Mga Epekto ng Pakikilahok sa Mga Gawaing Pansibiko

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:

Nasusuri ang epekto ng pakikilahok ng mamamayan sa mga gawaing pansibiko sa kabuhayan, pulitika, at lipunan

Ayon sa lektura ng Propesor na si Jensen DG. Mañebog, ang mga sumusunod ay ilan sa magagandang epekto ng pakikilahok ng mga mamamayan sa mga gawaing pansibiko:

1. Batay sa mga pag-aaral, ang mga mamamayan sa mga estado at bansa na may mataas na antas ng partisipasyong pansibiko ay may mas mabuting kalusugan at kalusugang mental—may mas mababang mga antas ng pagkakasakit, problema sa kalusugan ng isip, depresyon, at pagpapakamatay.

Mas mababa rin ang antas ng krimen sa gayong mga bansa.

2. Nakatutulong ang pakikilahok sa mga gawaing pansibiko upang mapaunlad ng mga tao ang kanilang kakayahang mag-isip nang malalim, magpahayag ng sarili sa malikhaing paraan, maunawaan ang mga ideya at isyu sa konteksto, at saliksikin ang tama at totoo.

3. Sa pamamagitan ng civic engagement, tulad ng pagboto at pagboboluntaryo, napauunlad ng mga mamamayan ang kanilang mga kasanayan at “boses” upang makalikha ng positibong pagbabago. Ang ganitong mga pagkilos ay makakatulong upang mapabuti ang kalagayan ng pamayananan.

4. Ayon sa isang pag-aaral, ang civic engagement ng kabataan sa anyo ng pagboboluntaryo, pagboto, at maging ng pagpoprotesta at aktibismo, ay may kaugnayan sa pagkakamit ng mataas na antas ng edukasyon at pagkakaroon ng mataas na kita pagsapit sa sapat na gulang.

Ito ay ayon sa inilathala sa dyornal na Child Development, “Impacts of Adolescent and Young Adult Civic Engagement on Health and Socioeconomic Status in Adulthood”).

Marapat lamang na maliwanag sa kabataan ang mga limitasyon upang huwag mahulog ang aktibismo sa mga gawaing labag sa batas.

5. Sa civic engagement, natutunan ng mga mag-aaral ang pagsasalita sa publiko, kritikal na pag-iisip, pagtutulungan, pangunguna, pamumuno, empatiya, at iba pang mga kasanayan sa paglutas ng mga problema sa lipunan.

6. Sa pamamagitan ng aktibong paggawa upang matugunan ang mga hamon sa komunidad, ang mga kabataan ay nakalilikha ng pagbabago sa kanilang sarili.

Nakakatulong ito sa kanila upang mas maunawaan ang mga isyung panlipunan na nakakaapekto sa kanilang buhay at ang kanilang papel sa paglutas nito.

Habang nakikita nila ang epekto ng kanilang paggawa sa komunidad, sila rin ay nakikinabang sapagkat nagkakaroon sila ng sense of responsibility at mataas na self-esteem.

7. Sa civic engagement, nagkakaroon ng inspirasyon ang mga tao patungo sa pagkakaroon ng pagbabago dahil nasasaksihan nila ang mga problemang panlipunan sa kanilang pamayanan.

Nagbibigay ito ng gana sa kanila upang makabuo ng mga solusyon sa mga problema sa kanilang mga komunidad.

8. Nagbubunga ito ng isang responsableng pakiramdam o sentido na ang mga tao ay may pananagutang tulungan ang mga kapus-palad o mga nasa laylayan (marginalized sector).

9. Ang civic engagement ay nakatutulong sa kabuhayan ng mga mamamayan. Nagkakaloob ito ng mga kaalaman ukol sa iba’t ibang pangkabuhayang programa at pagsasanay na iginagawad ng gobyerno.

10. Sa pakikilahok ng mga mamamayan sa mga gawaing pansibiko, maiingganyo ang mga nahalal na opisyal na lalong maging responsable, mapanagot, at mapagserbisyo sa mga nasasakupan. (Kaugnay: Ang Sibiko, Pagkamamamayan, at Civic Engagement)

*Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu na nais mong hanapin (e.g. migrasyon, civic engagement, etc), i-search dito:

Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Check Out: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog

Kaugnay: Mga Epekto Ng Pang-Aabuso Sa Buhay Ng Tao Sa Pamayanan At Bansa

TALAKAYAN

1. Batay sa output ng takdang aralin: Anu-anong mga gawaing pansibiko ang dapat lahukan ng katulad mong kabataan? Ipaliwanag ang iyong sagot.

2. Ano ang civic engagement?

3. Anu-ano ang mga katangian na dapat taglayin ng isang aktibong mamamayan na nakikilahok sa mga gawain at usaping pansibiko?

4. Anu-ano ang iba’t ibang gawaing pansibiko sa pamayanan at bansa?

5. Anu-ano ang mga epekto ng pakikilahok ng mamamayan sa mga gawaing pansibiko sa kabuhayan, pulitika, at lipunan?

TAKDANG-ARALIN

E-Learning Assignment: Paghahanda sa susunod na aralin

a. Mag-online sa www.AlaminNatin.com. Sa pamamagitan ng search engine nito, hanapin ang blog na “Mga Isyung Pampulitika sa Pilipinas.”

b. Basahin ang lektura.

c. Sa comment section ng artikulo, isulat ang iyong sagot sa tanong na: Angkop ba ang Federalismo sa Pilipinas? Depensahan ang iyong sagot gamit ang natutunan sa artikulo. Gumamit ng #Federalismo #HulingAssignment

e. Mag-imbita ng limang kaibigan na maglalagay ng makabuluhang komento sa iyong post.

f. I-screen shot ang inyong naka-post na conversation thread, i-print, at ipasa sa iyong guro.

To STUDENTS:
If the comment section here FAILS to function, COMMENT here instead:
Ang Kahalagahan ng Pag-Aaral Ng Kontemporaryong Isyu

=====
To post comment, briefly watch this related short video: