Mga Halimbawa ng Kontemporaryong Isyu
© Vergie M. Eusebio and Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Makabubuting tumalakay ng ilang tiyakang mga halimbawa ng kontemporaryong isyu para lumalim ang pagkaunawa sa konseptong ito.
Narito ang ilang halimbawa ng mga kontemporaryong isyu batay sa lektura ng Propesor na si Jensen DG. Mañebog:
Maaaring panuorin ang educational video o ituloy ang pagbasa. Nota: Para magkaroon ng full access sa video, mag-SUBSCRIBE muna (kung hindi ka pa naka-subscribe):
(Para sa MELC 1 ng Mga Kontemporaryong Isyu, basahin ang: Nasusuri ang kahalagahan ng pag-aaral ng Kontemporaryong Isyu. Para naman maunawaan ang kahulugan ng kontemporaryong isyu, basahin ang: Konsepto ng Kontemporaryong Isyu: Paliwanag sa Kahulugan nito)
Ang mga natural na kalamidad ay halimbawa ng kontemporaryong isyu na nasa ilalim ng suliraning pangkapaligiran.
Ang ilang halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
a. landslide o pagguho ng lupa, putik, o mga bato
b. epidemya o mabilis na paglaganap ng mga nakahahawang sakit
c. lindol o mabilis na paggalaw o pag-uga ng lupa
d. buhawi o ipu-ipo
e. tsunami o serye ng malalaking alon
f. bagyo (‘typhoon/storm’),
g. storm surge o di-pangkaraniwang pagtaas ng tubig sa dagat
h. baha (‘flooding’),
i.‘flashfloods’ o rumaragasang agos ng tubig na may kasamang ibang baga
Ang ‘man-made calamities’ o yaong mga kalamidad na bunga ng mga gawain ng mga tao ay mabibilang din na kontemporaryong isyu.
Halimbawa nito ay ang dumi, ingay, at hindi kaaya-ayang amoy sa kapaligiran na tinatawag na polusyon. Nakapaloob sa isyung ito ang polusyon sa lupa, tubig, at hangin.
Ang mainit na pinag-uusapan sa kasalukuyan na climate change o global warming (pagtaas ng temperatura sa daigdig) ay bunga rin ng iresponsableng pagpapasiya at pagkilos ng mga tao.
Ang malabis na pagputol ng mga puno sa kagubatan, pagkonsumo o paggamit ng langis o petrolyo, at mga teknolohiyang nangangailangan ng mga kemikal gaya ng ‘chlorofluorocarbon’ at ‘hydrofluorocarbon’ ay nagpapataas ng temperatura ng kapaligiran.
Kabilang rin sa mga suliraning pangkapaligiran ay ang tinatawag na deporestasyon (deforestation) na tumutukoy sa pagkaubos ng mga puno sa kagubatan na epekto ng sobra at di legal na pagputol at pagsunog ng mga ito, oil spill sa karagatan, at pagmimina.
Mahalaga ang paghahanda sa pagdating ng mga kalamidad lalo na’t sa madalas na pagkakataon ay hindi naman alam ng tao kung kailan ito magaganap. Kaya ang Disaster Risk Mitigation at preparasyon para sa kalamidad ay isa ring mahalagang paksa sa ilalim ng kontemporaryong isyu. (Kaugnay: Mga Paghahanda sa Harap ng Kalamidad)
Mga isyung pang-ekonomiya
Ang unemployment ay isa sa mga halimbawa ng isyung pang-ekonomiya sa asignaturang kontemporaryong isyu. Sa alinmang bansa, ito ay karaniwan nang suliranin.
Ang unemployment ay tumutukoy sa kawalan ng hanapbuhay sa kabila ng matiyagang paghahanap nito. Maaaring ang mga tao ay kuwalipikado subalit kulang ang mga oportunidad upang magkaroon ng hanapbuhay.
Ang unemployment rate naman ay tumutukoy sa bahagdan ng mga taong kabilang sa mga walang mga hanapbuhay sa isang bansa.
