Mga Paghahanda na Nararapat Gawin sa Harap ng Mga Kalamidad

© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO: Natutukoy ang mga paghahandang nararapat gawin sa harap ng panganib na dulot ng mga suliraning pangkapaligiran

Mahalagang matukoy ang mga paghahanda na nararapat gawin sa harap ng mga kalamidad. Ang mga ito ay kailangan para maiwasan o mabawasan man lang ang pinsala ng kalamidad sa mga ari-arian, lalo na sa buhay ng mga tao.

Samakatuwid, ang paghahanda ay para sa kapakanan at kaligtasan ng mga tao, lalo na ng mga nasa  dakong prone sa kalamidad.

Basahin din: Ang Panahon at Kalamidad sa Sariling Komunidad

Mga paghahanda para sa mga kalamidad

Ang mga sumusunod ay mga paalala at payong dapat isagawa kaugnay ng paghahanda para sa kalamidad, sakuna, at panganib:

Bago ang kalamidad

1. Magkaroon ng tamang mindset.

Isaisip na bahagi ng reyalidad ang pagkakaroon ng kalamidad at maaaring manganib ka at ang iyong pamilya. Alamin ang mga sakunang posibleng maganap sa inyong lugar at maging handa sa lahat ng panahon.

2. Gawing ligtas ang kinaroroonan.

Gawing matibay ang inyong tinutuluyan. Talian ang mga maaaring bumagsak at iangat ang mga gamit na maaaring abutan ng baha. Alisin ang mga posibleng pagsimulan ng sunog. Magtalaga ng isang lugar na ligtas o silid sa bahay na maaring puntahan kapag may emergency. Pag-isipan din kung dapat lisanin muna ang tahanan at lumikas kaagad sa mas ligtas na lugar.

3. Ihanda ang mga gamit para sa sitwasyong emergency.

Paghandaan ang posibleng pagkawala ng kuryente, tubig, linya ng komunikasyon, at serbisyong pang-transportasyon. Makatutulong na maghanda ng survival go-bag.

Maglagay sa survival go-bag ng pagkaing hindi agad napapanis (gaya ng de lata at biskwit), malinis na tubig, first aid kit o emergency kit (bendahe, alcohol, mga gamot, at iba pa), tools (gaya ng maliit na kutsilyo o Swiss knife), hygiene kit (sipilyo, toothpaste, shampoo, sabon, at tisyu), powerbank, radio, flashlight at baterya, kandila, at posporo. Maaari ring ilagay dito ang ilang halaga ng pera, ID, at importanteng dokumento.

4. Tandaan o itala ang mahahalagang numero ng telepono

Alamin at gawing accessible ang numero ng telepono ng mga ahensiya ng pamahalaan ukol sa sakuna at kalamidad, ng mga point person sa inyong barangay, at ng mga kamag-anak o kaibigan mong matatawagan sa panahon ng emergency.

5. Ihanda ang mga miyembro ng pamilya

Ang ID lace ng mga nag-aaral ay maaaring lagyan ng silbato (whistle) na magagamit nila na pantawag ng atensiyon kung sila ay mata-trap sa isang lugar. Payuhan sila kung kanino maaaring umugnay sa panahon ng sakuna. Magtalaga ng isang miyembro ng pamilya na responsable upang siyang magsilbing ‘point of contact.’

6. Bumuo ng escape plan at praktisin ito

Suriin ang emergency exit sa pinagtatrabahuhan. Alamin ang emergency plan sa paaralan ng mga nag-aaral. Pag-usapan kung saan magkikita-kita ang mga miyembro ng iyong pamilya kapag nagkaroon ng kalamidad. Praktisin ng inyong pamilya ang pagpunta sa napag-usapang meeting place.

Habang may kalamidad

Kapag may lindol

Dapat na proteksyunan ang sarili. Iwasang mataranta at huwag tumakbo agad palabas ng gusali.

