Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad: Creative Visualization

Kasanayang Pampagkatuto:

Nakagagawa ng malikhaing paglalarawan sa kanyang personal o pansariling pag-unlad mula sa mga pinagdaanang pagsuri ng iba’t ibang antas ng pagbabago, impluwensiya at paggawa ng pasya at personal na pagsusuri ng sarili.

Sa isang kasanayang pampagkatuto sa araling Personal na Pag-unlad, inaasahan na ikaw ay makagagawa ng malikhaing paglalarawan sa iyong personal o pansariling pag-unlad mula sa mga pinagdaanang pagsuri ng iba’t ibang antas ng pagbabago, impluwensiya at paggawa ng pasya at personal na pagsusuri ng sarili.

Sa bagay na ito ay makatutulong ang malikhaing pagsasalarawan o creative visualization.

Tumutukoy ang creative visualization sa pagsasanay kung saan ang pagbabago ng mga saloobin at mga hangarin ay inaasahang makapagdudulot ng panlabas o makatotohanang pagbabago.

Kasama rito ang sadyang paggamit ng mga saloobin o imahinasyon ng isang tao upang Makita at makamit ang mga hangarin sa hinaharap, mga pangarap, at mga mithiin sa buhay tulad ng ninanais na karera o mga layunin sa buhay.

Ang malikhaing pagsasalarawan ay nangangailangan ng paglalarawan sa diwa ng mga aspirasyon sa pamamagitan ng pagpapagana ng mga pandama.

Mahalaga na sa pagsasagawa ng malikhaing paglalarawan, ituturing mo ang iyong mga pangarap na para bang nakamit mo na ang mga ito. Halimbawa, kung nais mong maging isang ganap na abogado, isalarawan mo ang iyong sarili na pormal na kinikilala bilang nakapasa sa bar exam at  ginagawaran ng sertipiko o lisensiya.

Halimbawa ay naririnig mo ang palakpakan at paghanga ng mga sumasaksi at nararamdaman mo ang kagalakan ng pagtatagumpay. Ang mga larawang ito sa iyong isipan ay mas mag-uudyok at hihikayat sa iyo na gawin ang mahahalagang hakbang patungo sa iyong pangarap.

Ang malikhaing pagsasalarawan ay makatutulong upang mabawasan o maalis ang mga balisa, alalahanin, depresyon, at takot sa kaisipan. Ang proseso ay tumutulong sa pagkakaroon ng malinaw na pag-iisip at nagbibigay-daan upang makamit ang tagumpay.

Ang isa pang bentahe ng malikhaing paglalarawan ay ang pagdaragdag nito ng tiwala sa sarili.

May kaugnayan sa pag-asa o positibong pag-iisip ang malikhaing paglalarawan. Kapag positibo ang iyong pag-iisip, naaapektuhan nito ang iyong damdamin at pag-uugali upang gumawa ng mga bagay na progresibo.

Ang pangunahing prinsipyo ng malikhaing paglalarawan ay ang pagbabago o pag-apekto sa iyong mga iniisip, maaari mong baguhin ang iyong sarili sa kung ano ang gusto mong mangyari dito.

Copyright by © Vergie M. Eusebio at Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

Kaugnay:

‘Ang aking Malikhaing Paglalarawan ng Personal na Pag-unlad’: Isang Aktibidad

Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad

=====

Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Mga Papuri at Apirmasyon (Self-Affirmations): Kahulugan at Mga Halimbawa