Kalusugang Pangkaisipan At Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan (Well-being)

Kasanayang Pampagkatuto:

Nabibigyang-kahulugan ang mga konsepto ng kalusugang pangkaisipan at sikolohikal na kaayusang pangkatauhan sa araw-araw na obserbasyon tungkol sa mga suliraning pangkaisipan sa panahon ng kalagitnaan at huling bahagi ng pagdadalaga at pagbibinata.

Ang Kalusugang Pangkaisipan (Mental Health)

Ang yugto o panahon ng pagbibinata/pagdadalaga ay kinapapalooban ng mga pagbugso ng iba’t ibang mga damdamin, pagbabago, at mga hamon. Ang mga bagay na ito ay normal at bahagi ng proseso ng pagtanda.

Subalit sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga, ang ilang mga problema sa kalusugan ng isip ay maaaring lumitaw lalo na kapag ang mga pagkabigo sa mga bagay-bagay ay nagiging malubha o kapag ang tinatawag na “stress overload” ay nagaganap.

Ano nga ba ang kalusugang pangkaisipan?

Ang kalusugang pangkaisipan (mental health) ay isang antas ng kagalingang sikolohikal, o kawalan ng sakit sa isip. Kabilang dito ang kagalingang panlipunan, emosyonal, at sikolohikal at mayroon itong impluwensya sa kung paanong ang isang indibidwal ay nag-iisip, nakakaramdam, at kumikilos.

Ang kalusugan ng isip ay may kinalaman sa kung paano tratuhin ng isang tao ang stress, makisalamuha sa iba, at magdesiyon at mamili.

May mga katangian ang mga nagbibinata at nagdadalaga na may malusog na pag-iisip. Ang ilan ay ang pagpapakita ng pagkapositibo, kaligayahan, malusog na relasyon sa pamilya at mga kaibigan, pangkalahatang kalusugan, at positibong partisipasyon sa komunidad.

Tandaan na ang masamang kalusugan ng isip ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa pag-unlad ng mga nagbibinata/nagdadalaga.

Sikolohikal na Kagalingan (Psychological Well-Being)

Ipinaliwanag ni Carol Ryff ang sikolohikal na kagalingan (psychological well-being) bilang isang pinakamainam na sikolohikal na paggana na kinasasangkutan ng maraming dimensiyon tulad ng pansarili, panlipunan at sikolohikal.

Ang sikolohikal na kagalingan ay mahalaga at karaniwang nakaugnay sa kaligayahan ng isang indibidwal.

Carol Ryff: Ang Anim na Dimensiyon ng Sikolohikal na Kagalingan

Ipinaliwanag ni Ryff na may anim (6) na mga dimensyon ng sikolohikal na kaayusang pangkatauhan:

1. Pagtanggap sa sarili

Kasama sa pagtanggap sa sarili ang pagkilala sa sariling kahinaan, mga bahid o kapintasan, at imperpeksiyon.

Ang dimensiyong ito ay makakamit sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanang walang sinuman ang perpekto, pag-iwas sa mga di-makatwirang pagpula sa sarili, at paghanap ng mga paraan upang ayusin ang sariling mga kapintasan.

Nakapaloob din dito ang makatotohanang pagkaunawa at kasiyahan sa sarili. Ang mga ito ay humahantong sa isang pakiramdam na ikaw ay mahalaga.  

2. Personal na paglago

Tumutukoy ang personal na paglago sa kakayahang bumuo ng pagkakakilanlan (identity) at personalidad, kakayahang linangin ang mga kakayahan, at kapasidad na matuto ng mga kapaki-pakinabang na mga kasanayan na mahalaga upang makamit ang mga pangarap at mga layunin.

Mahalagang bahagi nito ang pagpupunyagi na pagkalooban ang sarili ng mga bagong kaalaman at kakayahan.

Magkakaroon ng personal na paglago kung maniniwala ang isang indibidwal sa halaga ng pagbabago at kung magsisikap na malinang ang mga potensyal.

3. Layunin sa buhay

Ito ay tumutukoy sa kakayahang tingnan ang sariling buhay bilang may kahulugan at layunin.

Kasama rito ang pananaw na ang isang tao ay hindi lang basta umiiral at hindi aksidente ang kaniyang buhay sa mundo.

Mahalagang makita ng tao na ang kaniyang buhay at pag-iral ay may punto at kabuluhan at siya ay may mahalagang misyon at tungkulin sa mundo.

4. Karunungang pangkapaligiran (environmental mastery)

Pangunahin at kailangan ang aspetong ito upang magkaroon ng maayos at malusog na pamumuhay.

Binubuo ito ng mga kaalaman at kasanayan upang kontrolin at harapin ang mundo o ang kapaligiran nang hindi nalulupig ng mga alalahanin at kahirapan.

5. Awtonomiya

May awtonomiya ang isang taong hindi natatakot sa mga panggigipit o pame-mresyur ng ibang mga tao tulad ng barkada.

Sa madaling salita, kaya niyang tindigan ang kaniyang mga makatwirang prinsipyo at hindi siya apektado sa iniisip ng iba sa kaniya.

Samakatuwid, ang awtonomiya ay tumutukoy sa pagsasarili, pagtitiwala sa sariling kakayahan, at sa kakayahang mag-isip at magpasya para sa sarili. Ang may awtonomiya ay hindi basta-basta napipilit na sumunod sa iba.

6. Positibong relasyon sa ibang tao

Ang may positibong relasyon sa iba ay may malasakit, pakikiramay, at pagmamahal sa ibang tao. Nagagawa nilang ibahagi ang kanilang mga sarili sa iba at panatag sila sa kanilang mga relasyon.

Ramdam nila at alam na sila ay minamahal, pinahahalagahan, at nauunawaan. Sa madaling salita, nakapagtatatag sila ng matibay at maayos na relasyon sa ibang tao.

Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

SA MGA GURO: Maaari itong gawing reading assignment ng inyong mga mag-aaral

Kaugnay:

Ang Mga Sariling Kahinaan at Ang Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)

Mind Map Tungkol Sa Mga Paraan Upang Magkaroon Ng Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan

Plano Upang Manatili Ang Kalusugang Pangkaisipan Sa Panahon Ng Kalagitnaan At Huling Bahagi Ng Pagdadalaga/Pagbibinata

Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon Na Maaaring Makatulong Sa Pagpapamalas Ng Mga Nararamdaman

Mga Positibo At Negatibong Emosyon At Kung Paano Ito Ipahinahahayag O Itinatago

Mga Paraan Upang Mapamahalaan Ang Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon

Ang Iba’t Ibang Uri ng Emosyon

Mga Positibo at Negatibong Emosyon

Mga Relasyon Ng Mga Tinedyer At Ang Mga Katanggap-Tanggap Na Pagpapahayag Ng Pagkagusto At Pagmamahal

Ang Sariling Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment

Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Sa Isang Relasyon

Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer

Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment

Ang Iba’t Ibang Papel Ng Bawat Indibidwal Sa Lipunan At Kung Paano Nila Naiimpluwensiyahan Ang Mga Tao Batay Sa Kanilang Pamumuno O Pagsunod