Mga Isyu na may Kaugnayan sa Karapatang Pantao

Copyright by Marissa G. Eugenio/MayInfoBasket.com

Ang karapatang pantao ay tumutukoy sa mga karapatang likas sa lahat ng tao, anoman ang nasyonalidad, lugar ng tirahan, kasarian, nasyonal o etnikong pinagmulan, kulay, relihiyon, wika, o anumang iba pang katayuan o estado.

Lahat ng Pilipino ay pantay-pantay na may karapatan o entitled sa mga karapatang pantao nang walang diskriminasyon.

Ang mga sumusunod ay iba’t ibang mga isyu na may kaugnayan sa karapatang pantao hango sa lektura ni Propesor Jensen DG. Mañebog:

1. Mga unsolved cases o mga hindi pa nareresolbang kaso

Hanggang sa ngayon, may mga biktima ng kaso ng ng paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law na diumano ay wala pa ring nakamtamg hustisya at nanatiling malabo ang kanilang kaso.

Wala pa ring katarungan para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre noong 2009 kung saan nasawi ang 58 na katao na 38 sa mga ito ay mamamahayag o mga miyembro ng media.

Isang napakalungkot na pangyayari ang naganap sa umpisa ng taong 2015. Nasawi ang 44 na kaanib ng (Philippine National Police–Special Action Force) sa isinagawang operasyon laban sa grupo ng mga teroristang sina Basit Usman at Zulkifli Abdhir (alyas Marwan) sa Mamasapano, Maguindanao.

Itinuturing na paglabag sa karapatang pantao at sa kasunduang peace talk sa pamahalaan, ang nangyaring pagpatay sa mga PNP-SAF o “Fallen 44”. Ito ay dahil nasangkot ang mga miyembro ng MILF (Moro International Liberation Front) at ang pagbaril sa mga ito ay malapitan. Tunay na ang malungkot na pangyayari ay dapat hanapan ng katarungan alang alang man lamang sa kanilang mga naulila.

2. Implementasyon ng mga batas

Ito ay tungkol sa isyu sa implementasyon ng mga batas ukol sa karapatang pantao. Sa buong Timog Silangang Asya, Pilipinas ang nanguna sa pagproklama at pagpapatupad ng batas sa ‘forced disappearance’ o tortyur at puwersahang pagkawala. Sa kabila nito, ang tingin ng marami ay hindi epektibo ang implementasyon nito maging ng iba pang kaugnay na batas para sa karapatang pantao.

Kaya naman, marami ang nagtataguyod na isulong ang mas istriktong pagpapatupad nito upang mapangalagaan ang karapatang pantao ng bawat isa.

3. Kabagalan ng pagresolba ng mga kaso

Laging ipinagdidiinan ng mga namumuno sa bansa na nais nilang malutas ang mga suliranin sa bansa. Sila umano ay pro-peace at tinatahak ang matuwid na daan. Subalit , ang kanilang mga kritiko ay naniniwalang mabagal ang mga namumuno sa paglutas ng mga kasong tungkol sa paglabag sa karapatang pantao. Karamihan sa mga kaso ay wala pang kalutasan at mayroon pang tinatamasang kalayaan ang mga nasasangkot.

Ang ilan sa mga kasong walang kalutasan at tila nakalimutan na sa pagdaan ng panahon ay ang Maguindanao massacre, mga kaso ng tortyur, ekstrahudisyal na pagpatay at pagkawala

4. Tiwala ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao

Dahil tila hindi umuusad ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, hindi maiiwasang mawala ang tiwala ng mga biktima at kanilang pamilya sa gobyerno. Ang ilan pa ay nagsasabing walang makakamit na tunay na hustisya hangga’t walang pagbabago sa sistema lalo na sa mga nasa posisyon.

Para sa karagdagang halimbawa, sangguniin ang artikulong, “Mga Halimbawa ng Paglabag sa Karapatang Pantao sa Pilipinas” sa AlaminNatin.com.

*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin na nais mong hanapin (e.g. migrasyon, globalisasyon, civic engagement, etc), i-search dito:

Copyright by Marissa G. Eugenio/MayInfoBasket.com

© MyInfoBasket.com