Mahahalagang Isyung Pampulitika na Kinakaharap ng Sariling Pamayanan at Bansa
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:
Naipapahayag ang saloobin sa mahahalagang isyung pampulitika na kinakaharap ng sariling pamayanan at bansa
Mahalagang naipapahayag ang saloobin sa mahahalagang isyung pampulitika na kinakaharap ng sariling pamayanan at bansa. Narito ang ilang halimbawa ng mga isyung pampulitika sa Pilipinas at ilang mga kaugnay na saloobin hinggil sa mga ito:
1. Constitutional Change Patungong Parliamentary Form
Paulit-ulit na nagiging isyu ang ukol sa mungkahing baguhin ang Saligang Batas ng bansa. Isa sa laging isyu ng pagbabago ay ang anyo ng pamahalaan mula presidential form patungong parliamentary form.
May mga nagsasabing sa isang parliamentaryong pamahalaan, maraming positibong istruktura ng gobyerno ang mabubuo. Dahil ang miyembro ng parliyamento (gumagawa ng batas) ay siya ring miyembro ng Gabinete, tinatayang mas mabisa ang mga batas na maipapasa dahil mayroon silang tuwirang karanasan sa pamamahala at alam nila ang mga tunay na problema.
Mas mabilis din umano na maipapasa ang mga panukalang batas dahil ang lehislatura ay magiging unicameral na lamang. Sa unicameral congress, kung ano ang pinagdebatehan at kung ano ang ipinasa, iyon na ang batas. Magiging bawas din daw ang gastusin ng pamahalaan dahil mas kakaunti ang magiging mambabatas at mga opisina.
Subalit ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng presidential form at parliamentary form ay ang ukol sa Pangulo ng bansa. Sa presidential form, ang Pangulo ay direktang binoboto ng mga tao, habang sa isang sistemang parlyamentaryo, ang lehislatura ang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan at sila ang namimili ng magiging Pangulo.
Sa parliamentary form, lumilitaw na ang Pangulo ay nananagot pangunahin sa lehislatura, hindi sa mga botante. May panganib, kung gayon, na ang unahin ng Pangulo ay ang kapakanan ng lehislatura, sa halip na kapakanan ng mga mamamayan.
2. Federalismo sa Pilipinas
Sa panahon pa lamang ng pangangampanya nuon ay nagpahayag na si Pangulong Duterte na nais niyang palitan ang sistema ng pamahalaan ng sistemang Federalismo. Sa matagal na panahon, ang gobyerno ng bansa ay isang unitary form of government, kung saan halos lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan ay nasa isang sentralisadong pamahalaan. Ang mga kita at pondo ng bawat rehiyon ay napupunta lahat sa sentralisadong pamahalaan at mula ruon, ang budget ay ipamamahagi pabalik sa bawat rehiyon, batay sa halaga na itinakda ng gobyerno.
Sa panukalang Federalismo, ang kapangyarihan ay mahahati sa pagitan ng National Federal Government at Local State Government. Ang Pilipinas ay mahahati sa iba’t ibang estado. Ang 80% ng kita at pondo ng bawat estado ay mananatili sa kanila, ang 20% naman ay mapupunta sa National Federal Government. Sa 80% ng bawat estado, ang 30% nito ay mapupunta sa Local State Government at ang nalalabing 70% naman ay ipapamahagi sa mga probinsya, lungsod o munisipalidad, at barangay.
Ang bawat estado ay magkakaroon ng sariling mga senador at mga kinatawan. Ang Legislative Powers ay mahahati sa pagitan ng National Federal Government at Local State Government.
Ang Federal Government ang bahala sa usaping militar at depensa sa buong bansa, samantalang ang Local State Government naman ang mananagot sa kani-kaniyang estado. Ang bawat lokal na Pamahalaan ay magkakaroon ng kapangyarihan at kontrol sa mga proyekto, budgets, at pagpasa ng mga batas sa kani-kanitang estado.
Sinasabi ng mga pabor na sa Federalismo ay matutugunan ang pangangailangan ng bawat rehiyon, magkakaroon ng mas angkop na patakaran sa bawat estado, mas mabibigyan ng awtonomiya ang Muslim Mindanao (at inaasahang magkakaroon na ng kapayapaan sa rehiyon), at matitigil na ang hindi makatwirang distribusyon ng pondo.