Tandaan ang “Dapa, Kubli, at Kapit.” Marapat na dumapa para maiwasang matumba at masugatan. Magkubli o sumilong sa matibay na furniture (gaya ng lamesa) at kumapit sa matibay na makakapitan.

Hintayin na huminto ang lindol bago lumabas, subalit mag-ingat sa mga after shock. Kung may niluluto, patayin muna ang kalan o apoy, at ibaba ang mga kuntador sa bahay bago lumabas. Gawing prayoridad ang kaligtasan ng mga sanggol, bata, mga may kapansanan at matatanda.

Umiwas sa mga pader sapagkat maaaring bumagsak ang mga ito. Mag-ingat sa mga piraso ng basag na salamin, kawad ng kuryente, at iba pang mapanganib na bagay.

Kapag may bagyo, buhawi, at tsunami

Dapat na regular na i-monitor ng mga nakatira sa mga lugar na may public storm warning signals ang mga weather update at advisory para sa mga bilin gaya ng agarang evacuation.

Makabubuting magtungo sa pinakamalapit na evacuation center kung ang bahay ay nasa isang flood-prone area. Kung hindi lilikas sa evacuation center, dapat manatili sa loob ng tahanan at manatiling kalmado subalit alerto.

Kung may tsunami warning, pumunta na agad sa mas mataas na lugar lalo na kapag umatras ang tubig mula sa baybayin. Asahan na ang kasunod nito ay mas malalaking alon. Kapag may buhawi, pumunta agad sa lugar na maaaring pagtaguan o sikaping lumayo sa kinaroroonan nito.

Kapag may pagsabog ng bulkan

Sa oras ng pagsabog ng bulkan, makinig sa mga panawagan at anunsiyo mula sa pamahalaan. Kung kailangan ng lumikas, sumangguni agad sa lokal na pamahalaan. Sundin ang babala at mga tuntunin ng mga kinauukulan.

Kung hindi kailangan na lumikas, manatili sa loob ng bahay at tiyaking nakasara ang mga bintana at pinto, upang hindi makapasok sa bahay ang ash fall. Ipasok sa bahay ang mga sasakyan o takpan ng trapal upang hindi malagyan ng volcanic ash.

Kung kailangang lumabas ng bahay ay magsuot ng N95 mask. Kung walang N95 mask ay gumamit ng basang bimpo at saka ito ang itakip sa inyong ilog at bibig.

Iwasang dumako sa mga mabababang lugar—dito maiipon ang mga abo at iba pang debris mula sa pagsabog ng bulkan. Umiwas din sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig—ang mga ito ay magiging daluyan ng mainit na lava o lahar. Lumayo sa mga restricted zone o lugar na naka-heightened alert.

Kapag may baha

Iwasan hangga’t maaari ang paglusong sa baha. Tandaan na ang tubig baha ay marumi. Maaari ring may nakaambang panganib sa baha tulad ng walang-takip na mga manhole, bumagsak na mga kawad ng kuryente, matutulis na bagay, at mga kauri ng mga ito. Huwag hayaang maglaro o maligo sa baha ang mga bata.

Huwag magmaneho patawid sa baha. Ang sasakyan ay kayang tangayin ng rumaragasang tubig. Gayundin, huwag languyan o tawirin man ng bangka ang mga binahang ilog.

Siguraduhing lutung-luto ang mga pagkain para makaiwas sa sakit. Takpan nang mabuti ang mga pagkain at huwag hahayaang marumihan. Pakuluan muna ang tubig ito bago inumin.

Kapag may sunog

Ang paglindol at iba pang kalamidad ay maaaring magdulot ng sunog. Kapag may sunog, kalmahin muna ang sarili at isipin ang dapat gawin. Dapat agad alertuhin ang mga kasama sa bahay o gusali.

