Mga pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili

© Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Importanteng natatasa ng isang tao ang mga pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng kaniyang sarili. Ang pansariling pagsasaibayo (self-transcendence) ay kasingkahulugan rin ng pansariling pag-unlad (self-improvement). Kapag nanatili tayo sa ating ‘kumportableng kinalalagyan’ (comfort zone), hindi tayo uunlad.

Para sa English discussion ng paksang ito, basahin ang: Evaluate own limitations and the possibilities for transcendence

Importante rin na malaman kung paano tayo makapagtatamo nang higit. Subalit marapat maunawaan na ang pansariling pagsasaibayo ay hindi lang basta pagtatamo ng higit, ito ay tungkol din sa pagtatagumpay sa ating mga negatibo at  limitadong isipan at paniniwala.

Ilang Mga Suhestiyon Upang Malagpasan ang Sariling Limitasyon

Narito ang ilang suhestiyon upang matulungan tayong malagpasan ang sariling limitasyon:

a. Magtakda ng adhika

Para magawa mong umibayo ang iyong sarili, kailangan mo ng isang bagay na pupuntiryahin. Magtakda ng makatotohanang adhika at hangarin. Ito ay maaaring pagwaksi sa mga masamang nakagawian, gaya ng pagbangon nang mas maaga kaysa sa nakasanayan (upang huwag nang mahuli sa klase o trabaho); o pag-iwas sa mga makapipinsala sa kalusugan (pagtigil sa paninigarilyo, hindi pagtikim ng ipinagbabawal na gamot, at mga kauri nito.)

Kapag mayroong pinupuntirya, ito ay magsisilbing malakas na motibasyon. Kapag  natatamo ang maliit ng pag-unlad, maaari mong itaas ang iyong pupuntiryahin. Kung mahirap maabot ang iyong mga adhika—huwag sumuko. Ang pansariling pagsasaibayo ay nangangailangan ng pagtitiyaga at pagpupursigi.

b. Huwag payagang malimitahan ng iyong sariling kaisipan

Hindi marapat na pumayag na maapektuhan ng iniisip nating limitasyon. Maaaring hindi natin namamalayan kung gaano natin pinahihintulutan ang ating kaisipan na limitahan ang ating perspektibo at kapasidad. Madalas na sinasabi ng isip natin, “Hindi ko kaya ito. Hindi ito para sa akin.”

Kung gayon, mahalagang suriin ang sariling kaisipan. Kapag natuklasan mo ang iyong isipan na nagsasabing “Hindi ko kaya iyan,” subukan mo man lang na pigilin pansamantala ang iyong hindi paniniwala sa iyong kakayahan. Sa pagnanais na makamit ang isang mabuting adhikain, hindi kalugihan na gumawa ng maraming pamamaraan.

c. Huwag makinig sa pagiging negatibo ng ibang tao

Mapapansin na maraming kritiko sa mundo. Maaaaring mayroon din silang mga naitutulong. Ganunpaman, walang magiging progreso kung lagi na lamang makikinig sa mga pag-aalinlangan, paghihinala, at hindi paniniwala na ipinupunla ng ibang mga tao.

Mahalagang matukoy kung alin ang konstruktibong payo kumpara sa kritisismo lamang. Kung matututunan mong huwag pansinin ang mga negatibong isipan, magiging malaya kang magkaroon ng sariling pag-unlad.

d. Magtuon ng pansin at maging desidido

Dapat maunawaan na ang pansariling pagsasaibayo ay hindi makakamit sa pamamagitan ng di-buong pusong paggawa. Kung gagamitin ang kapangyarihan ng konsentrasyon, magagawa ang tunay na pagtutuon ng pansin.

Ang konsentrasyon ay ang abilidad na ituon ang pansin sa isang bagay at isantabi muna ang iba pa. Karaniwan, ang ating atensiyon ay kalat—kaya naman kalat din ang pokus ng ating enerhiya. Kapag natuto tayo ng konsentrasyon, ang ating pansariling pag-unlad ay darating na lamang. Mahalaga kung ganun ang pagiging focused at committed sa pagkakaroon ng sariling pag-unlad.

e. Tandaan na maraming bagay ang dati’y imposible

Tandaan na maraming pagkakataon na nasasaksihan natin ang ilan na buong igting na nagsasabing, “Imposible yan.” Subalit kung ang gaya nila ang pinakinggan ng lahat, malamang na tayo’y naglalakbay pa rin sa pamamagitan ng mga karitelang hila ng mga hayop.

Kung titingnan natin ang mga bagay sa negatibong paraan, malamang na magmukha ngang imposible ang maraming bagay. Subalit, kapag pinuno natin ng optimismo ang ating isipan, nagiging posible ang ating pagsasaibayo (self-transcendence) at sariling pag-unlad.

Isang Inspirasyon

Sa mahabang na panahon, hindi pinapahintulutan sa Olympics na makilahok ang mga babae sa marathon (ito ay idinagdag lamang noong 1984). Pinaniniwalaan dati na ang mga babae ay hindi kayang tumakbo ng malalayong distansiya. Gayunman, ngayon ay nakikita nating ang bilis ng pagtakbo ng mga kababaihan sa marathon ay halos malapit na sa bilis ng kalalakihan.

Sa tala, nakumpleto ni Suprabha Beckford (isang babae) ang 3100-milyang takbuhan ng 10 beses. Sinasabi ng marami na kapag nakaharap mo siya, wala kang makikitang espesyal sa kaniya na indikasyon ng kaniyang malaking potensiyal sa takbuhan. Gayunman, dahil sa matinding lakas ng loob at determinasyon ay nagawa niya ang isang pambihirang bagay; isang pagtatagumpay na maaaring sa una’y hindi inakala ng marami na kaniyang makakamit.  

Dapat maunawa na ang pansariling pagsasaibayo (self-transcendence) ay hindi lamang tungkol sa pisikal na tagumpay; ito ay tungkol din sa pagnanais na pakawalan o iwaksi ang lahat ng pansariling paglilimita. Tingnan mong mabuti ang iyong sarili; suriin kung sa anu-anong larangan ka pa makagagawa ng higit. Anong mga aspeto ng iyong buhay ang nais mong umibayo pa? Maraming halimbawa ng mga tao na maaaring magsilbing inspirasyon natin sa pagkakamit ng pansariling pagsasaibayo at pansariling pag-unlad.

*Kung may paksang nais hanapin, i-search dito:

Copyright © 2014-present Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio

Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist 

Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:

– 3.2 Natatasa ang mga pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili (PPT11/12PP-Ig-3.2) o Natataya ang mga pagkakatakda (hangganan) at pagsasaibayo (posibilidad) ng sarili