Kahalagahan ng mga Paglilingkod o Serbisyo sa Komunidad: Mga Ahensiya ng Pamahalaan
Ano ba ang paglilingkod/serbisyo sa komunidad? Bakit mahalaga ang mga paglilingkod/serbisyo ng komunidad upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kasapi ng komunidad?
Ang serbisyo ay mga ambag na paglilingkod o gawaing ipinagkakaloob ng isang tao o grupo ng mga tao na nagdudulot ng kabutihan o pakinabang sa komunidad. Dito nakasalalay ang kaunlaran at kaayusan ng mga taong nakatira rito sapagkat nutugunan nito ang kanilang mga pangangailangan.
Sino ang nagkakaloob ng mga paglilingkod na ito o serbisyo sa komunidad?
Ang Pamahalaan ang pangunahing nagbibigay ng serbisyo sa komunidad. (Basahin: Ang Pagbibigay Serbisyo/Paglilingkod ng Komunidad at Karapatan ng Bawat Kasapi)
Ano ba ang pamahalaan? Ito ay isang samahan na may kakayanan na gumawa ng mga batas at ipatupad ito sa nasasakupang lugar. May kapangyarihan rin itong tumugon sa mga pangangailangan ng mga taong nasasakupan nito.
Paano nagbibigay serbisyo ang pamahalaan sa komunidad?
Nagbibigay ng serbisyo ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga ahensya nito na nakatalaga sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga tao:
PANG-EDUKASYON
Ang Department of Education o DepEd ang nakatalaga ukol sa sistema ng edukasyon ng mga mag-aaral sa bansa. Sa pagpapatupad ng mga bagong programang tulad ng K-12 curriculum, pinaniniwalaang mas napapaunlad ang karunungan ng mga kabataan at naihahanda sila sa mga nais nilang kurso sa pamamagitan ng mga mapipili nilang tracks o strand. May mga mahihirap ngunit matatalinong kabataan ding pinagkakalooban ng mga scholarship upang maitaguyod ang kanilang mga pag-aaral.
Ang Alternative Learning System (ALS) ay isang parallel learning system o kahaliling sistema ng pag-aaral sa Pilipinas. Ito ay isang paraan ng mga impormal at abalang mag-aaral upang magkaroon ng edukasyon sa elementarya at mataas na paaralan nang hindi kinakailangang pumunta araw-araw sa silid-aralan tulad ng pormal na sistema ng edukasyon.
Karamihan sa sakop ng programang ito ay mga dropout sa elementarya at sekondaryang paaralan, mga kabataang wala sa paaralan, hindi mambabasa, mga nagtatrabaho at maging mga senior citizen na gustong magbasa at magsulat.
Isang ahensiya naman ng gobyerno ang TESDA o Technical Education and Skills Development Authority ay may tungkuling mangasiwa sa Technical Education and Skills Development (TESD) ng Pilipinas. Layon nitong paunlarin ang mga manggagawang Pilipino upang mapaunlad ang kanilang mga kasanayan at magkaroon ng “world-class competence at positive work values”.
PANGKAPAYAPAAN
ANG Philippine National Police o PNP naman ang ahensiyang responsible sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bansa. May mga itinatalagang kapulisan sa mga komunidad upang sumubaybay sa kapayapaan at manghuli ng masasamang loob.
Ang Armed forces of the Philippines naman ay naatasan sa pagtatanggol ng soberanya at teritoryo ng bansa. Hawak nito ang Philippine Army na ang sakop ay kalupaan, Philippine Navy para sa katubigan at Philippine Air Force para sa himpapawid.
PANGKALUSUGAN
May mga programang inilulunsad ang DOH o Department of Health para sa pangkalusugan. May mga libreng bakuna para sa mga bata at mga sanggol sa mga health centers. Nagbibigay rin ng mga polyeto o babasahin sa mga mamamayan upang magbigay ng kaalaman ukol sa pangangalaga sa kalusugan. Nagpapatayo ng mga pampublikong pagamutan at mga klinika na maaring puntahan ng mga mamamayang nangangailangan ng lunas sa kanilang karamdaman.
Sa ilalim ng DOH ay mayroong Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nilikha noong 1995 na nakasentro sa pagpapatupad ng universal health coverage sa Pilipinas. Ang layunin nito ay magkaloob ng pambansang programa sa segurong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Ang mga benepisyaryo ng Philhealth ay may access sa mga komprehensibong package ng serbisyo batay sa mga kasamang karamdaman o sakit.
PANGKABUHAYAN
Ang Department of Labor and Employment o DOLE ay isa sa mga ehekutibong gobyerno ng Pilipinas ay may tungkulin na gumawa ng mga patakaran ukol sa pagtatrabaho. Ang mga serbisyo nito ay may layuning matulungan ang mga manggagawang Pilipino na makakuha ng trabaho, maging ligtas at maging mapagkumpitensya sa buong mundo,
TRANSPORTASYON AT KOMUNIKASYON
Mahalaga ang maayos na sistema sa transportasyon at komunikasyon. Ang Department of Transportation and Communications o DOTC ay ang itinalagang ahensya ng pamahalaan na may tungkuling bumuo at mangasiwa ng regulasyon ng sistema ng transportasyon at komunikasyon sa bansa. Mahalaga ang maayos at mabilis na paglalakbay para sa mga produkto at kalakal. Mahalaga rin na magkaroon ng maayos na sistema ng komunikasyon upang mapadali ang ugnayan ng mga tao.
