Mga Paghahanda sa Harap ng Kalamidad

Ang Pilipinas ay madalas makaranas ng bagyo at baha, kaya mahalaga na natutukoy ang mga paghahanda na nararapat gawin sa harap ng mga kalamidad. Isa ito sa mga pamantayan sa pagkatuto na hinahanap sa mga mag-aaral na kumukuha ng araling Mga Kontemporaryong Isyu sa Pilipinas (Baitang 10).

Ang mga sumusunod ay ang mga mahalagang isaisip o tandaan at mga payong dapat gawin bago pa man ang kalamidad o panganib, habang ito ay nagaganap at matapos itong maganap.

BAGYO

BAGO dumating ang bagyo, ang mga sumusunod ay marapat na gawin:

1. Siguruhing mayroong magagamit na flashlight kapag nawalan ng kuryente, de bateryang radyo upang maging updated sa mga balita at pangyayari, ekstrang baterya. Tiyakin din na puno ang baterya o fully charged ang inyong telepono o cellphone. Kung magagawang bumili ng power bank.

2. Tiyaking may nakaimbak na malinis na tubig at inumin, mga pagkain gaya ng bigas at ng di madaling masira tulad ng mga noodles, delata at mga pantawid gutom gaya ng biskuwit. Ihanda rin ang first-aid kit na kinapapalooban ng mga gamit pang-emergency at mga gamot na panglunas. Sinupin din ang mga mahahalagang bagay (cellphone, laptops) at mga dokumento sa pamamagitan ng paglalagay sa mga ito sa mga plastik na water-proof.

3. Siguruhing maayos ang buong bahay bago dumating ang bagyo. Tiyaking maayos ang mga bubungan at maging ang ibang bahagi ng bahay tulad ng haligi, binatana at iba pa at kumpunihin kung may matagpuan sira. Pagtibayin ang pagkakakabit ng mga ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga braces, pagtatali at pagpapako nang mabuti.

4. Alisin o putulin ang malalaki at mahahabang sanga ng mga puno na posibleng bumagsak sa bahay.

HABANG humahagupit ang malakas na bagyo, tandaan ang mga sumusunod na paalala:

1. Tumunghay sa TV, radyo o internet upang maging maalam sa mga kasalukuyang pangyayari at mga pahayag o babala ukol sa bagyo. Sa pag-antabay sa mga ito magkakaroon ng impormasyon ukol sa pagkilos ng bagyo, lakas, direksiyong tinatahak at kasalukuyang lokasyon. Maaari ring makipag-ugnayan sa mga opisyal sa barangay , kapitbahay at mga kakilala.

2. Siguruhing makapag-double check ng mga pang-emergency na mga kagamitan at tiyaking hindi mababasa ang mga ito sa kanilang kinalalagyan. Ang mga basyo ng tubig ay tiyaking puno upang mayroong magamit kapag kinakailangan, isinop ang mga damit, mga pagkain, kandila, baterya, posporo at mga mahahalagang dokumento at gamit sa plastik na lalagyan.

3. Maging laging handa. Huwag magpanic subalit huwag rin naman maging kampante. Alamin kung nasaan na ang mata ng bagyo at mag-ingat rito. Ito ang lugar kung saan kalmado ang paligid at may low pressure o low pressure area at biglang tigil ang hangin at ulan. Matapos ang halos (2) oras, ito ang maghuhudyat ng pagbalik ng mas malalakas na hangin at ulan.

4. Ipagpaliban ang pag-alis ng bahay o tahanan at paggala sa mga lugar hanggat hindi natatapos ang bagyo. Sa bahay na lamang tumigil upang maiwasan ang mga panganib at sakuna. Sa sitwasyong kinakailangang lisanin ang tahanan o lumikas, siguruhing naisara ang mga linya ng kuryente sa bahay (i-switch off ang main switch),  naisara ang mga tangke ng gas stove, naipinid at nai-lock mabuti ang pinto at nadala ang mga kagamitang inihanda para sa mga emergency.

BAHA

BAGO bumaha, ang mga sumusunod ay marapat na gawin:

1. Siguruhing alam ang mga  warning and alert system at signal na nagmumula sa munisipyo o sa inyong barangay. Antabayanang maige ang opisyal na warning signal mula sa mga nakasasakop sa inyong komunidad.

2. Palaging umantabay sa mga ilalabas ng PAGASA na mga ulat ng panahon. Kadalasan ay mayroon silang mga updates mula sa mga kalamidad. Manatiling maging maagap at obserbahan ang mga sitwasyon.

3. Igayak ang mga kakailanganin sa pag-evacuate o paglikas. Ang mga mahahalagang bagay tula ng mga pagkain, malinis na tubig inumin, damit, kumot, banig, first-aid kit o mga gamit, mga magagamit kapag naputol ang linya ng kuryente gaya ng flashlight, kandila, posporo, de-bateryang radyo. Maganda kung ang mga ito ay mailalagay sa plastik na supot na hindi mababasa.