Ayon naman sa mga hindi pabor sa Federalismo, lalo umanong dadami ang political dynasty, masyadong lalaki ang gastusin ng gobyerno (lalo na’t dadami ang mga senador at kongresista at mga opisinang pampamahalaan), at magkakaroon ng iba’t ibang batas na maaring ikalito ng mga tao at magsisilbing pahirap sa mga nagnenegosyo.
3. Political Dynasty at SK Reform Act
Kahit na ginagarantiya ng Saligang Batas ang pantay-pantay na pagkakataong tumakbo sa eleksiyon ang bawat kwalipikadong mamamayan sa bansa, nakasalalay naman sa mga mambabatas ang pagbibigay ng depinisyon sa political dynasty, at ang pagbabawal nito.
Sinasabing naging mainit umano ang naging talakayan ukol sa political dynasty nuong binabalangkas ang 1987 Constitution kaya umano ipinaubaya na lamang sa mga mambabatas ang paglalagay ng depinisyon dito. Ito ang nais baguhin ng Consultative Committee ng binabalangkas na federal charter dahil malabo umanong ipasa ng mga mambabatas ang depinidong pagbabawal sa political dynasty dahil sila mismo ay produkto nito.
Basahin: Pagtangkilik sa Sariling Produkto: Mga Pagdiriwang (Festivals), Proyekto, at Gawain
Sa Sangguniang Kabataan elections pa lamang ipinagbabawal ang political dynasty. Ito ay ayon sa SK Reform Act na ipinasa nuong 2016 na nagbabawal na tumakbo o mailagay sa anomang posisyon sa youth council ang kamag-anak ng politiko hanggang sa ikalawang degree ng pagiging kamag-anak.
4. War on Drugs at Extrajudicial Killing
Naging marka na ng rehimeng Duterte ang “war on drugs.” Magkaiba ang tala ng PNP at ulat ng human rights groups ukol sa bilang ng napatay sa programang ito. Para sa iba, ang war on drugs ay naging daan para sa extrajudicial killing o hindi makatarungang pagpatay.
Giit naman ng PNP, marami ring namatay at nasugatan na mga pulis, patunay na nanlaban ang mga suspek. Bukod dito, libu-libong drug suspects umano ang sumuko sa proyekto, at daan-daang mga pulis umano ang sinibak kaugnay ng pagpatay sa mga suspek.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, bilyun-bilyong halaga ng bawal na gamot ang nakumpiska dahil sa war on drugs.
5. Death Penalty
Sa kaniyang State of the Nation Address sa pagbubukas ng 18th Congress, hiniling ng Pangulong Duterte sa mga mambabatas na maibalik ang parusang bitay sa mga karumaldumal na krimen at sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at plunder, na sinuspinde taong 2006. Pormal na pinawalang-bisa ang capital punishment nang ipatupad ng Kongreso ang Republic Act 9346 sa panahon ng dating presidente Gloria Macapagal Arroyo.
Iniugnay ng Pangulo sa drug trade ang madugong Marawi siege nuong Mayo hanggang Oktubre ng 2017. May mga nagsasabi na sa pamamagitan ng death penalty ay mabibigyan ng “ngipin” ang laban ng pamahalaan kontra sa krimen, droga, katiwalian, pandarambong, at iba pa. (Para sa updated na listahan at pagtalakay sa mga isyung pampulitika sa bansa, hanapin ang artikulong “Mga Isyung Pampulitika sa Pilipinas” sa search engine ng AlaminNatin.com) … ituloy ang pagbasa
*Kung may paksa na gusto mong hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pa (hal. globalisasyon, unemployment, etc.), i-search dito:
Copyright © Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
ALSO CHECK OUT:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog
Basahin: Ang Pakikilahok sa Gawaing Politikal (Political Socialization) at Mga Ahente Nito
TALAKAYAN
1. Batay sa output ng takdang aralin: Angkop ba ang Federalismo sa Pilipinas? Depensahan ang iyong sagot.
2. Ano ang political socialization?
3. Anu-ano ang mga epekto ng pakikilahok ng mamamayan sa mga gawaing pampulitika?
4. Ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kooperasyon ng mamamayan at pamahalaan sa paglutas sa mga suliraning panlipunan.
5. Anu-ano ang mahahalagang isyung pampulitika na kinakaharap ng sariling pamayanan at bansa? Magbigay ng isang halimbawa at ipahayag ang saloobin ukol rito.