Komunismo ba ang uri ng pamamahala sa langit?
Ano ba ang komunismo? Itinuturo ng Microsoft Encarta na ang komunismo bilang isang political movement ay naglalayon na patalsikin ang kapitalismo o ang kalayaang magnegosyo ng pribadong tao (kapitalista), para ang yaman ng bansa ay maging para sa lahat at di sa mga indibidwal.
Ito diumano ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng pag-aaklas o rebolusyon ng mga manggagawa (workers’ revolution). Sa teorya, ang komunismo raw ay nagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng mamamayan, bagamat sa practice, ito raw ay nagiging mapamilit at mapangdiktang gobyerno na may kaunting pakialam sa kalagayan ng working class at ang nilalayon ay ang pananatili sa kapangyarihan ng mga namumuno (Colton, Timothy J. “Communism.” Microsoft® Encarta® 2006 [CD]. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2005.)
Samakatuwid, hindi akmang sabihin na ang gobyerno sa langit ay komunismo. Una, duon ay walang pag-aaklas o rebolusyon. Ikalawa, duon ay wala ng paghahanapbuhay dahil duon ay wala ng gutom at uhaw (Apoc. 7:15-17), kaya naman duon ay wala ng maituturing na working class. Idagdag pa na ang paglilingkod sa Panginoon sa langit ay hindi sapilitan kundi may kasiyahan (Awit 100:2-3) at akay ng pag-ibig (I Juan 5:3).
Ang lahat ng magaganap sa Bayang Banal ay pawang kalooban ng Panginoong Dios. Kung gagamitin natin ang mga terminolohiya ng mga political scientists, ang pinakamalapit marahil na maaaring gamitin para ilarawan ang kalagayan sa langit ay ang tinatawag na “Theocracy” o uri ng pamamahala na ang Dios ang nasusunod.
Ganunpaman, dapat nating isaalang-alang na kung may matatawag mang gobyerno duon, ibang iba ito sa alam nating gobyerno sa mundong ito na may functions gaya ng paggawa ng batas, pagpapatupad, maglilitis sa naakusahan, pagpaparusa at iba pa. Ang uri ng buhay duon ay inilalarawan ng Biblia nang ganito:
“At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka’t ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.” (Apoc. 21:1-4)
”Kaya’t sila’y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo. Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init: Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata.” (Apoc. 7:15-17)
Duon ay may tagapanguna sa paglilingkod sa Dios. Ang sabi sa talatang ating sinipi, “ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay”. Ang Cordero o Pastor na tinutukoy dito na magiging tagapanguna sa langit ng mga maliligtas ay ang Panginoong Jesucristo (Juan 1:29; Juan 10:11).
Basahin din:
The Worldview of Atheism
Marxism: Is it Sound?
Why I Am Not an Evolutionist
To STUDENTS:
Write your ASSIGNMENT here: Comments of RATIONAL STUDENTS or here: Mga Komento ng MASISIPAG MAG-ARAL