Mga Hamon sa Pagdadalaga at Pagbibinata: Mga Halimbawa at Pagharap sa mga ito
Matutunan sa lekturang ito ang Kasanayang Pampagkatuto na: Natatalakay ang mga hinaharap na hamon sa panahon ng pagdadalaga/pagbibinata upang mabigyang linaw at mapamahalaan ang mga pangyayaring kaakibat ng pagiging tinedyer.
Pagharap sa Mga Hamon sa Panahon ng Pagdadalaga at Pagbibinata
Bilang isang adolescent, mahalaga na iyong napag-iisipan at natatalakay ang mga hinaharap mong hamon sa panahon ng iyong pagdadalaga/pagbibinata. Ito ay upang mabigyang linaw o maunawaan mo at magawang mapamahalaan ang mga pangyayaring kaakibat ng iyong pagiging tinedyer.
Inaasahan na sa kalagitnaan at huling bahagi ng iyong pagdadalaga o pagbibinata, sasailalim ka sa mabilis na mga pagbabago at pag-unlad at makakasagupa ng iba’t ibang hamon. Haharapin mo rin ang mga nakababahalang inaasahan o ekspektasyon sa iyo ng iyong pamilya at iba pang mga tao sa komunidad.
Kasama sa mga pangyayaring kaakibat ng iyong pagiging tinedyer ang mga pagbabagong pisyolohikal, kognitibo, at sikolohikal na pag-unlad o pagbabago sa panahon ng adolescence na iyong nararanasan at patuloy na mararanasan.
Samakatuwid, mahalagang bahagi ng iyong pagharap sa mga hamon sa panahon ng iyong adolescence ang pag-aaral sa mga pagbabagong iyong nararanasan at pag-unawa sa mga inaasahan sa iyo ng mga mahalagang tao sa iyong buhay. Dapat na maunawaan mo ang Mga Pagbabago sa Panahon ng Adolescence: Mga Aspeto ng Pag-unlad sa Buong Katauhan
Ang mga ito ay makatutulong sa iyo (1) upang matugunan mo ang mga inaasahan sa iyo ng mga taong nakapaligid sa iyo at (2) upang magkaroon ng isang balanse at maayos na pamumuhay bilang isang kabataan.
Mga Hinaharap na Hamon Kaakibat ng Pagdadalaga/Pagbibinata
Ang sumusunod na pagtalakay ukol sa pagbabagong nagaganap sa panahon ng kalagitnaan at huling bahagi ng pagdadalaga at pagbibinata at ang mga kaakibat na mga hamong hinaharap ng mga tinedyer ay hango sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog:
ASPETO | MGA PAGBABAGO SA KALAGITNAANG ADOLESCENCE | MGA PAGBABAGO SA HULING BAHAGI NG ADOLESCENCE | MGA HINAHARAP NA HAMON |
Pisikal | Sa yugtong ito ay halos nakukumpleto na ng mga babae ang pisikal na pag-unlad, habang ang mga lalaki ay nasa proseso pa rin ng pisikal na pagma-mature. | Ang mga babae sa yugtong ito ay physically fully developed na samantalang ang pisikal na paglago para sa mga lalaki ay nagpapatuloy. Unti-unti na nilang natatanggap ang mga pagbabago sa kanilang pisikal na anyo. | Sa aspetong pisikal, ang pangunahing inaalala ng mga tinedyer sa mga yugtong ito ay ang kanilang pisikal na anyo at ang pagiging kaakit-akit sa iba, lalo na sa kaibayong kasarian. Ang hamon kung gayon ay kung paano magkaroon ng anyong presentable sa iba. Makatutulong na panatilihin ang kalinisan sa katawan, ang maayos na pananamit, at ang tamang timbang. |
Pagkakakilanlan o Konsepto sa sarili | Ang krisis sa pagkakakilanlan ay karaniwang nagaganap dahil na rin sa pagkalito dulot ng mga pagbabagong nararanasan gaya ng mga pisikal na pagbabago sa sarili. Ang sense of identity ay hindi pa matatag. | Kumpara sa kalagitnaang adolescence, sa yugtong ito, ang mga tinedyer ay may mas matatag na pagkakakilanlan bagamat patuloy pa ring nagsisiyasat tungkol sa sarili. Nagpapatuloy ang proseso ng pagkatuklas sa larangan ng pamilya, relasyon, edukasyon, at karera. | Ukol dito, ang hamon ay huwag magkaroon ng mababang pagpapahalaga sa sarili (low self-esteem) at hindi maunlad na konsepto sa sarili (poor self-concept). Makatutulong na huwag masyadong mataas ang asahan sa sarili. |
