Mga Kasalukuyang Hamon Sa Pagtamo Ng Sustainable Development

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Nasusuri ang mga kasalukuyang hamon sa pagtamo ng sustainable development (hal.: consumerism, energy sustainability, poverty, at health inequalities)

Mga Hamon sa Pagtatamo ng Sustainable Development

Ang likas-kayang kaunlaran ay isang magandang konsepto. Ganunpaman, maraming hinaharap na hamon ang prinsipyong ito at ang mga programang nakapaloob dito. Narito ang ilan:

Consumerism

Ang consumerism ay tumutukoy sa proteksyon o pagtataguyod ng mga interes ng mga mamimili; ang gawi ng lipunan ukol sa pagkuha ng pangangailangang kalakal o consumer goods

Ang mga consumerist economy ay naghihikayat sa mga tao na tumangkilik at gumamit ng maraming kalakal.

Ang aggressive consumerism ay ang dahilan ng paglago ng ekonomiya ng maraming bansa. Gayunpaman, ito rin ang dahilan sa mabilis na pagka-ubos ng mga hindi mapapalitang mga pinagkukunang-yaman ng daigdig.

Ang consumerism ay hamon sa mga panawagan ng likas kayang pag-unlad ukol sa katamtaman at responsableng pagkonsumo at sa paghikayat sa mga konsumer na magkaroon ng tamang kamalayan at maging higit na sensitibo at responsable sa paggalang sa kapaligiran.

Ang isang paraan ay ang pagtangkilik sa mga kasangkapan na hindi nangangailangan ng maraming enerhiya para likhain, hindi nagreresulta sa pagkaubos ng mga pinagkukunan, at hindi nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran.

Kaakibat ng likas-kayang pag-unlad ay ang likas-kayang pagkonsumo (sustainable consumption), kung saan nakapaloob ang:

(a) malaganap na tamang kamalayan ukol sa kalikasan;

(b) paggamit ng mga kalakal at serbisyo na eco-friendly;

(c) pagkonsumo ng mga bagay na may mababang pangkapaligiran at panlipunang gugol; at pagsasakatuparan ng prinsipyo ng hustisya sa mga ka-henerasyon at maging sa mga susunod. (Kaugnay: Kasaysayan ng Pagkabuo ng Konsepto ng Sustainable Development)

Energy Sustainability

Ang energy sustainability ay tumutukoy sa pagiging likas-kaya ng enerhiya o ng paggamit nito. Taliwas sa prinsipyong ito ang maraming gawi ng tao gaya ng mga sumusunod:

– pag-aaksaya ng tubig at enerhiya (gaya ng hindi pagpatay ng ilaw o pagpapanatili ng plugs sa sockets kahit hindi ginagamit),

– hindi pagre-recycle,

– hindi pagre-reuse (muling paggamit ng mga bagay na maaari pang gamitin),

– hindi pagre-repurpose, at,

– paggamit ng sariling sasakyan kung pwede namang mag-carpool.

Nakapaloob din sa energy sustainability ang paggamit ng sustainable energy, isang anyo ng enerhiya na nakatutugon sa pangangailangan natin sa enerhiya ngayon na hindi nanganganib na maubos, bagkus ay maaaring magamit nang paulit-ulit.

Hindi ito nagdudulot ng anumang pinsala sa kapaligiran at magagamit nang malaya nang walang bayad. Ang mga mapagkukunan ng napapalitang enerhiya tulad ng solar, wind, geothermal, hydropower at ocean ay napapanatili dahil sila ay matatag at sagana.

Ang araw ay magpapatuloy na magbibigay ng kaniyang sikat hangga’t lahat tayo ay narito sa mundo. Ang init na dulot ng araw ay magpapatuloy na gumawa ng hangin. Sa matagal na panahon, ang mundo ay magpapatuloy na maglalabas ng init mula sa loob nito.

Ang pag-andar ng ating planeta, ng araw, at ng buwan ay hindi pa titigil at mananatiling lilikha ng mga paglaki ng tubig sa dagat.

At ang proseso ng evaporation ay patuloy na magpapasingaw sa tubig na pagdaka’y mahuhulog naman sa anyo ng ulan o yelo na dadaan sa mga ilog o batis at magsasanib sa karagatan at maaaring magamit upang makalikha ng enerhiya sa pamamagitan ng hydropower.

Pinatutunayan ng mga ito na ang lahat ng mga pinagkukunan ng likas-kayang enerhiya ay napapanatili at magpapatuloy na magbigay ng enerhiya sa mga darating na henerasyon.

Hindi kabilang sa napapanatiling enerhiya ang mga pinagmumulan na nanggagaling sa mga fossil fuels at ang mga nagdudulot ng basura.

