Kaugnayan ng Gawain at Desisyon ng Tao sa Pagkakaroon ng Kalamidad
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Naiuugnay ang gawain at desisyon ng tao sa pagkakaroon ng mga kalamidad
Mahalagang ating naiuugnay ang gawain at desisyon ng tao sa pagkakaroon ng mga kalamidad. May tuwirang epekto ang nagaganap sa kapaligiran sa buhay ng tao. Kaya ang mga isyu at suliraning bumabangon ukol rito ay mahalagang malaman at mapag-aralan upang ito ay mapaghandaan at matugunan.
Halimbawa, ang lebel ng polusyon sa mundo ay nakababahala at mabilis na tumataas kaya dapat makahanap ng paraaan upang ito ay mapababa.
Ang mga suliraning pangkapaligiran ay maaaring panlokal, pang buong bansa, o pang-internasyonal. Saan mang dako, dapat mapangalagaan ang kapaligiran sapagkat magbubunga ito ng ginhawa hindi lamang sa atin kundi maging sa susunod na lahi. May mga paraan na maaring gawin upang maging mas maayos ang paninirahan sa mundo.
Ang suliraning pangkapaligiran ay tumutukoy sa nakapipinsalang pagbabago sa dami o kalidad ng mga salik pangkapaligiran na nakaaapekto sa kapakanan at kalusugan ng mga tao.
Ang Mga Gawain at Desisyon ng Tao at Mga Kalamidad
Mahalagang maunawaan ang kaugnayan ng gawain at desisyon ng tao sa pagkakaroon ng mga kalamidad.
May mga kalamidad na dulot ng kalikasan subalit mayroon din naman na masasabing kagagawan at bunga ng kapabayaan ng mga tao (man-made calamities).
Ang hindi maayos na pagtatapon ng basura, walang patumanggang paggamit ng plastik, paggamit ng mauuusok na sasakyan, pag-ubos ng mga puno sa mga bundok at kagubatan, pagkakaingin (pagsusunog ng mga puno at halaman), pagsaid sa mga mineral, at mga kauri nito ay may masamang epekto sa kalikasan at maging sa mga tao mismo.
Mga kalamidad na dulot ng mga aksiyon ng tao
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga kalamidad na dulot ng mga aksiyon at pagpapasiya ng mga tao:
1. Epidemya
Ang isang epidemya (epidemic)ay isang sakit na nakakaapekto sa isang malaking bilang ng mga tao sa loob ng isang komunidad, populasyon, o rehiyon.
Ang ilan sa halimbawa ng epidemya ay ang dengue, influenza, malaria, diarrhea, at cholera.
Karaniwan na magkahawahan ang mga taong may sakit sa isang lugar. Subalit kapag mabilis na ang pagkalat ng sakit at marami na ang nahahawahan, tinatawag na itong epidemya. Ito ay mabilisang pagkalat ng sakit at pagdami ng nahahawahan at naaapektuhan nito nang sabay-sabay sa isang lugar.
Kadalasan ay kasalanan din ng mga tao ang pagkakaroon ng epidemya. Ang polusyon sa kapaligiran na kagagawan ng mga tao ay sanhi ng madaling pagkalat ng mga nakahahawang sakit.
2. Pandemya
Ang pandemya (pandemic) ay isang epidemya na kumalat sa maraming bansa o mga kontinente. Ang isang pandemya ay isang epidemya na “naglakbay” o umabot na sa ibang bansa at maraming tao sa mundo ang naapektuhan.
Ang isang sakit ay maaaring ipahayag na isang epidemya kapag kalat ito sa isang malawak na lugar at maraming mga indibidwal ang sabay-sabay na naapektuhan. Subalit kung ito ay lalo pang kumalat, ang isang epidemya ay maaaring maging isang pandemya—kapag mas malawak na ang narating at malaking bahagi na ng populasyon ang apektado.
Noong ika-11 ng Marso, 2020, opisyal na binago ng World Health Organization ang pagtatalaga nito sa COVID-19, sakit na sanhi ng isang coronavirus, mula sa isang epidemya patungo sa kategoryang pandemya.
3. Polusyon
Polusyon ang tawag sa mga dumi at sa kaakibat nitong di kanais nais na amoy sa paligid. Ang mga basura ay karaniwang nagiging polusyon sa lupa, hangin, at tubig kung hindi maayos na naitatapon. Ang polusyon sa basura ay karaniwang matatagpuan sa mga urban at lugar na lubhang may malalaking populasyon. Karamihan sa mga epidemya gaya ng dengue, malaria, pagtatae at iba pang sakit ay pangunahing dahil sa polusyon sa basura.
