Jose Rizal: Tagalog Biography of the Bayaning Pilipino

Editors’ note: Ang Jose Rizal Tagalog Biography na ito ay mula sa panulat ng awtor na si Prof. Jensen DG. Mañebog. Ito ay buod (summary) ng makulay na buhay ng bayaning Pilipino.

NAKATALI ANG KANIYANG MGA SIKO sa kaniyang likuran, tinanggihan niya ang tradisyunal na piring at hiniling pa na harapin ang firing squad na tatapos sa kanyang kapalaran sa araw na iyon.

Si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda ay isinilang noong Hunyo 19, 1861, humigit-kumulang tatlumpung limang (35) taon bago ang makasaysayang araw na iyon. Ang ikapito sa labing-isang anak na isinilang sa isang “may kayang”  pamilya sa isang lupang pag-aari ng mga paring Dominikano sa Calamba, Laguna, si Jose Rizal ay nabuhay at namatay noong panahong ang Pilipinas ay kolonya ng Espanya.

Ang mga Magulang ni Jose Rizal

Ang ama ni Jose, si Francisco Mercado Rizal, ay isang produktibong magsasaka mula sa Biñan, Laguna. (Basahin: Francisco Mercado Rizal: Jose Rizal’s Father)

Ang kanyang ina naman ay si Teodora Alonzo y Quintos, ay isang edukadong babae mula sa Sta. Cruz, Maynila. (Basahin: Jose Rizal Family Tree: The Ancestry of the Hero)

Para sa detalyadong pagtalakay ukol sa mga magulang ni Jose Rizal, sangguniin ang: Jose Rizal’s Parents: How Don Francisco Mercado and Doña Teodora Alonso made him a hero (about Jose Rizal Parents)

Ang kabataan ni Jose Rizal

Sa kanyang murang edad, naging dalubhasa kaagad si Jose Rizal sa alpabeto at natuto kaagad na magsulat at magbasa. Kasama sa kanyang unang nabasa ang bersyong Espanyol ng Vulgate Bible (isang salin ng Biblia).

Mula sa pagkabata, nagpakita na siya agad ng mga hilig sa sining. Pinabilib niya ang kanyang pamilya sa kanyang mga pagguhit gamit ang lapis, mga sketch, at paghulma ng luwad. Nang maglaon sa kanyang pagkabata, nagpakita siya ng espesyal na talento sa pagpipinta at iskultura, sumulat ng isang dula sa Tagalog na itinanghal sa isang pista sa Calamba, at nagsulat ng isang maikling dula sa Espanyol na itinanghal naman sa paaralan.

Ang edukasyon ni Rizal

Sa edad na labing-isa, pumasok si Rizal sa Ateneo Municipal de Manila at natapos sa edad na 16 ang kanyang Bachelor of Arts degree na may gradong sobresaliente (“mahusay”). Sa taon ding iyon (1877), kumuha siya ng kursong Pilosopiya (Philosophy and Letters) sa Unibersidad ng Santo Tomas, habang kasabay na naka-enroll sa kursong land surveying sa Ateneo.

Natapos niya ang pagsasanay sa land surveying noong 1877, naipasa ang pagsusulit para sa  lisensya noong Mayo 1878, bagaman ang lisensya ay ibinigay lamang sa kanya noong 1881 nang umabot na siya sa wastong gulang.

Nag-enrol siya sa kursong Medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1878. Gayunman, dahil napansin niyang ang mga mag-aaral na Pilipino ay dinidiskrimina ng mga propesor na mga paring Dominikano, tumigil siya sa kanyang pag-aaral sa UST nang hindi natatapos ang kanyang kurso. (Kaugnay: Jose Rizal’s Education)

Jose Rizal Tagalog Biography: Ang Pag-aaral niya sa ibang bansa

Noong Mayo 3, 1882, nagpunta siya sa Espanya at nag-enroll sa Universidad Central de Madrid. Noong Hunyo ng 1884, natanggap niya ang degree na Licentiate sa Medisina sa edad na 23. Pagkalipas ng isang taon, natapos naman niya ang kanyang kurso sa Pilosopiya na may gradong sobresaliente (“mahusay”).

Sa pagnanais niya na magamot ang lumulubhang paglabo ng mga mata ng kanyang ina, si Rizal ay nagpunta sa Paris, Heidelberg, at Berlin upang makakuha ng karagdagang kaalaman at pagsasanay sa optalmolohiya. Sa Heidelberg, nakumpleto niya ang kanyang pagdadalubhasa sa mata.

