrasyon ng ALS ay nakatuon din sa pagkakaloob ng mga kasanayang magagamit upang makapaghanapbuhay at makasabay sa labor market.
Nagsimula ang programang ito noong 1984 at unang nakilala bilang hindi pormal na pagtuturo ng edukasyon na paglinang ng teknikal na kapasidad ng mga mag-aaral upang magamit nila ito sa paghahanapbuhay.
Maliban sa pagtuturo ng livelihood education, kabilang na rin dito ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga Pilipino na makakuha ng pang-elementarya at pansekondaryang diploma.
4. Mga pamamaraan ng International Labour Organization (ILO)
Ang International Labour Organization (ILO) o Pandaigdigang Organisasyon sa Paggawa ay ang ahensya ng United Nations (UN) ukol sa pagtataguyod ng mga oportunidad para sa mga tao—lalaki man o babae—upang sila’y magkaroon ng produktibo at marangal na hanapbuhay sa kondisyong ligtas, malaya, may pagkakapantay-pantay at kumikilala sa dignidad ng tao.
Ang pagsunod at pagsasakatuparan ng mga pamamaraang inihahayag ng International Labour Organization (ILO) ay maituturing na magandang tugon sa mga isyu ng paggawa sa bansa.
Ito ay sapagkat ang mga pangunahing layunin ng ILO ay itaguyod ang mga karapatan sa hanapbuhay, isulong ang mga oportunidad para sa mga trabahong marangal, paigtingin ang proteksyong panlipunan, at paunlarin ang mga diyalogo ukol sa mga usapin sa sektor ng paggawa (labor).
5. Pamamaraan ng Mga Kilusang Manggagawa
Ang Domestic Workers’ Union sa South Africa ay unyon ng mga katulong sa bahay na nagsusulong ng mga mga batas na nagbibigay proteksiyon sa kanilang hanay. Sinasabing nagsimula sila sa pagbabahay-bahay at pagtuturo sa mga gaya nilang “kasambahay” ukol sa kanilang karapatan gamit ang mga lathalain.
Kalaunan, sila ay naging isang pambansang unyon na marami ang kasapi. Kasama ang iba pang unyon ng mga katulong sa ibang mga bansa, kumikilos sila upang huwag silang mapagkaitan ng tamang pasahod, makatarungang oras ng pagtatrabaho, benepisyo ukol sa panlipunang seguridad (social security benefits), at mga kauri nito.
Ang South African Domestic Workers’ Union ay isang halimbawa ng pamamaraan upang makapag-organisa ng samahang makatutulong upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa. Makatutulong ito sa pagtukoy ng mga problemang magkakaparehong nararanasan ng mga manggagawa at ng paghanap ng magandang solusyon sa mga ito.
Sinasabing nakatutulong ang mga unyon ng mga manggagawa upang hindi mapailalim ang mga manggagawa sa mga mapang-abuso o hindi makataong kasanayan (gaya ng pagkakaroon ng batang manggagawa), sapilitang paggawa, pang-aalipin, diskriminasyon, at panggigipit. Marapat lamang tiyakin na ang mga pamamaraan ng mga kilusang manggagawa ay naaayon palagi sa batas at hindi mapaminsala.
Copyright ©Marissa G. Eugenio & Jens Micah De Guzman