Mga Dahilang Nagbigay-daan sa Unang Digmaang Pandaigdig

Ang mga dahilang nag-udyok sa unang digmaang pandaigdig ay ang imperyalismo, militarismo (pagpapalakasan ng mga armas), nasyonalismo, pag-aalyansa, pandaigdig na anarkiya, at mga pandaigdigang krisis na nagsimula bago pa ang Unang Digmaang Pandaigdig.

1. Imperyalismo

Naging dahilan ang imperyalismo at ang tunggaliang imperyal (imperial rivalry) ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig.

Ang imperyalismo ay pagpapalawak ng mga makapangyarihang bansa ng kapangyarihan, kabilang dito ang pananakop at pagkokontrol sa gobyerno at ekonomiya ng ibang mga bansa. Sa imperyalismo, maituturing na pinagsasamantalahan ng mga malalaking bansa ang kanilang mga kolonya o nasakop na mga teritoryo.

Bago ang Unang Digmaang Pandaigdig (WWI), maraming malalaking bansang Europeo ang nagkaroon ng imperyo. Nuong panahon na iyon (huling bahagi ng ika-19 na siglo), ang Britanya ang kinikilalang pinakamakapangyarihan, pinakamalaki, pinakamayamang imperyo sa buong daigdig.

Ang tila nausong imperyalismo na ito ang isa sa naging motibo at sanhi kung kaya’t natuloy ang Unang Digmaang Pandaigdig. (Malawak na pagtalakay: Imperyalismo at Kolonyalismo: Dahilan ng Pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig)

2. Militarismo at Pagpapalakasan ng Armas

Ang militarismo ay pangingibabaw sa sibilyan ng kapangyarihan ng militar, pananaig ng kagustuhan ng militar, at ang labis na pagpapahalaga sa mga bagay na ukol sa militar.

Sa madaling salita, militarista ang isang gobyerno na ang priyoridad ay ang military nito. Dito, ang pulitika at militar ay para bagang iisa. Naiimpluwensyahan ng mga lider militar ang mga panukala at programa ng kanilang gobyerno.

Naging pamantayan ng lakas ng mga bansa ang kapangyarihang militar (military power) noong ika-19 hanggang pasimula ng ika-20 na siglo. Mahina ang tingin sa mga gobyerno at lider na hindi napalakas ang kanilang mga sangay ng hukbo na mahalaga sa depensa ng kanilang bansa at sa pananakop.

Bago pa ang 1914, naging masidhi ang militarismo sa iba’t ibang bansa sa Europa. Inimpluwensiyahan ng militarismo ang paniniwala ng publiko. Inilarawan ng media bilang bayani ang mga lider ng militar,atipinakita, halimbawa, na agresibo ang mga kalabang na bansa. (Malawak na pagtalakay: Militarismo at Pagpapalakasan ng Armas: Dahilan ng Pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig)

3. Nasyonalismo

Tumutukoy ang nasyonalismo sa damdaming nakabatay sa pagkakapare-pareho ng taglay na mga katangiang pang-kultural na nagbibigkis sa mga mamamayan sa isang bansa. Sa kasaysayan, ang nasyonalismo ang naging sanhi ng pagkakaroon ng pambansang kasarinlan o pagkakabukod ng maraming mga nasyon. (Basahin: Ang pagkakaiba ng nasyonalismo at patriotismo)

Bagamat ang nasyonalismo ay mabisa upang mabuklod ang mga mamamayan sa isang bansa, maaari naman itong magdulot ng malubhang kumpetisyon sa pagitan ng mga bansa. Bilang katunayan, ang pag-igting ng nasyonalismo ay isa sa mga naging dahilan ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig.

Dahil sa nasyonalismo, nagkaroon ng mga paghahangad ang mga mamamayan na kunin ang mga teritoryo na inaakala nilang pag-aari ng kanilang nasyon at bawiin ang mga bahaging nakuha sa kanila. Nagkaroon din ng pagnanais na pagsamahin ang mga taong inaakalang magkakauri ang lahi o rasa. (Malawak na pagtalakay: Nasyonalismo: Dahilan ng Pagsisimula ng World War 1)

4. Ang Sistema ng Pag-aalyansa

Ang pag-aalyansa ay maituturing na pagkakampi-kampi ng ilang bansa dahil sa ilang interes.  Napalala ng pag-aalyansa ang mga payak na di-pagkakaunawaan, kaya naging mapanganib na labanan, na nagbunga ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig.

Natalo ang Pransiya sa digmaang Franco-Pruso noong 1871. Para maiwasan ang paghihiganti nito sa Alemanya, pinasimulan ni Bismark, Chancellor ng Germany, ang isang serye ng pakikipag-alyansa sa ibang mga kapangyarihan para na rin ibukod ang Pransiya.

Ang masamang epekto ng mga pag-aalyansang ito ay nahati ang mga bansa sa Europa sa dalawang magkaribal na kampong sandatahan. (Pagtalakay: Ang Pagbuo ng mga Alyansa: Dahilan ng World War 1)

5. Pangmundong Anarkiya (International Anarchy)

Dati-rati ay ay walang mabisang pandaigdigang ahensiya, organisasyon, o gobyerno na maaaring lumikha at magpatupad ng mga batas para sa mga bansa. Kaya naman masasabing meron nuong internasyunal na anarkiya, sapagkat ang bawat bansa ay tila maaaring gawin kung ano ang gusto.  

Tila ayaw ng mga bansa ang mapayapang pag-aayos nuon. (Kaugnay: ANG UNITED NATIONS: ISANG PAGPAPAKILALA)

Walang bansa ang gustong magsumite ng usapin nito laban sa ibang bansa sa anumang arbitrasyon—sapagkat wala namang maituturing din na tunay na may kakayahan at kapangyarihan para sa diplomatikong pag-aayos. (Malawak na pagtalakay: Pangmundong Anarkiya (International Anarchy): Sanhi ng WWI)

6. Mga Pandaigdig na Krisis: Dahilan ng Unang Digmaang Pandaigdig

May ilang krisis na naganap sa mga bansa bago pa ang 1914. Ang mga ito ay kabilang sa naging sanhi sa agarang pagsiklab ng Unang Digmaang Pagdaigdig.

Kabilang dito ang Bosnian crisis, Panslavism, Moroccan crisis, at Balkan wars.

Ang mga krisis na ito ay humantong sa Unang Digmaang Pandaigdig, na sumiklab matapos patayin ng isang Serbiano ang Austriyanong tagapagmana ng trono noong Hunyo 28, 1914. Ang asasinasyon ay nagbigay-dahilan sa Austria-Hungary sa matagal na nitong gusto na pandirigma sa Serbia. Ang resulta ay ang Unang Digmaang Pandaigdig. (Malawak na pagtalakay: Mga Pandaigdigang Krisis: Dahilan ng Unang Digmaang Pandaigdig)

Matagal nang tapos ang Unang Digmaang Pandaigdig subalit mahalagang malaman ang mga kaganapan kaungay nito. Hindi na mababago ang tapos na, pero maaaring maiwasan sa hinaharap ang mga pagkakamali ng nakaraan. Itinuturo ng kasaysayan ang mga kamalian sa kasaysayan … ituloy ang pagbasa

Copyright by MyInfoBasket.com

Kaugnay: 10 Interesanteng Impormasyon ukol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog

=====

Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Ang Kahalagahan ng Pag-Aaral Ng Kontemporaryong Isyu