Ang pagdami ng basura ay dahil sa sobrang populasyon at kakulangan sa edukasyon sa tamang pagtatapon ng basura. Ang mga dumi o basura ay maaaring galing sa mga tahanan, mga pagamutan, mga industrial waste (galing sa pabrika), iba’t-ibang uri ng sasakyan (panlupa, pandagat, at panghimpapawid), at plantang nukleyar.
Ang basurang galing sa mga hospital (medical waste) ay mapanganib, gayundin ang radioactive wastes na mula sa plantang nukleyar. Sa mga bansang may plantang nukleyar, labis na kinatatakutan ang posibleng pagsingaw ng mga nuclear reactor.
Mauuri sa tatlo ang polusyong may kinalaman sa dumi: ang polusyon sa lupa, hangin, at tubig.
a. Polusyon sa Lupa
Ang mga nakalalasong dumi o toxic waste na mula sa mga basurang galing sa mga tahanan, pabrika, at mga pagamutan ay nagdudulot ng polusyon sa lupa. Kapag walang maayos na waste disposal and management, ang mga basura at maruming katas ng mga ito ay maikakalat sa iba’t ibang lugar lalo na kapag umulan at bumaha.
Isa rin sa pinagmumulan ng polusyon sa lupa ay ang pagmimina. Ang pagmimina (mining) ay ang proseso ng pagkuha ng mga mahahalagang mineral at metal sa lupa gaya ng ginto, pilak, diamante, bakal, karbon, manganese, at uranium. Nakapaloob sa pagmimina ang mga operasyong kemikal at mekanikal na nagdudulot ng pagdumi o polusyon sa lupa.
Ang mga gawaing pang-agrikultura ay nagiging dahilan din ng polusyon sa lupa. Ang mga ginagamit sa pagtatanim tulad ng insecticide, pesticide, at mga di-organikong pataba ay nagtataglay ng mga kemikal na nagsisilbing lason na napupunta sa lupa.
Magreresulta rin ang polusyon sa lupa ng polusyon sa tubig at hangin. Masasagap ng hangin at mapupunta rin sa tubig (lalo na kapag umulan at bumaha) ang mga kemikal na nasa lupa. Ang mga plastik at iba pang basurang hindi natutunaw ay makababara sa mga estero na kalaunan ay magdudulot naman ng baha, o ng di dumadaloy na tubig na maaaring pamungaran ng lamok.
Hindi kasiya-siya ang tanawin tulad ng mga nagkalat na basura na may mabahong amoy. Bukod dito, nagdadala ng iba’t-ibang sakit ang polusyon sa lupa, mula sa simpleng sakit sa balat hanggang sa nakamamatay na karamdaman tulad ng kanser.
b. Polusyon sa Hangin
Ang mga de-gasolina o de-krudong sasakyan na nagbubuga ng usok mula sa mga tambutso, pagawaan o pabrika, at paninigarilyo ay mga halimbawa ng nakapagpapadumi sa hangin. Kapag ang mga masasama at nakakalasong gas ay humahalo sa hangin, nagreresulta ito sa tinatawag na polusyon sa hangin.
Masama sa kalusugan ang mga usok na lumalabas sa mga pabrika at sasakyan dahil ang mga ito ay may mga kemikal na sangkap tulad ng sulfur dioxide, carbon oxides, at nitrogen oxides. Ang usok na nagmumula sa paninigarilyo ay nakasasama sa nagsisigarilyo (active smokers) at maging sa nakalalanghap (passive smokers) nito.
Kapwa ang active at passive smoker ay maaring magkaroon ng kanser sa baga at sakit sa puso dahil ang usok ng sigarilyo ay may kasamang nakalalasong kemikal. Maraming tao na ang nasawi dahil sa paninigarilyo.
c. Polusyon sa Tubig
Nagkakaroon ng polusyon sa tubig kapag dumudumi ito o nagkakaroon ng kontaminasyon. Isa ito sa mga itinuturing na malaking suliranin sa kapaligiran sa mga siyudad gaya ng Maynila.
Ang maruming tubig ay nagdudulot ng sakit at kamatayan sa mga isda at iba pang yamang-tubig. Ang mga isda at ibang pagkain mula sa mga kontaminadong tubig ay maari namang magdulot ng sakit sa mga kakain nito.