Emosyonal na Pag-uugali | Karamihan ay wala pang tiwala sa sarili at nakadadama ng insecurity, tila walang muwang (naïve), at madaling maimpluwensyahan, kaya malamang na tumulad sa kanilang nakikita sa media tulad ng mga may kinalaman sa relasyon, pakikipag-date, pananamit, at paglabas-labas kasama ng ibang tao. Karamihan sa kanila ay inconsistent, sensitibo, mapaglihim, papalit-palit ng mood, at matigas ang ulo. | Nagkakaroon na ang mga tinedyer, sa yugtong ito, ng mas mataas na lebel ng emosyonal na katatagan. Dahan-dahan silang nagtataglay ng kakayahang maantala ang pagbibigay-kasiyahan sa sarili. | Ang hamon sa pagdaan sa mga yugtong ito ay maiwasan na maging mapaghimagsik at tila nagrebelde laban sa mga polisiya at mga tuntuning ipinatutupad ng mga institusyon. Makatutulong na bantayan ang sarili mula sa kawalang-galang at bastos na pagsasalita at ang pagsagot-sagot sa mga magulang o nakatatanda. Huwag ding sanayin ang sarili sa paggamit ng masasamang pananalita gaya ng pagmumura. |
Panlipunang saloobin (Social attitude) | Karaniwang nawawalan ng konsiderasyon sa iba. Gustung-gustong makilala, magustuhan ng iba, at maging popular. May pagnanais na makipagkumpitensya sa ibang kabataan sa paaralan, gaya sa mga paligsahang pampalakasan at pang-akademiko, at maging sa mga kapatid tahanan. | May umuusbong sa mga tinedyer sa antas na ito ng awtonomiya o kalayaang sosyal. Kaalinsabay nito ay nagkakaroon ng mataas at mas malalim na kakayahan sa pag-aalaga at pagsasa-alang-alang sa iba. | Walang masama na sa yugtong ito ay naghahangad ang mga tinedyer ng kalayaan upang magpasiya, kumilos, at magpahayag ng kanilang sarili. Ang hamon nga lamang ay ang maging responsable at disiplinado sa paggagalugad at pagnanais na maranasan ang iba’t ibang mga bagay. Makatutulong na laging isipin na kadalasan ay na sa huli ay magsisisi kung susubukan ang masasamang bagay tulad ng alak, bawal na gamot, hindi napapanahong pakikipagtalik (premarital sex), at iba pang mga bisyo at kalayawan. |
Relasyon sa mga kaibigan o kasama (peer) | Masyado silang tapat sa kanilang mga kaibigang kaedad (peer) at madalas silang nagtitiwala sa kanila kaysa sa kanilang mga magulang o mga kapatid. Ang pagkakaibigan ang tila pinakamahalaga sa kanila. Sabik sila na magkaroon ng mga bagong kaibigan subalit tila wala silang pakialam sa mga tao na di kabilang sa kanilang grupo. | Bumababa ang impluwensiya ng peer group. Sa yugtong ito ay tila mas mahalaga sa mga kabataan ang relasyon sa iilan subalit mabubuti at mapagkakatiwalaang mga kaibigan. | Ang hamon ay huwag payagang ang malakas na impluwensiya ng barkada ay humahantong sa mga ito sa peligrosong mga pag-uugali gaya paninigarilyo, paglalasing, pakikipagtalik, pagdudroga, at pagiging gumon sa computer games). Makatutulong na huwag maging sunud-sunuran sa gusto at gawi ng mga kabarkada. |
Relasyong pampamilya | Ang pagnanais ng mga kabataan na magkamit ng kalayaan ay karaniwang nagbubunga ng mga reklamo na ang kanilang mga magulang ay madalas na nakakasagabal sa kanilang mga pagpapasya at pagkilos. Ayaw nila ng kontrol at ng awtoridad ng magulang kung kaya’t tila lumalayo sila sa mga ito. Habang nagiging malapit sila sa kanilang mga kaibigan o kabarkada, tila nasisira naman ang kanilang relasyon sa kanilang pamilya. Karaniwang nagkakaroon ng mga salungatan dahil sa paggigiit ng mga kabataan ng kanilang kalayaan at dahil sa iba pang mga isyu. | Sa paglipat sa yugtong ito, ang pamilya ay nagiging maimpluwensyang muli sa mga tinedyer. Ang kanilang mga salungatan sa mga magulang ay kadalasang nababawasan kasabay nang pagtanda. Nagsisimula na silang muling makinig sa mga opinyon at payo ng kanilang mga magulang. Ang malapit na kaugnayan sa mga barkada ay napapalitan ng mga indibidwal na pagkakaibigan. | Isang hamon sa mga kabataan na ang posibilidad na magkaroon sila ng mapaghimagsik na pag-uugali ay pigilang humantong sa paggawa ng pawang kabaligtaran ng nais ng mga magulang. Makatutulong na isaisip na nangangailangan pa rin sila ng pag-ibig at paggabay ng kanilang mga magulang. Dapat mapagtanto na ang kanilang mga magulang ay ang kanilang pinakamatalik na kaibigan. |