Ang isa pa sa mga halimbawa ng isyung pang-ekonomiya sa asignaturang kontemporaryong isyu ay ang globalisasyon (globalization). Ayon sa mimirbook.com, ang globalisasyon ay “ang proseso ng pakikipag-ugnayan at pagsasama sa pagitan ng mga tao, mga kumpanya, at mga pamahalaan sa buong mundo.”
Ang globalisasyon ay itinuturing din bilang kaparaanan kung saan nagkakaroon ng integrasyon sa pang-internasyonal na lebel dahil sa palitan ng mga produkto, konsepto, paniniwala, at kultura ng mga tao sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig.
Dahil sa globalisasyon, napapadali ang pagpapasa ng mga tao ng mga ideya at mga bagay na may kaugnayan sa teknolohiya, kalakalan, ekonomiya, pulitika, at kultura.
Sa kasalukuyang panahon, mas maunlad na ang teknolohiya at mas progresibo ang mga kagamitang pantransportasyon at pangkomunikasyon. Ang mga ito ay mga salik sa globalisasyon sapagkat napaunlad ng mga ito ang pagpapalitan ng teknolohiya, kultura, at ekonomiya.
Ang sustainable development naman, na isa ring isyung pang-ekonomiya, ay tinatawag din na “likas-kayang kaunlaran” at “napapanatiling pag-unlad.”
Ito ay tumutukoy sa pag-unlad na natutugunan ang mga pangangailangang pangkasalukuyan na isinasaalang-alang ang pangangailangan ng mga nasa susunod na henerasyon.
Bahagi ng konseptong sustainable development ang pagsasanay ng pagtitipid o makatwirang paggamit ng kasalukuyang resources nang walang malalang pinsala sa kalikasan upang may magamit din ang hinaharap na henerasyon. (Kaugnay: Helpful Ways to Combat Hunger and Malnutrition)
Mga isyung politikal at pangkapayapaan
Ang mga isyung politikal ay may kinalaman sa gobyerno o politika, kabilang ang mga teorya, pamamaraan, aktibidad, at sistemang ukol sa pulitika.
Nakapaloob rin dito ang mga tema ukol sa pamamahala (governance) at mga kaparaanan sa pagtatamo ng awtoridad o kapangyarihan sa ehekutibo, lehislatura, hudikatura, at iba’t-ibang departamento o sangay ng pamahalaan.
Di makakaila na sa Pilipinas ay uso ang political dynasty na isang halimbawa ng isyung politikal. Ang political dynasty ay tumutukoy sa mga pamilyang pulitiko na matagumpay na naipapasa ang hawak na puwesto sa pamahalaan sa kapamilya o kamag-anak. (Kaugnay: Political Dynasty sa Pilipinas: Ilang Bentaha at Positibong Epekto)
Sinasabing ang layunin nito ay upang mapanatili at mapalawak ang kapangyarihan ng kanilang angkan.
Maraming mga kilalang pamilya ang masasabing nakapagtatag na ng kanilang politikal na pangingibabaw sa mga lalawigan at nagpapatuloy na nagsisikap na manatili ang kanilang panghahawak sa mga posisyon sa gobyerno, panglokal man o pangnasyonal. May mga positibo at negatibong bagay na nasasabi ang mga tao ukol rito.
Hindi na rin bagong isyung politikal ang graft and corruption maging sa bansang Pilipinas. Ang corruption ay isang mali, ilehitimo, illegal o imoral na gawi o kasanayan ng isang opisyal o taong nasa awtoridad sa isang institusyon.
Nagaganap sa pampubliko at maging sa pribadong sektor, ang korapsiyon ay maaaring nasa anyo ng panunuhol o bribery, pandaraya o fraud, paglustay o embezzlement, at pangingikil o extortion. Karaniwang bunsod ito ng kagustuhang magkamit ng mga pakinabang gamit ang katungkulan.
Madalas na pinag-iisa ang mga terminong graft at corruption sa dahilang ang mga ito ay konektado. Ganunpaman, ang corruption ay terminong sumasaklaw sa lahat ng anyo ng pandarayang ginagawa ng sinomang opisyal, samantalang ang graftay isa lamang anyo ng corruption.
