Komunidad: Kahulugan at Mga Halimbawa
Ano ang komunidad? Ano ang mga halimbawa ng komunidad? Madalas nating gamitin ang salitang komunidad, subalit ano nga ba ang kahulugan nito at mga halimbawa?
Komunidad Kahulugan
Sa payak na kahulugan, ang komunidad (sa English ay “community) ay lugar kung saan nakatira ang mga tao.
Ang komunidad ay lugar o lokasyon kung saan ang grupo o pangkat ng mga tao ay naninirahan. Ito ay binubuo ng mga tao o pamilyang magkakalapit na naninirahan sa isang lugar. Sila ay magkatulad ang pisikal na kalagayan, at may pakikipag-ugnayan sa bawat isa. Madalas rin na sila ay may magkakatulad na interes, pagpapahalaga, kaugalian, at relihiyon.
Ano-ano ang makikita natin sa isang komunidad? Matatagpuan sa isang komunidad ang mga tao at pamilya na namumuhay nang sama-sama. Makikita rin ang iba’t-ibang gawain at hanapbuhay rito. May mga komunidad na magkakatulad ang mga lugar at mayroon din namang magkakaiba.
Maraming komunidad sa ating bansa. Iba-iba ang pisikal na katangian ng mga ito. May mga komunidad na matatagpuan sa lungsod o bayan, kabukiran, kabundukan, at baybayin.
Mga Halimbawa ng Komunidad
1. Komunidad sa Lungsod
Ang batang si Marisa ay kabilang sa komunidad ng Barangay New Era, na matatagpuan sa lungsod ng Quezon. Ito ay natatag noong Enero 2, 1981. Maraming mga malalaking gusali ang malapit dito tulad ng mga paaralan, sambahan, bahay pamahalaan, Maraming mga tindahan, mall, restawran at mga pook-libangan ang nakapalibot rito.
Maraming iba’t-ibang uri ng mga bahay dito tulad ng mga apartment, townhouse, at mga condominium units. Mayroong gawa sa bato, semento at kahoy. Malaki ang mga kalsada rito tulad ng Commonwealth Avenue at maraming uri ng sasakayan ang paroo’t parito.
2. Komunidad sa Kabukiran
Sa Paolo ay nakatira sa Barangay Caramutan, na matatagpuan sa La Paz, Tarlac. Naitatag ito noong 1967. Bagamat maraming mga sakahan at kabukiran ang matatagpuan rito mayroon din ritong mga restawran, tindahan, paaralan, pamilihan at bahay-pamahalaan.
Iba’t-ibang uri ng mga bahay ang makikita sa kanilang barangay. Mayroong kongkreto, gawa semento at sa kahoy.
3. Komunidad sa Kabundukan
Si Mikay ay lumaki sa Barangay Irisan, sa lungsod ng Baguio. Ito ang may pinakamaraming populasyon sa lahat ng barangay sa lungsod ng Baguio.
Nakatayo ang kanilang tahanan sa itaas ng bundok na napapaligiran ng maraming puno ng pino (pine trees). Marami na ring mga bahay ang matatagpuan sa kanilang komunidad. Sa kanilang lugar ay malayo ang mga paaralan at mga malls at restawran subalit sa kanilang “town” o sa Baguio proper ay marami ang matatagpuan. Halos lahat ng mga bahay ay gawa sa kongkreto, magaganda na rin ang mga kalsada bagamat karamihan ay zigzag.
4. Komunidad sa Baybayin
Ang komunidad ni Ara ay matatagpuan sa Barangay Duplas sa San Juan La Union. Malapit ang kanilang tahanan sa mga beach resorts. Sikat ang San Juan sa magagandang dagat nito na karaniwan ay dinarayo ng mga turista dahil sa pagiging surfing spot nito. Marami nang mga konkretong mga bahay sa kanilang komunidad. Marami na rin ang mga restawran at pamilihan na malapit rito.
Ang mga komunidad ay mauuri rin sa dalawang kategorya, ang komunidad na urban at komunidad na rural. Ating alamin ang dalawang uring ito. (Ituloy ang pagbasa sa Ang Kahulugan ng Komunidad at Mga Uri at Halimbawa)
Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com