Romantikong relasyon | Ang mga tinedyer sa yugtong ito ay nagpapasimulang maging interesado sa romantikong pakikipag-ugnayan at sa pisikal at emosyonal na pakikipagpalagayang-loob. Karaniwang nagsisimula ang pakikipag-date sa edad na 14 hanggang 16. | Ang mga kabataan ay nakabubuo na ng mas seryosong relasyon at umuunlad ang mga kasanayan ukol sa romantikong relasyon. Ang relasyong nasa uring intimate ay nagsisimulang mabuo sa yugtong ito. | Isang hamon na lubusang maunawaan na ang pag-ibig, katapatan, pangangako (commitment), maturity, at kakayahang pangkabuhayan ay mahalaga sa isang matagumpay na relasyon. Makatutulong na tandaan na ang maagang romantikong relasyon ay pangkaraniwan na maikli lamang, kung kaya’t dapat iwasang gumawa ng mga bagay na pagsisisihan sa huli, gaya ng maaaring magbunga ng teenage pregnancy. |
Relasyong Seksuwal | Nagsisimula ang isang nagbibinata o nagdadalaga na magkaroon ng mas mataas na interes tungkol sa kanilang pagiging kaakit-akit sa miyembro ng kaibayong kasarian. | Ang mga babae ay nagiging interesado sa moral at pisikal na kahihinatnan ng sekswal na relasyon habang ang mga lalaki ay tila hindi pa nababahala. Sa magkaibang antas, sila ay kapwa tumutungo sa pagiging mature sa larangan ng seksuwalidad at damdamin at bumubuo ng personal na pagpapahalaga (values) ukol sa sekswal na pag-uugali. | Bagaman ang karamihan ay nakatuon sa heterosexuality, ang ilan ay maaaring maging mausisa tungkol sa iba pang sekswal na oryentasyon tulad ng homosexuality, bisexuality, at iba pa. Ang hamon, kung gayon, ay ang pagkakaroon ng malinaw na sekswal na oryentasyon na isinasa-alang alang ang maraming salik gaya ng damdamin, maging ang pamilya at pananampalataya. Makatutulong na laliman pa ang pagkaunawa sa sekswalidad, maging mas mapag-isip, at matalino sa mga desisyong sekswal. |
Paggawa ng desisyon / Kalayaan | Madalas silang makagawa ng hindi magandang mga desisyon. Ito ay maaaring maging problema lalo na kapag ang mga maling pagpapasya ay humantong sa mga peligrosong gawi, tulad ng iresponsableng pag-inom ng alak at pagdudroga. | Sa kabilang banda, nagpapakita na sila sa yugtong ito ng mas malawak na kalayaan at tiwala o pag-asa sa sarili (self-reliance). Proud sila sa kanilang mga gawain at natatamong mga pagtatagumpay. | Ang hamon ay ang pumili ng mga responsableng mga opsyon at iwasan ang madala ng silakbo ng damdamin at ang paggawa ng anomang karahasan. Makatutulong na magsanay gumawa ng mga independiyente subalit responsableng desisyon at pagtutunan ang pakikipagkompromiso kung kinakailangan. |
Kognitibong Pag-unlad | Kasama sa kognitibong pag-unlad sa yugtong ito ang pagkakaroon ng mga lohikal na kakayahan sa pag-iisip, lumalawak na mga kakayahang-berbal, at kakayahang maunawaan ang moralidad na tanggap sa lipunan. Nagkakaroon sila ng kasanayan sa abstrak na pangangatwiran. Ganunpaman, kapag nakakasagupa ng maraming kalituhan, bumabalik sila sa kongkretong pag-iisip. | Natututo na silang mag-isip tungkol sa mga posibilidad, mag-isip nang maaga, isipin ang tungkol sa pag-iisip ismo, at “ilagay ang kanilang sarili sa mga sapatos ng ibang tao.” May pag-unlad na sa kakayahan sa abstrak at komplikadong pag-iisip na tumutulong sa kanila na magkaroon ng kakayahang maunawaan ang mga bagay tulad ng kung paano naaapektuhan ng kasalukuyang pag-uugali ang pangmatagalang katayuan ng kalusugan. | Kabilang sa hamon sa aspetong ito ang pagkakaroon ng kakayahang tumugon sa mas mabibigat na hinahanap ng paaralan (kung nag-aaral), mabisang pangangatwiran, mag-isip ng mapanimdim (reflectively), at magplano para sa hinaharap. Makatutulong na magsanay ng matalinong paglutas ng mga problema, pag-uugnay ng iba’t ibang mga ideya, at pag-unawa sa mga kumplikadong isyu. |