Ang graft ay pulitikal na korapsiyon sapagkat ang sangkot dito ay opisyal ng pamahalaan na nagkamal ng salapi o mga kauring pakinabang sa marumi o ilegal na paraan. Sa anomang uri ng korapsiyon, ang katapatan, moral na prinsipyo, at integridad ng taong nagkasala ay naikokompromiso at nadudungisan.
Ang migrasyon o akto ng paglipat ng isang tao o mga tao sa ibang lugar ay isa ring uri ng isyung politikal. Ang migrasyon ay mayroong epekto sa bansa o lalawigang paglilipatan at maging sa pinanggalingan, kung kaya’t ito ay pinagtutuonan din ng pansin ng mga pamahalaan. (Kaugnay: Mga Negatibong Epekto ng Migrasyon)
Isang seryosong isyung politikal naman ang mga suliraning may kinalaman sa teritoryo at hangganan (territorial dispute and border conflict) ng mga bansa. Ito ay pagtatalo ukol sa kung aling nation-state ang tunay na may-ari o dapat magkaroon ng kontrol sa isang bahagi ng lupa o karagatan sa mga dakong walang malinaw na pagtatakda ng mga hangganan.
Maaaring humantong sa mga protesta, sigalot, paglalabanan, terorismo, at digmaan kapag hindi naresolba ang ganitong mga isyu.
Ang mga paksang ukol sa online o cyber ay kabilang din sa mga napapanahong isyu. Noong 2014, idineklara ng Korte Suprema ng Pilipinas na may mga problematikong probisyon sa Cybercrime Prevention Law (RA 10175). Ang Cybercrime Law na ito ay naglalayong makatugon sa mga ligal na isyu tungkol sa pakikipag-ugnay ng mga tao online.
Kabilang sa mga pagkakasala sa batas na ito ang cybersex, cybersquatting, pornograpiya ng bata, pagnanakaw ng pagkakakilan (identity theft), iligal na pag-access sa data, at cyber libel.
Sa kabila ng magandang layunin nito, ito ay binatikos ng mga pribadong indibiduwal at ng mga nasa business sector. Ito umano makaaapekto sa kanilang negosyo at panganib sa mga pribadong transaksyon ng mga tao.
Ang isyung pangkapayapaan ay kaugnay ng isyung politikal dahil ang pamahalaan ay nananagot sa pagtatatag at pagpapanatili ng kapayapaan. Sa pag-iral ng kapayapaan at kaayusan lamang magkakaroon ng tunay at epektibong pamamahala.
Sa Pilipinas, may mga isyu gaya ng terorismo, civil war, at rebelyon na halimbawa ng mga isyung politikal at pangkapayapaan. Kabilang din dito ang suliraning pangkapayapaan sa Mindanao.
Itinatag ni Nur Misuari ang kilusang separatista sa Mindanao, ang Moro National Liberation Front (MNLF) noong 1969. Naglalayon itong magtamo ng kasarinlan ang Lupaing Bangsamoro (Nasyong Bangsamoro, o Nasyong Mindanao) mula sa Pamahalaan ng Pilipinas.
Ipinasa ng Kongreso noong Agosto 1, 1989 ang RA 6734 na bumuo ng Nagsasariling Rehiyon ng Muslim sa Mindanao o Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ang ARMM ay pormal na naitatag noong November 6, 1990 at itinalaga ang MNLF bilang tagapangasiwa sa rehiyon.
Subalit sa MNLF ay may mga bumukod na grupo, pangunahin na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Unang tinawag na “Bagong MNLF,” ito ay humiwalay sa MNLF noong 1976 sa pamumuno ni Hashim Salamat. Ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay isa namang grupo na bumukod sa MILF.