Kaya’t ang DOTC ay tungkuling magbigay ng ligtas at maasahang serbisyo para mapabilis ang pag-unlad ng ekonomiya at upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao sa maayos na transportasyon at komunikasyon. Sa iba’t-ibang lugar ay nagpapatayo ng mga tulay, kalsada, paliparan at mga riles ng tren. Ang Metro Rail Transit o MRT at Light Rail Transit o LRT ay mga halimbawa ng mga uri ng transportasyong nakapagpapabilis ng biyahe at nakapagbabawas ng trapik sa mga kalsada.
Naglagay rin ang Metro Manila Development Authority o MMDA ng mga foot bridges na madadaanan para sa iba’t-ibang kalsadang maraming mabibilis na sasakyan. Isa itong ahensiya na nagsasagawa ng regulatory at supervisory authority sa paghahatid ng metro-wide services sa loob ng Metro Manila.
Ang Philippine Nautical Highway System o RoRo System naman ng pamahalaan ay sistema ng mga kalsada at daungan na binuo ng pamahalaan upang mag-ugnay sa mga isla ng Luzon, Visayas at Mindanao. Napapadali nito ang pagdadala ng mga produkto at kalakal.
Sa pangangasiwa naman ng Department of Public Works and Highways o DPWH, patuloy na pinagaganda at pinauunlad ang mga naunang expressway tulad ng North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX) , SCTEX at TPLEX at patuloy namang nadadagdagan ang mga Expressways katulad ng unang 18 kilometrong bahagi ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) mula sa koneksyon ng SCTEX/TPLEX sa Tarlac City hanggang sa intersection ng Aliaga-Guimba Road sa Aliaga, Nueva Ecija.
KATARUNGAN
Ang Department of Justice o DOJay nasa ilalim ng executive department ng gobyerno ng Pilipinas na responsable sa pagtataguyod ng panuntunan ng batas sa Pilipinas. Ito ang pangunahing ahensiya ng batas ng pamahalaan, na nagsisilbing legal na tagapayo at sangay ng pag-uusig.
PANLIPUNANG KAPAKANAN
Ang DSWD o Department of Social Welfare and Development ay ang executive department ng Pamahalaan ng Pilipinas na responsable para sa pangangalaga ng panlipunang kapakanan ng mga karapatan ng mga Pilipino at upang itaguyod ang panlipunang pag-unlad.
May programa itong tinatawag na 4PS, Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ito ay may layuning mapabuti ang kalagayang pantao ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino.
Ang isa pa ay ang SAP o Social Amelioration Program. Ito naman ay nagkakaloob ng tulong sa mga vulnerable sectors, mga pamilyang kapos-palad, walang tirahan, indigent, at katutubo. Nasa ilalim ito ng programa ng Bayanihan to Heal as One Act na isinasagawa sa kalagitnaan ng COVID-19 crisis.
PABAHAY/ TIRAHAN
Ang National Housing Authority o NHA ay isang ahensya ng gobyerno na responsable para sa pampublikong pabahay sa Pilipinas. May mga programa ito na nagkakaloob ng mga komprehensibo at mahusay na plano para sa pabahay ng mga taong walang tirahan o mababa ang kita upang mapabuti ang kalagayan ng buhay. (Kaugnay: Pamahalaang Sentral at Lokal sa Pilipinas: Noon at Ngayon)
KALIGTASAN o SEGURIDAD
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ay may pananagutan sa pagtiyak ng proteksyon at kapakanan ng mga tao sa panahon ng mga sakuna o emerhensiya. Sa panahon ng mga sakuna o emerhensiya ay nagpapalabas ang NDRRMC ng mga babala upang mabigyan ng kaalaman ang mga tao sa mga nagaganap sa kapaligiran. (Basahin: Mga Ahensiya Ng Pamahalaan Na Responsable Sa Kaligtasan Ng Mamamayan Sa Panahon Ng Kalamidad)
KURYENTE/ ELEKTRISIDAD/ ENERHIYA
Isa sa mahalagang pangangailangan ng mga tao ay ang kuryente at elektrisidad. Ginagamit ito sa mga tahanan upang magkaroon ng ilaw at magamit ang iba’t-ibang mga de kuryenteng kasangkapan. Itinalaga ang Department of Energy o DOE para sa pangangasiwa ng mga bagay ukol sa enerhiya.
PANGKAPALIGIRAN/ PANGKALIKASAN
Mahalaga sa mga tao sa komunidad ang pagkakaroon ng malinis na kapaligiran at masaganang kalikasan. Upang mapangalagaan ang kalikasan at kapaligiran, itinalaga ng pamahalaan ang Department of Environment and Natural Resources o DENR.
May mga ipinatutupad na batas ang DENR tulad ng Clean Air Act of 1999 para sa malinis na hangin. Ang Philippine Clean Water Act naman ay batas para mapanatili ang kalinisan ng mga anyong tubig.
May mga programa ring ipinapatupad upang matugunan ang lumalalang climate change na dulot ng global warming.
Kaugnay: Mga Paglilingkod ng Pamahalaan Upang Matugunan ang Pangangailangan ng Bawat Mamamayan
Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com
====
Para sa KOMENTO, gamitin ang comment section sa: Mga Kawanggawa sa Pamayanan at Komunidad