Mga Pagpapahalaga (values) / Moralidad | Nagsisimula silang magkaroon ng sense of values at nagsisimulang isa-alang-alang ang pagpapakita ng mga etikal na pag-uugali. | Pumipili sila ng mga role model, nagtataglay ng mga ideyang moral, at bumubuo ng isang personal na sistema ng pagpapahalaga (value system). May patuloy na interes sa moral na pangangatuwiran. Ang mga kabataan ay nagkakaroon ng higit na pagkaunawa sa moralidad at katarungan. Sinusuri nila ang mga paniniwala na kanilang nakuha sa panahon ng pagkabata at muling binubuo ang mga paniniwalang ito na maging mga personal na ideolohiya (hal. mas makabuluhang pananaw sa relihiyon, at mga sistema ng paniniwala). | Ang hamon ay ang pagkakaroon ng kakayahan ukol sa pangangatwirang moral, katapatan, at panlipunang saloobin tulad ng pagtulong, altruismo, volunteerism, at pag-aaruga sa iba. Makatutulong na maging idealistic, puno ng paninindigan, at maging matapat o conscientious. |
Pagsasaalang-alang sa hinaharap / Mga career goal | Marami sa kanila ang nananatiling risk takers dahil na rin sa kanilang pakiramdam na sila ay hindi magagapi (invincible). Maraming gutom pa rin sa kaligayahan at kalayaan at padalus-dalos o carefree at iresponsable. Ang malakas na pagnanais na makisama o makibagay sa mga barkada ay nagpapahirap sa kanila sa paggawa ng mga matalinong pagpili at pagdedesisyon para sa hinaharap. Dahil adventurous, nahihirapan silang magtakda ng malinaw career goals. | Nagkakaroon sila ng higit na kakayahan para sa pagtatakda ng mga layunin (setting goals). Nagsisimula silang mag-isip tungkol sa kanilang mga karera at gumagawa ng mga pagsisikap na magtipon ng mga kaalaman, kasanayan, at pagsasanay na may kaugnayan sa landas ng karera na nais nilang tahakin. | Ang hamon ay ang isipin at paghandaan ang kinabukasan. Makatutulong na iwasan ang pakikilahok sa mga peligrosong gawain Dapat palakasin ang konsepto ukol sa sanhi at epekto, na naiintindihan halimbawa ang kaugnayan ng pagmamaneho nang nakainom samga aksidente, at ng pakikipagtalik sa pagbubuntis o pagkakaroon ng STD (sexually transmitted disease). |
Copyright © by Vergie M. Eusebio and Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Hanapin ang mga kaugnay na lektura sa search engine sa taas: https://MyInfoBasket.com/.
E-Learning Online Activity:
Maaari itong gawing supplemental e-learning activity hinggil sa paksa:
1. Mag-online sa AlaminNatin.com o MyInfoBasket.com o OurHappySchool.com. Gamit ang search engine ng alinmang nabanggit na site, hanapin ang artikulong “Mga Hinaharap na Hamon Kaakibat ng Pagiging Tinedyer.” Basahin ang maikling lektura.
2. I-share ito sa iyong socmed account, at banggitin ang mga hamon na sa tingin mo ay mahihirapan kang ipasa? Isulat ang mga hakbang na gagawin mo para makalampas sa mga hamong iyon? Gumamit ng hashtag na: #HamonSaKabataan #AssignmentLangPo
3. Mag-imbita ng tatlong kaibigan o kamag-anak (huwag kamag-aral) upang magsulat ng payo o reply sa naka-post mong komento. I-print ang inyong naka-post na sagutan at ipasa sa guro.
Basahin din:
Sanaysay Essay tungkol sa Pagdadalaga at Pagbibinata (Adolescence)
Koneksiyon ng Kaisipan, Damdamin, at Gawi: Ang Sariling Iniisip, Nadarama, at Kinikilos
Adolescence in Tagalog: Kahulugan (meaning and definition), Pagbabago (changes) at Syndrome
Ang buong yugto ng adolescence
Pagbabahagi ng natatanging katangian, pag-uugali, at mga karanasan
Adolescent Stage of Development: Understanding what is happening among teenagers
Knowing Oneself: A Must for Adolescents’ Personal Development
Pagkilala sa Sarili: Mahalaga sa Pansariling Kaunlaran (Personal Development)
Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Bilang Nagdadalaga o Nagbibinata
=====
Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Mapanagutang Pagtugon sa Iba’t Ibang Emosyon ng Kapuwa