Upang solusyonan ang suliraning pangkapayapaan sa Mindanao, noong 2014 ay nilagdaan ng pamahalaang Benigno Aquino III at ng MILF ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Subalit ang pagpasa nito sa Kongreso ay naantala dahil sa ‘Mamasapano incident’ noong Enero 25, 2015, kung saan ang 44 trooper ng Philippine National Police-Speacial Action Force (PNP-SAF) na nagsagawa ng operasyon laban sa ilang terorista na nagtatago sa Maguindanao ay sinasabing pinagtulungang pinaslang ng MILF at BIFF. Ang mga nagbuwis ng buhay ay tinawag na SAF 44.
Ang BBL ay tinalakay sa ika-17 Kongreso bilang Bangsamoro Organic Law (BOL). Matapos pumasa sa Kongreso, ito ay nilagdaan bilang Republic Act No. 11054 ng pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 26, 2018. Ganunpaman, sinasabing hindi pa rin ganap na nasolusyonan ang suliraning pangkapayapaan sa Mindanao.
Mga isyu sa karapatang pantao at gender
Madalas na isinisigaw at inilalagay ng ilang mga nagproprotesta sa kanilang mga banner ang mga salitang “Igalang ang Karapatang Pantao.” Maging sa mainit na isyu ukol sa laban ng pamahalaan kontra sa bawal na gamot, laging nakasingit ang ukol sa human rights. Ano ba ang tinatawag na human rights o mga karapatang pantao?
Kaakibat ng pagiging tao ang kaniyang mga karapatang pantao na marapat igalang ng lahat. Ang human rights ay mga karapatang likas sa lahat, anuman ang katayuan, lahi, kasarian, nasyonalidad o relihiyon. Ang mga karapatang ito ay dapat protektahan, lalo na ng pamahalaan, nang walang diskriminasyon (maliban na sa kaso ng mga nahatulan ng hukuman dahil sa ginawang krimen).
Maraming kontemporaryong isyu ang may kaugnayan sa human rights gaya ng mga paglabag sa ilang karapatang pantao.
Nakapaloob naman sa konseptong gender ang mga gampanin (roles), pag-uugali (behaviors), at katangian (characteristics) na inaasahan sa isang indibidwal kaugnay ng kaniyang pagiging isang lalaki (male) o babae (female).
Sinasabing ang gender ng isang tao ay impluwensiya ng kaniyang sariling pamilya, paaralan, pamahalaan, media, kinabibilangang relihiyon, at mga taong kaniyang nakakasalamuha.
Iba ang gender sa kasarian o sex na tumutukoy sa pisikal o bayolohikal na kaibahan ng lalaki at babae. Kung ang kasarian (sex) ay patungkol sa byolohikal na aspeto ng isang tao (male o female), ang gender naman ay isang kategoryang pangkultura.
Magkaugnay ang gender at sex sapagkat ang gender ng isang tao ay karaniwang iniaangkop sa kaniyang kasarian (sex). Ganunpaman, ang gender ay hindi tumutukoy, at maaari pang hindi nakabatay, sa kung anong sexual o reproductive organs (pambabae o panlalaki) mayroon ang isang tao.
Ang sex ay karaniwang nauuri sa dalawa lamang (male at female), di tulad ng gender na hindi limitado sa dalawang kategorya lang. Sa katagalan ay dumarami pa nga ang uri nito batay sa sekswalidad o oryentasyong sekswal ng isang indibidwal.
Nagkaroon ng taguring LGBT, pagdaglat sa lesbian, gay, bisexual, at transgender, na sumasagisag sa komunidad ng mga kabilang sa ganong uri. Subalit dumating ang panahon na ito ay naging LGBTQ (ang Q ay tumutukoy sa “queer”), at nang lumaon ay naging LGBTQ+ pa.
Ang mga miyembro sa komunidad na ito ay nagsusulong ng mga karapatang pantao gaya ng ukol sa diskriminasyon sa kanila. Isinusulong din nila ang same-sex marriage at iba pang programa, at mga panukalang batas ukol sa seksuwalidad at kasarian (gaya ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression [SOGIE] Equality Bill).
Dahil sa mga ito, ang ukol sa gender ay isa sa maituturing na kontemporaryong isyu sa Pilipinas.