Isa sa mga sanhi ng polusyon sa tubig ay ang walang patumanggang pagtatapon ng mga tao ng kalat at basura mula sa kanilang mga tahanan patungo sa mga tubigan tulad ng ilog, sapa, lawa, at dagat.
Sa kaso ng mga squatters o informal settlers na nakatira sa tabi ng mga ilog at walang maayos na palikuran at waste management, sa mga tubigan napupunta ang kanilang mga pinaghugasan at maging ang mga duming galing sa katawan.
May mga kaso rin ng mga pabrika, hotel, at restoran na sa ilog o dagat itinatapon ang kanilang mga basura.
Ganito ang natuklasan sa Boracay nuong 2018 kung kaya’t ipinatupad ang Boracay closure and redevelopment o Boracay rehabilitation nuong Abril hanggang Oktubre 2018.
4. Deporestasyon
Ang deporestasyon ay ang pagkakalbo ng mga kagubatan. Ang sobra at ilegal na pagtotroso, pagmimina, at pagkakaingin ang ilan sa mga sanhi nito.
Nagaganap ang deporestasyon sapagkat maaaring ibenta bilang kalakal ang mga troso at mga uling panggatong, habang ginagamit naman bilang pastulan, taniman ng mga kalakal, at tirahan ang mga kinalbong lupain.
Maaaring magdulot ng pinsala sa mga tao ang pagtanggal ng mga puno sa mga gubat nang walang sapat na muling pagtatanim. Karaniwang nagdudulot ang deporestasyon ng pag-init ng kapaligiran, pagbaha, landslide, at flashflood.
5. Oil spill
Ang oil spill ay ang pagtagas ng likido (langis o petrolyo) sa kapaligiran, lalo na sa dagat, na nagbubunga ng polusyon. Sa dami ng oil tankers na naglalakbay sa karagatan, malaki ang tyansa na mayroong masira, sumadsad o mabunggo, at magtapon ng maraming krudo sa tubig dagat.
Dahil sa oil spill, hahalo sa tubig ang langis na tumagas at hindi makakapasok ang oxygen rito. Makukulong ang mga isda sapagkat magiging malagkit ang tubig at posibleng humantong sa pagkamatay nila o ang tinatawag na fish kill.
Noong 2007, tatlong oil spill ang naganap sa Pilipinas: sa Semirara (Antique), Guimaras (Iloilo), at Ozamis (Misamis Occidental). Ito ay nagdulot ng malaking pinsala sa mga laman dagat at tourist spots. Ang oil spill sa Barangay Tando sa Nueva Valencia, Guimaras noong 2006 ang sinasabing pinakamalala sa kasaysayan ng Pilipinas dahil hindi masukat ang pinsalang idinulot nito.
6. Pagbaha
Ang baha ay karaniwang dulot ng labis na pag-ulan. Ganunpaman, salik din sa pag-apaw ng tubig ang mga baradong kanal at iba pang paagusan ng tubig na nakapagdudulot ng pagkaipon ng tubig sa isang dako. Samakatuwid, ang baha ay masasabi ring bunga ng mga gawa ng mga tao.
7. Flashfloods
Bagama’t ang flashflood ay madalas na bunga ng malakas o matagal na pag-ulan at bagyo, salik din ang ilang hindi magandang gawi ng tao. Ang pagputol o pag-ubos ng mga puno sa mga bundok ay maaaring magresulta sa flashflood, gayundin ang pagmimina ng mga tao.
Ang flashflood ay panganib lalo na sa mga nasa paanan ng bundok. Maaaring mawasak ng kalamidad na ito ang mga bahay at ari arian, at maaaring kumitil ito sa buhay ng mga tao.
8. Landslide
Ang matitindi at walang humpay na pag-ulan at mga paglindol ay nagbubunga ng landslide. Subalit gaya sa flashflood, nagiging dahilan din ng landslide ang pagkakalbo sa kagubatan at hindi maayos na pagmimina. Ang hindi maayos na paggawa ng mga daan at pagtatayo ng mga establisimiyento sa mga bundok ay maaari ring maging sanhi ng landslide.
Ang napapanahong climate change ay isa rin sa mga mapaminsalang kalamidad na dulot ng mga aksiyon at pagpapasiya ng mga tao. Tatalakayin ito nang detalyado sa susunod na aralin.
*Kung may nais kang hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu (hal. climate change; political dynasty, etc), i-search dito:
Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Mga Paghahanda na Nararapat Gawin sa Harap ng Mga Kalamidad
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
NOTE TO STUDENTS:
If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.