Apulahin ang apoy kung kaya pa. Kung may nakahandang fire extinguisher, ipampatay ito sa apoy. Sa paggamit nito, gawin ang “PASS”:

-Pull the pin (Hilahin ang pin)

-Aim at the fire (Asintahin ang apoy)

-Squeeze the lever (Pisilin ang hawakan)

-Sweep from side to side (iwasiwas ang hose pakanan at pakaliwa)

Subalit kung masyado nang malakas ang apoy, lumabas kaagad sa nasusunog na lugar. Tandaan na nakamamatay maging ang usok na galing sa apoy. Iwan na ang mga personal na gamit. Tandaan na mas mahalaga ang buhay kaysa anomang gamit. Mahalaga ang bawat segundo sa kaligtasan. Maaaring gumapang sa sahig para hindi malanghap ang makapal na usok at mainit na hangin.

Kapag nagliyab ang damit, gawin ang “stop, drop, and roll” (ang pagtigil, paghiga sa sahig, at pagpapagulong-gulong) upang mawalan ng oxygen ang apoy at mamatay ito.

Tumawag agad ng bumbero. Habang naghihintay sa mga bumbero, makatutulong na magpasahan ng balde ng tubig para maisaboy sa apoy.

Pagkatapos ng kalamidad

1. Alamin kung walang napinsala sa mga kasapi ng pamilya.

2. Mag-ayos ng nasalantang tirahan at maglinis ng paligid na naapektuhan ng kalamidad. Maging maingat kung papasok sa binahang bahay. Gumamit ng flashlight o rechargeable lamp kung madilim ang paligid upang huwag maaksidente.

3. Huwag nang tangkaing kainin o inumin ang narumihang mga pagkain at tubig. Ugaliin ang pagluluto nang mabuti sa mga pagkain at pagpapakulo ng tubig bago ito inumin.

4. Agapan ang mga bagay na maaaring pagsimulan ng sunog. Bago gamitin ang mga nabasang kagamitang de kuryente at mga switch sa bahay, ipasuri muna sa mga nakakaalam at ipakumpuni kung kinakailangan.

5. Ipaalam agad sa mga kinauukulan ang mga nasirang bagay gaya ng poste at kawad ng kuryente, tubo ng tubig, at iba pa.

6. Alamin at umugnay sa post-disaster rehabilitation and recovery programs ng pamahalaan. Ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang namumunong institusyon sa bansa ukol dito.

Makahihingi ng ayuda sa mga sangay nito sa lokal na pamahalaan: Ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) o Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

7. Maging handa rin sa pagtulong sa higit na nangangailangan. Magplanong tumulong sa iba, lalo na sa mga matatanda, maysakit, o may kapansanan.

*Libreng lektura para sa kasunod na MELC: Nasusuri ang kahalagahan ng kahandaan, disiplina at kooperasyon sa pagtugon ng mga hamong pangkapaligiran

*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin na nais mong hanapin (e.g. migrasyon, civic engagement, CDRRM, etc), i-search dito:

Copyright © Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

Para sa mga Guro: Maaari itong i-share bilang reading assignment ng mga mag-aaral.
Para sa mga makabuluhang free lectures gaya nito, sangguniin ang: Homepage: Mga Kontemporaryong Isyu

Basahin: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog

Mga libreng lektura para sa mga MELC:

MELC 1: Nasusuri ang kahalagahan ng pag-aaral ng Kontemporaryong Isyu

MELC 2: Natatalakay ang Kalagayan, Suliranin at Pagtugon sa Isyung Pangkapaligiran ng Pilipinas

MELC 3: Natutukoy ang mga paghahandang nararapat gawin sa harap ng panganib na dulot ng mga suliraning pangkapaligiran

MELC 4: Nasusuri ang kahalagahan ng kahandaan, disiplina at kooperasyon sa pagtugon ng mga hamong pangkapaligiran

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Mga Ahensiya Ng Pamahalaan Na Responsable Sa Kaligtasan Ng Mamamayan Sa Panahon Ng Kalamidad

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.