Mga kontribusyon ni Jose Rizal

Dahil sa ipinanganak at lumaki sa Calamba sa panahon ng Kastila, si Jose Rizal ay marunong ng Tagalog at Espanyol. Subalit dahil sa kaniyang mga paglalakbay, sinasabing si Rizal ay natuto ng 22 mga wika.

Sumulat si Jose Rizal ng mga pambihirang tula, nag-ambag ng mga makabayang sanaysay sa mga publikasyon, tinala ang kaniyang mga karanasan sa kaniyang talaarawan (diary), at nakipagpalitan ng mga sulat sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak.

Noong Marso 1887, inilathala ni Jose Rizal sa Berlin ang kanyang unang kontrobersyal na nobela, ang Noli Me Tangere, na nagsisiwalat ng paniniil at pagmamalabis sa kapangyarihan ng mga pari at opisyal na Kastila sa Pilipinas.

Upang maipakita na ang mga Pilipino ay mayroon nang kahanga-hangang sibilisasyon bago pa man ang kolonisasyong Espanya, gumawa si Jose Rizal ng anotasyon ng Successos De Las Islas Filipinas ni Antonio Morga at ang berson nito na mayroon niyang anotasyon ay kaniyang inilathala sa Paris noong 1890.

Noong Setyembre 18, 1891, inilimbag ni Jose Rizal sa Ghent ang kaniyang ikalawang nobela, ang El Filibusterismo.

Si Jose Rizal bilang lider ng mga makabayang Pilipino

Bilang pinuno ng mga makabayang Pilipino, si Jose Rizal ay naging isa sa mga pinuno ng organisasyong pampanitikan at pangkultura na Propaganda Movement, ang makabayang lipunan na Asociacion La Solidaridad (Solidaridad Association), ang pansamantalang panlipunang samahang Kidlat Club, ang lipunan ng mga makabayang Pilipino sa Paris na Indio Bravo, at ang misteryosong Redencion de los Malayos (Redemption of the Malays).

Itinatag niya ang La Liga Filipina, isang samahang sibiko na nagbigay-daan din sa samahang Katipunan. Sa iba’t ibang kaparaanan, humiling si Rizal ng mga radikal na mga reporma sa sistemang kolonyal ng Espanya at sa gawi ng kaparian sa Pilipinas. Ipinakipaglaban niya ang pantay na mga karapatan sa harap ng batas para sa mga Pilipino.

Unang Pag-uwi sa Pilipinas

Mula sa Europa, umuwi sa Pilipinas si Jose Rizal noong Agosto 1887. Nagsagawa siya ng mga panggagamot sa Calamba at ginamot ang mata ng kanyang ina.

Ngunit dahil sa ang mga prayle ay nagalit sa kaniya dahil sa kanyang nobela at sa pagkakasangkot niya sa kaguluhang agraryo ng Calamba ay napilitan ang gobernador heneral na ‘payuhan’ si Rizal na umalis sa bansa.

Kaya noong Pebrero 1888, umalis muli si Rizal ng bansa. Naglayag muna siya sa ibang mga bansa sa Asya at pagkatapos ay sa iba`t ibang lugar sa Kanluran.

Ikalawang Pag-uwi sa Pilipinas

Nang bumalik si Rizal sa Pilipinas noong 1892, siya ay ikinulong sa Fort Santiago mula Hulyo 6 hanggang Hulyo 15. Ito ay dahil sa gawa-gawang kaso na umano’y may natagpuang mga polyeto ng paglaban sa pari sa mga balot ng unan ng kanyang kapatid na si Lucia na kasama niya mula sa Hong Kong.

Pagkatapos ay ipinatapon siya sa Dapitan, isang isla sa Mindanao. (Kaugnay: LUCIA RIZAL: Partaker of the Hero’s Sufferings)

Buhay ni Rizal sa Dapitan

Sa kaniyang pagkakatapon, ginugol niya ang kaniyang panahon sa agrikultura, pangingisda, at komersyo habang nagpapatakbo ng isang ospital. Nagtayo rin siya ng isang paaralan para sa mga lalaki at nagsilbing guro sa kanila.

Bukod dito, gumawa siya ng mga pagsasaliksik na pang-agham, nangolekta ng mga ispesimen ng mga bihirang species, nakipagpalitan ng sulat sa mga iskolar sa ibang bansa, at pinangunahan ang pagtatayo ng water dam at isang relief map ng Mindanao. (Basahin: Jose Rizal’s Bitter Sweet Life in Dapitan)

Ang “asawa” at anak ni Rizal

Si Jose ay umibig kay Josephine Bracken, isang babae mula sa Hong Kong na nagdala sa kanyang ama-amahan sa Dapitan para ipaopera ang mga mata kay Rizal. Si Josephine ay naging “common law wife” ni Rizal.