Ang likas-kayang enerhiya ay muling napupunan at ito ay makatutulong upang mabawasan ang mga emisyon ng greenhouse gases at hindi ito nagdudulot ng pinsala sa kapaligiran.

Poverty

Halos 10 porsiyento ng populasyon ng mundo ay sinasabing nabubuhay pa rin sa matinding kahirapan at nakikipagbaka upang matugunan ang pinaka pangunahing mga pangangailangan tulad ng kalusugan, edukasyon, at akses sa tubig at sanitasyon.

Ang karamihan sa mga taong nabubuhay sa mas mababa sa $ 1.90 sa isang araw ay nakatira sa sub-Saharan Africa.

Ang kahirapan ay may maraming mga dimensyon, ngunit kabilang sa mga sanhi nito ang kawalan ng trabaho, pagbubukod sa lipunan (social exclusion), at pagiging peligroso ng ilang populasyon sa mga kalamidad, sakit, at iba pa na pumipigil sa tao na maging produktibo.

Ang mga kalamidad ay maaaring sanhi rin ng iresponsableng mga aksyon at desisyon ng tao tulad ng maaksayang pagkonsumo ng mga bagay at enerhiya at walang habas na pag-ubos sa mga bagay sa kalikasan.

Ang pag-alis ng kahirapan sa lahat ng anyo nito ang isa sa dakilang pandaigdigang mga hamon at isang mahalagang kondisyon sa konsepto ng likas-kayang kaunlaran. Ang unang sustainable development goal ay ang “tapusin ang kahirapan sa lahat ng anyo nito saanman.”

Ang pagbura sa kahirapan ay tinalakay sa Kabanata II ng Johannesburg Plan of Implementation (2002). Kabilang sa mga binibigyang prayoridad na aksiyon sa pagpawi ng kahirapan ang:

a. pagpapabuti ng akses sa mga likas-kayang kabuhayan, mga pagkakataon sa negosyo, at mga produktibong mapagkukunan;

b. pagbibigay ng unibersal na akses sa mga pangunahing serbisyong panlipunan;

c. tuluy-tuloy na pagbuo ng mga sistema ng proteksyong panlipunan upang suportahan ang mga walang kakayanang suportahan ang kanilang sarili;

d. pagpapalakas sa mga taong nabubuhay sa kahirapan at sa kanilang mga samahan;

e. pagtugon sa epekto ng kahirapan sa mga kababaihan;

f. pakikipagtulungan sa mga interesadong donor at tagatanggap upang mailaan ang mas malaking bahagi ng official development assistance (ODA) para sa pagpawi ng kahirapan; at,

g. pagpapaigting ng internasyonal na kooperasyon para sa pagpawi ng kahirapan.

Health inequalities

Ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa kalusugan (health inequalities) ay mga pagkakaiba-iba sa kalusugan (o pagkakaiba-iba sa mga mahahalagang salik sa kalusugan) na sistematikong nauugnay sa pagiging nasa mababang estado sa lipunan o pagiging socially disadvantaged (halimbawa, pagiging mahirap, babae, o miyembro ng isang disadvantaged na lahi, etniko) na lalo namang nagpapadehado sa kanila sa lipunan.

Noong 2015, sinang-ayunan ng mga bansang kasapi ng United Nations ang sustainable development goals (SDGs), na nakapaloob sa “Transforming our World: The 2030 Agenda for Sustainable Development.”

Sa SDG agenda ay inulit ang panawagan para sa pagkakapantay-pantay sa kalusugan, sa layong matiyak ang malusog na pamumuhay at maitaguyod ang kagalingan (well-being) ng lahat ng tao anoman ang edad.

Ang mga SDG ay nangangailangan ng magkakasamang pagsisikap ng mga stakeholder sa loob at labas ng sektor ng kalusugan upang makamit ang mga pagpapabuti sa maraming mga kondisyon na nakakaapekto sa kalusugan at sa oportunidad para sa kalusugan—tulad ng kahirapan, diskriminasyon sa kasarian, kakulangan ng mga oportunidad na pang-edukasyon, pagkasira ng natural na kapaligiran, at hindi maayos na kondisyon sa paghahanapbuhay … ituloy ang pagbasa

*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin na gusto mong hanapin, i-search dito:

Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist 

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Iba’tibang Istratehiya At Polisiya Na May Kaugnayan Sa Pagtamo Ng Sustaibale Development Na Ipinatutupad Sa Loob At Labas Ng Bansa

Kaugnay: Nuclear Power as Philippines’ Main Source of Electric Energy: Better or Danger?

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.