Mga Huwarang Pilipinong Persons with Disability (PWDs)
May mga Pilipinong Persons with Disability (PWDs) na maituturing na huwaran. Bilang pagkilala sa kakayahan ng mga kababayan nating PWD na napalawak ang kanilang potensiyal, ang Kalibrr.com ay naglabas ng listahan ng mga kahanga-hangang Pilipinong PWD na nakapag-ambag sa lipunan.
a. Ronnel del Rosario
Si Ronnel del Rosario ay isang bulag na broadcast journalist na may kahanga-hangang resumé. Si Del Rio ang unang bulag na nagtamo ng Master’s degree sa Pilipinas, matapos mag-aral ng Management Technology sa De La Salle University noong 2003.
Bilang mamamahayag sa radyo, nakilala si Ronnel noong 1996 dahil sa kaniyang prgrama na “Good Morning Southern Luzon.” Isang tinig ng katwiran at kamalayan, tinalakay niya ang mga pambansang isyu maging ang mga isyung kinakaharap ng mga PWD sa Pilipinas. Bilang boses ng mga hindi naririnig na PWD sa Pilipinas, isinusulong ni Ronnel ang pagtatamasa ng mga PWD ng mga serbisyo hindi lamang sa kaniyang lugar kundi sa kabuuan ng bansa.
Siya ang presidente ng Philippine Chamber of Massage Industry for Visually Impaired, bahagi ng Philippine Coalition on the United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities, board member ng Philippine Mental Health Association, presidente ng Federation of Disabled Person in Lipa, at chief executive officer ng Punlaka—isang grupong pang-adbokasiya para sa PWD na nakabase sa Rehiyon 4.
Isinulong niya, bilang Housing and Homesite Regulatory Affairs officer para sa pamahalaan ng Batangas, ang Viable Socialized Resettlement Program, kung saan ang bakanteng lupa na di ginagamit ay isinasaalang-alang para maging lugar ng proyektong pabahay para sa mga kapus-palad sa lalawigan. Samakatuwid, ang kaniyang ay hindi lamang para sa kapwa niya PWD.
b. Ana Kristina Arce
Kung titingnan ang pangalan ni Ana Kristina Arce sa YouTube, makikita ang mga bidyo ng kaniyang talumpati sa pagtatapos (commencement speeches). Kahit walang tunog, nagawa niyang ilahad ang pag-ibig at pag-asa sa kaniyang talumpati.
Si Ana Kristina ay Deaf simula pa nang ipanganak. Ganunpaman, ang kapansanan sa pandinig ay hindi naging hadlang kay Ana sa kaniyang hindi mapigil na paghahangad na matuto. Siya ay pinarangalan bilang balediktoryan o unang dangal sa Philippine School for the Deaf at ang kaniyang pagtatagumpay sa akademiya ay hindi natapos roon.
Nagtapos siya noong 2009 bilang magna cum laude sa De La Salle-College of Saint Benilde (CSB) na may digri sa Applied Deaf Studies. Ang kaniyang pokus ay sa multimedia arts at siya ay naging graphic artist sa kaniyang alma mater.
Sa ibayong dagat ay ipinagpatuloy niya ang pag-aaral para sa Master’s Degree (pagdadalubhasa). Natamo niya ang kaniyang MA in Deaf Studies mula sa Gallaudet University, Washington D.C., isa sa mga prominenteng unibersidad sa mundo sa larangan ng deaf studies. Siya ang unang Pilipino na ipinadala sa Gallaudet University na may World Deaf Leadership Scholarship.