4. Sinupin ang mga kagamitan. Kung mayroong 2nd floor o ikalawa o ikatlong palapag ang inyong tahanan ay iakyat doon ang mga gamit. Kung wala naman ay kahit ipatong ito sa mga upuan o lamesa. Ilagay ang mahahalagang gamit o dokumento sa sisidlang plastik.

5. Humanap ng mataas na lugar kung saan maililipat ang sasakyan upang maiwasang malubog ito sa baha. Siguruhing nakaalis ang koneksiyon sa baterya. Maging ang mga alagang hayop ay siguruhing maililipat sa mataas na lugar para sa kanilang kaligtasan.

6. Ilagay din sa mataas na lugar ang mga iimbaking pagkain at tubig-inumin.

7. Maghead count upang masigurong kumpleto ang lahat ng miyembro ng inyong pamilya at maging handa anuman ang sitwasyon at pangyayari.

8. Magkaroon ng kaalaman sa mga itinalagang evacuation centers. Pag-aralan ang mga shortcuts at ligtas na daan patungo roon.

9. Antabayanan ang mga warning signals na ipaparating ng kagawad ukol sa paghahanda sa paglikas at ang panahong kailangan nang lumikas. Kung sa inyong palagay ay hindi titigil ang ulan at patuloy na tataas ang tubig, mabuting lumikas na bago pa man magkaproblema sa mga daanan (daan at tulay) patungong evacuation centers.

Magpatala at umugnay  sa mga itinalagang kagawad sa pagkakataong gusto nang lumikas tungo sa mga kamag-anakan sa karatig barangay upang maipakusta. Siguraduhing bago umalis ng tahanan o lumikas ay nakaswitch-off ang main switch ng kuryente at nakasara at nakalock nang maige ang tahanan.

10. Ang mga miyembro naman ng Barangay Disaster Coordinating Council (BDCC) ay dapat maisiguro ang kanilang mga kagamitan tulad ng malalaking flashlight, mga warning device gaya ng megaphone,pito at kalembang, mga radyong de-baterya, mga makakapal at matitibay na tali at lubid, mga kagamitan para sa komunikasyon tulad ng mga telepono o cellphone, two-way radios at pang emergency na mga kagamitan gaya ng liyabe, martilyo , wrench at iba pa.

HABANG may baha ay gawin ang mga sumusunod:

1. Tantiyahin ang lalim ng tubig baha bago tumawid o lumusong. Minsan, ang akala ay mababaw lamang ito subalit malalim na pala. Huwag nang tumuloy kapag alanganin.

2. Mag-ingat ang mga motorista. Huwag nang tumuloy sa pagtawid at paglusong sa baha sapagkat hindi ligtas lalo na kung malalim at malakas ang daloy ng tubig. Itigil na muna ang mga sasakyan sa mataas na lokasyon o lugar.

3. Patnubayan ang mga bata at huwag silang hayaang maglaro sab aha.

4. Delikado ang mga binahang ilog kaya huwag itong lalanguyan. Iwasan din itong tawirin ng mga Bangka.

5. Para sa mga pagkain, siguruhing lutong luto ang mga ito para makaiwas sa sakit. Takpan nang mabuti ang mga pagkain at huwag hahayaang marumihan.

6. Ang mga tubig inumin ay mahalaga kaya mabuting pakuluan muna ito bago inumin.

PAGHUPA ng baha, ito naman ang gawin:

1. Kung papasok sa mga binahang bahay, siguruhin maging maingat. Gumamit ng mga kagamitang tulad ng flashlight o rechargeable lamp lalo na kung madilim sa paligid upang huwag tumama sa kung anu-anong mga bagay.

2. Alalahanin ang mga bagay bagay na pweeng pagmulan ng sunog.

3. Huwag nang tangkaing kainin o inumin ang maruming pagkain at tubig. Ugaliin ang pagluluto nang mabuti ng mga pagkain at pagpapakulo ng tubig inumin/

4. Kadalasang maraming nasisirang mga pasilidad tulad ng mga kawad ng kuryente, tubog ng tubig at mga poste ng ilaw. Ipagbigay alam sa mga nakatalagang departamento ang ukol rito nang dagliang maaksyunan.

5. Sa mga kagamitang de kuryente at mga switch sa bahay na nabasa, ipasuri muna sa mga nakakaalam kumumpuni bago ito gamitin upang masiguro ang kaligtasan … ituloy ang pagbasa

Para sa paghahanda na dapat gawin sa panahon ng landslide at epidemya (gaya ng Dengue at Covid-19), basahin ang Mga Paghahanda sa Harap ng Kalamidad

One thought on “Mga Paghahanda sa Harap ng Kalamidad

Comments are closed.