Ang “mag-asawa” ay nagkaroon ng isang anak na ipinanganak nang wala sa panahon (premature). Ang sanggol na batang lalaki na nagngangalang Francísco Rizal y Bracken ay namatay ilang oras pagkapanganak. (Basahin: What happened to Josephine Bracken When Jose Rizal Died?)

Jose Rizal Tagalog Biography: Ang Pag-ibig ni Jose Rizal

Isa sa interesanteng bahagi ng talambuhay (Jose Rizal Tagalog Biography) ay ang kaniyang makulay na buhay pag-ibig (love life). Bago pa ang kanyang relasyon kay Josephine Bracken, may iba na ring mga babaeng naging karelasyon si Jose Rizal sa nakaraan.

Ang pinakabantog sa mga ito ay si Segunda Katigbak, ang unang pag-ibig ni Rizal, at si Leonor Rivera, ang tinaguriang tunay na pag-ibig ni Rizal. (Basahin: Leonor Rivera: Why Rizal did not end up marrying his true love at Segunda Katigbak and Jose Rizal: Their secret strange last meeting)

Ang Rebolusyon at ang Paglilitis kay Jose Rizal

Noong 1896, nakatanggap si Rizal ng pahintulot mula sa Gobernador Heneral na maging isang boluntaryong manggagamot ng militar sa rebolusyon sa Cuba. Noong panahong iyon, sa Cuba ay laganap din ang yellow fever kaya kailangan ng maraming doktor.

Ngunit sinimulan ng ‘Katipunan’ ang Rebolusyong Pilipino noong Agosto 1896. Ang mga makapangyarihang tao na nagalit kay Rizal ay ginamit itong pagkakataong upang idamay siya sa rebelyon.

Matapos ang isang di-patas na paglilitis (sa isang kangaroo court), siya ay nahatulan sa kasong paghihimagsik at hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan Field (ngayon ay Luneta).

Jose Rizal Tagalog Biography: Ang kaniyang kamatayan

Nakasuot ng itim na amerikana at pantalon at nakatali ang mga siko sa kaniyang likuran, tinanggihan ni Jose Rizal ang tradisyunal na piring. Tahimik at medyo maputla, hiniling pa niya na harapin ang firing squad, sapagkat naninindigan siyang hindi siya traydor sa kanyang bansa at sa Espanya.

Matapos ang ilang pagkumbinse, pumayag si Rizal na tumalikod ngunit hiniling niya na siya ay barilin sa isang tiyak na bahagi sa likod (small of the back), upang maiikot nito ang kanyang katawan at tumumbang nakaharap sa araw at kalangitan.

Kinagabihan bago siya patayin, marahil ay nagkaroon ng pagbabalik-tanaw si Rizal sa mga makahulugang kaganapan sa kanyang limamput limang (35) taong pag-iral ng mga pangyayaring nakabalangkas dito.

Ngunit higit sa sinuman, siya mismo ang nakakaalam na ang kanyang pagkamatay ay tiyak na magaganap, na kahit ang isang Andres Bonifacio o Emilio Aguinaldo ay hindi makapagliligtas sa kaniya mula sa mga Remington at Mauser ng mga nakatakdang bumaril sa kaniya. (Read: The Collaboration between Jose Rizal and Andres Bonifacio)

Nakaharap sa kalangitan, ang dakilang tao ay namatay sa matahimik na umaga ng Disyembre 30, 1896. Ngunit mula noon, siya ay nanatiling buhay sa mga puso at isipan ng mga totoong makabayang Pilipino. (Read: Jose Rizal Biography: A Supplement)

Copyright 2014-present by Prof. Jensen DG. Mañebog

Jensen DG. Mañebog, the contributor, is an author of textbooks and professorial lecturer emeritus in the graduate school of a state university in Metro Manila. His unique e-books on Rizal (available online) comprehensively tackle, among others, the respective life of Rizal’s parents, siblings, co-heroes, and girlfriends. (e-mail: [email protected])

Read Also:
The Interesting Tales of the Jose Rizal Family
 by Jensen DG. Mañebog

Check Out: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog

Kaugnay: Jose Rizal: A Biographical Outline

Mga tanong sa talakayan:
Sino si José Rizal? Paano ilarawan si José Rizal?

Tags:
Buong talambuhay ni José Rizal Tagalog version; José Rizal Tagalog essay; Talambuhay ni jose Rizal free; Katangian ni jose rizal