Ipinaliwanag niya sa New Internationalist Blog kung bakit patuloy siya sa pag-aaral:
“I hope to not only help them (the deaf) go through college, but also make them good researchers, and active advocates in their respective communities. In my advocacy, I’m looking at opportunities to bring the needs of the Deaf into the consciousness of society, especially the hearing people. I aim to help integrate the Deaf and the hearing together in unity, bridge the communication gap, increase awareness of the Deaf culture, and raise the respect for the natural sign language of the Filipino Deaf – the Filipino Sign Language. [Gusto ko na hindi lamang sila (deaf) makapag-aral sa kolehiyo, kundi ang sila ay maging magagaling na tagapagsaliksik (researchers) at aktibong tagapagtaguyod sa kani-kaniyang komunidad. Sa aking adbokasiya, tinitingnan ko ang mga oportunidad para madala ang mga pangangailangan ng mga deaf sa kamalayan ng lipunan, lalo na sa mga taong nakaririnig. Nais kong makatulong sa integrasyon ng deaf at mga nakaririnig para sa pagkakaisa, magkaroon ng tulay ang hidwa sa komunikasyon, itaas ang kamalayan sa kulturang deaf, at itaas ang respeto para sa natural na sign language ng Pilipinong Deaf—ang Filipino Sign Language].”
c. Gilda Quintua-Nakahara
Si Gilda Quintua-Nakahara ay isang matagumpay na Deaf Entrepreneur. Siya ang nagpapatakbo ng travel and tour business na Nakahara Lodging and Travel Agency, na pangunahing para sa mga hindi nakaririnig, bagaman nagbibigay serbisyo rin maging sa mga hindi PWD. Para patakbuhin ang kaniyang negosyo at makipag-usap sa mga tao, ginagamit ni Gilda ang kaniyang mga kamay—sa pamamagitan man ng panulat at papel o Filipino Sign Language.
Sa mga tourist spot ay nakilala niya ang ilang kapwa niya Pilipinong Deaf, at nagkaroon siya ng ideya na magtayo ng sariling negosyong travel agency simula noong 2004. Kilala siya sa industriya dahil sa kaniyang maaasahang pagsasaayos ng biyahe at serbisyo na inilarawan niyang “age-old” na pag-aasikasong Pilipino (Filipino hospitality). Binaka niya ang mga diskriminasyon at mga hadlang at natutunan niya ang loob at labas ng pagbu-book ng mga biyahe, akomodasyon, at pangangasiwa ng tour.
Si Gilda ay tumulong din sa pagtatayo ng organisasyon para sa mga Deaf sa kaniyang probinsiya na Eastern Samar. Noong 2007, siya ay kinilala sa Go Negosyo Caravan for People with Disabilities sa De La Salle-College of Saint Benilde. Subalit para sa kaniya, ang maging kinatawan ng mga kapwa Deaf ay isa nang malaking karangalan. Narito ang kaniyang mensahe:
“As a deaf person in this kind of business, I am proud to say that I have crossed the border of so-called limited access. I honestly worked hard to achieve my goals. I wanted to show the world that we are not cut off from mainstream society and we are capable of regularly doing and keeping our jobs like the rest of hearing and speaking people. [Bilang isang deaf sa ganitong larangan ng negosyo, ikinararangal kong sabihn na natawid ko ang hangganan ng sinasabing limitadong access. Tapat akong nagtrabaho para marating ang aking mga mithiin. Nais kong ipakita sa mundo na hindi kami patid sa mga panguhahing aktibidad ng lipunan at kami ay may kakayahang regular na gawin at ipagpatuloy ang mga aming mga trabaho gaya rin ng lahat ng nakaririnig at nakapagsasalitang mga tao.”
Masasabi natin na hindi malalaking gawa ang kinakailangan para ang isang tao ay makapagbigay inspirasyon. Minsan ay sapat na ang araw-araw na pagsisikap na paunlarin ang sarili sa anumang kinalalagyang sitwasyon. Ganito ang naipamamalas ng maraming Pilipinong PWD. (© by Marissa G. Eugenio)
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 6.2 Nakapagtatasa ng mga talentong may kapansanan at kapus-palad na maaaring maiambag sa lipunan.
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage
Also Check Out: The Worldview of Atheism by Jensen DG. Mañebog