Matagal na ring isyu hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang paglaki ng populasyon. Sa adhikaing maresolba ng gobyerno ang suliraning ito, ay ipinanukala ang batas ukol sa Reproductive Health.
Maraming oras ng talakayan at debate ang ginugol sa batas na ito at hinati nito ang opinyon ng mga mamamayan. Matapos ang mahabang mga pagtalakay, ito ay naisabatas at tinaguriang Republic Act No. 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, na mas kilala bilang RH Law o Reproductive Health Law.
Maraming mamamayan ang sang-ayon sa RH bill na ang pangunahing layunin ay magbigay impormasyon ukol sa reproductive health at magkaroon ng daan upang mailapit sa mga tao ang mga pamamaraan sa pagkontrol ng pagbubuntis o contraception, fertility control, at pangangalaga sa mga ina o maternal care. Layunin rin nitong maalagaan ang kalusugan kapawa ng ina at ng kaniyang mga supling.
Bagaman maganda ang mga layunin at probisyon nito na may kinalaman sa pangangalanga sa ina at kaniyang mga anak, mayroon pa ring mga sumalungat sa paglalaan ng pondo ukol rito at sa pagpapatupad ng malawakang pamamahagi ng mga kagamitang ukol sa mabisang pagpaplano ng pamilya tulad ng birth control pills, condom, at IUD (intrauterine devices).
Kabi-kabila ang naging mga diskusyon at pagtatalo ukol sa RH Bill at ang ilang tutol na mga grupo ay nagsagawa pa ng mga pagproprotesta o rally upang ipahayag ang kanilang pagsalungat. At bagama’t ito ay naisabatas na, may mga pagtatalo pa rin ukol sa pagpapatupad ng RH Law.
Isa pang isyu na madalas mapag-usapan ay ang ukol sa prostitusyon, ang iligal na pagbibigay ng aliw sa pamamagitan ng gawaing seksuwal kapalit ng pera o iba pang pakinabang. Kadalasang ang mga nasasangkot sa ganitong iligal na gawain ay ang mga kababaihan, at may ilang mga menor de edad pa lamang.
Nagaganap ito hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa maraming mga bansa kung saan kilala rin ito bilang commercial sex, at kaugnay ng tinatawag na human trafficking. Sa tinatawag na pagbebenta ng katawan sa Pilipinas, ang mga parokyano ay madalas na mga dayuhan.
Ang iba’t-ibang sektor ng lipunan sa Pilipinas ay kontra sa suhestiyong pagsasalegal ng prostitusyon. Ganunpaman, ito ay laganap at sinasabing isa sa pangunahing problema ng bayan.
Isa pang uri ng kontemporaryong isyu ang ‘rape’ o panggagahasa. Ang ‘rape’ ay isang anyo ng sexual assault o panghahalay sa isang tao sa pamamagitan ng sapilitang pakikipagtalik, gamit ang pisikal na lakas, pamimilit, pananakot, o pangba-blackmail.
Marami na ang kasong rape sa Pilipinas at ang isa sa mainit na paksang tinatalakay ay kung ano ang dapat na maging akmang parusa sa mga ‘rapist’ o manghahalay lalo na kapag ginawa sa menor de edad o may kapansanan.
Ang isyu ukol sa same-sex marriage o pagkakasal sa dalawang taong may magkaparehong kasarian ay lagi ring laman ng mga usapan.
Sa Pilipinas, sapagkat marami na ang mga napapabilang sa LGBT community, ang same-sex marriage ay itinuturing na sensitibo at pinagtatalunang isyu. Ang mga paniniwala at opinyon ng mga tao ukol rito ay apektado ng kultura at relihiyon.
Mga Isyung Pang-Edukasyon at Pagkamamamayan
Nagkaroon ng malaking pagbabago sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas nang ipatupad ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) ang Programang K-12 simula ng taong-pampaaralan 2012-2013.
Inaakala na ito ay solusyon sa naobserbahang mababang kalidad at lumang sistema ng edukasyon sa bansa. Ang naging pagbabago ay ang pagdaragdag ng tatlong (3) taon sa dating sampung taon na ‘compulsory basic education.’
Sa lahat halos ng bansa sa mundo, ang sistema ng edukasyon ay binubuo ng 13 taon, kung saan ang isang taon ay para sa Kindergarten, at 12 taon sa elementarya at sekondaryang edukasyon. Ito ay ipinatupad sa bansa sa panahon ng dating presidente na si Benigno Aquino III.
Pinagtalunan nuon kung makabubuti nga ba ang programa sa nakararaming Pilipino o magiging pabigat lamang sa mga magulang sa pagpapaaral sa kanilang mga anak. Pagkaupo ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangulo, ipinahayag niya ang pagtutol sa sistemang ito. Ganunpaman, hindi naman niya ipinatigil ang pagpapatupad nito sa bansa.
Isyung pagkamamamayan naman ang pakikilahok o pakikisangkot sa mga gawaing politikal gaya ng pagsali sa mga aktibidad na pinasisimulan ng pamahalaan. Ang pagpaparehistro at pakikilahok sa halalan ng mga nasa hustong gulang ay halimbawa nito.
Ang karapatang magluklok ng mga pinuno ay isa sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan sa isang demokratikong bansa. Ganunpaman, may mga nagsusulong ng pederalismo at sistemang parlamento (parliamentary system) bilang umano’y angkop sa Pilipinas … ituloy ang pagbasa
*Kung may nais kang hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu (hal. climate change; political dynasty, etc), i-search dito:
Copyright © Vergie M. Eusebio at Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Para sa mga Guro: Maaari itong i-share bilang reading assignment ng mga mag-aaral.
Para sa mga makabuluhang free lectures gaya nito, sangguniin ang: Homepage: Mga Kontemporaryong Isyu
Mga libreng lektura para sa mga MELC ng Mga Kontemporaryong Isyu subject:
MELC 1: Nasusuri ang kahalagahan ng pag-aaral ng Kontemporaryong Isyu
MELC 2: Natatalakay ang Kalagayan, Suliranin at Pagtugon sa Isyung Pangkapaligiran ng Pilipinas
MELC 5: Naisasagawa ang mga angkop na hakbang ng CBDRRM Plan
MELC 6: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon
Tunghayan: Jose Rizal: The First Filipino Phenom by Jensen DG. Mañebog
Basahin: Political Dynasty sa Pilipinas: Ilang Bentaha at Positibong Epekto
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Iba’t Ibang Uri Ng Kalamidad Na Nararanasan Sa Komunidad At Sa Bansa
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
TALAKAYAN
1. Ano ang Konteporaryong Isyu?
2. Ano ang kahalagahan ng pagiging mulat sa mga kontemporaryong isyu sa lipunan at daigdig?
3. Alin sa mga kontemporaryong isyu sa Pilipinas ang pinakamahalaga sa tingin mo? Bakit?
4. Magbigay ng halimbawa ng kontemporaryong isyu. Sang-ayon ka ba sa isyung iyong napili? Ipaliwanag ang iyong dahilan.
5. Mahalaga ba ang araling “Mga Kontemporaryong Isyu”? Depensahan ang iyong sagot.
TAKDANG-ARALIN PARA SA MAG-AARAL
E-Learning Assignment:
a. Mag-open ng browser. Hanapin ang artikulong, “Mga Paghahanda sa Harap ng Kalamidad” sa search engine ng AlaminNatin.com.
b. Basahin ang lektura.
c. Sa comment section sa ibaba ng artikulo, i-post ang iyong sagot sa tanong na: Alin sa mga tinalakay na mungkahing paghahanda para sa epidemya (gaya ng Dengue at Covid 19) ang sa tingin mo ay pinakamahalaga at bakit?
d. I-screen shot ang iyong naka-post na sagot, i-print, at ipasa sa iyong guro.
Read Also:
The Interesting Tales of the Jose Rizal Family by Jensen DG. Mañebog
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.
=====
Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Mga Halimbawa ng Kontemporaryong Isyu