Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon Na Maaaring Makatulong Sa Pagpapamalas Ng Mga Nararamdaman

Kasanayang Pampagkatuto:

Natatalakay ang pag-unawa sa iba’t ibang uri ng emosyon na maaaring makatulong sa pagpapamalas ng mga nararamdaman.

Ito ay kaugnay ng paksang talinong pang-emosyonal.

Ang mga nagdadalaga at nagbibinata ay nasa yugto ng pagkaranas ng matitinding emosyon. Napakahalaga, kung gayon, na may kaalaman ang gaya mong kabataan tungkol sa mga pangunahing uri ng emosyon at ang mga tamang paraan ng pagpapahayag o pamamahala sa mga ito.

Kung ikaw ay isang adolescent, inaasahan na magkakaroon ka ng pag-unawa sa iba’t ibang uri ng emosyon at kung paanong ipinahahayag ang mga ito.

Panuorin: Mapanagutang Pagtugon sa Iba’t Ibang Emosyon ng Kapuwa

Para sa paggawa ng dyornal (journal) para sa mga adolescents, panuorin ang short educational video. Nota: Para magkaroon ng FULL ACCESS sa video, mag-SUBSCRIBE muna (kung hindi ka pa naka-subscribe):

Balikan natin ang paksa.

Inaasahan din na iyong maisasagawa ang iba’t-ibang paraan upang maipamalas at mapamahalaan ang mga emosyon sa malusog o mabisang paraan.

Ang Emosyon ng Tao

Ang “emotion” na salitang English (emosyon sa Filipino) ay hango sa Pranses na salitang émouvoir na nangangahulugang “upang pukawin.”

Ang emosyon ay isa sa mga bagay na direkta nating nararanasan subalit mahirap na tukuyin, ilarawan, o ipaliwanag. Tila hindi sapat ang mga salita upang ipahayag nang lubos ang kahulugan ng konseptong ito.

Gayunman, ang ilan sa mga terminong ibinibigay bilang mga kasingkahulugan ng emosyon ay pakiramdam, damdamin, reaksyon, simbuyo ng damdamin, at pandama.

Mahalaga ang emosyon sa buhay ng tao. Ang isang daigdig na walang emosyon o damdamin ay isang mundong walang buhay, init, sigla, at kulay.

Itinutulak tayo ng mga damdamin na makiramay sa mga kapus-palad, makidalamhati sa mga nawalan ng mahal sa buhay, at makipagdiwang sa mga tagumpay.

Dapat na matutunan natin ang tungkol sa mga emosyon. Kung wala ang iba’t ibang mga damdamin, ang mga tao ay magiging tulad lamang ng mga robot na gumagana nang walang emosyon.

Goleman & Salovey: Emotional Intelligence

Ang sikologo na si Peter Salovey mula sa Yale University ang unang nagpakilala ng emotional intelligence. Si Daniel Goleman naman ang nagpatanyag sa konseptong ito.

Ayon kay Goleman, ang talinong pang-emosyonal (emotional intelligence) ay tumutukoy sa kakayahang iganyak ang sarili at magpatuloy sa harapan ng mga kabiguan, kontrolin ang mga impulse at iantala ang gratipikasyon o kasiyahan, pamahalaan ang mga mood, at pigilan na makagambala ang bagabag sa kakayahang mag-isip, kilalanin ang emosyon ng iba (emphatize), at umasa (Goleman 1995).

Tinukoy naman ni Salovey ang limang (5) domain ng talinong pang-emosyonal:

(a) pag-alam sa sariling emosyon o pagkaalam sa sarili (self-awareness),

(b) pamamahala sa mga emosyon,

(c) pagganyak sa sarili (motivating oneself),

(d) pagkilala sa emosyon ng iba (tinatawag na empathy), at

(e) paghawak ng mga relasyon (handling relationships).

Robert Plutchik: Ang Gulong ng Emosyon

Binuo naman ng sikolohistang si Robert Plutchik ang tinatawag na gulong ng emosyon na makakatulong sa atin upang mas maunawaan ang iba’t ibang aspeto ng emosyon. Ipinapakita rin ng gulong ng emosyon ni Plutchik ang pagkakaiba-iba ng mga emosyon.

Ipinaliliwanag sa Gulong ng Emosyon ni Plutchik ang (a) intensidad ng mga emosyon (intensity of emotions) at (b) mga uri ng emosyon (types of emotion):

Ang intensity of emotions ay tumutugma sa antas kung paanong ang emosyon ay nakakaapekto sa pag-uugali ng isang tao. Ang tindi ng emosyon ay nag-iiba mula sa napaka-banayad hanggang sa napakatindi.

Mapapansin na itinuturo ng gulong ng emosyon na may mga pangunahing bipolar na mga emosyon:

(a) kagalakan laban sa kalungkutan;

(b) galit laban sa takot;

(c) tiwala laban sa pagkadisgusto; at

(d) pagkasorpresa laban sa pag-asa.

Ang mga pares ng salita tulad ng takot-sindak, lungkot-pighati, at galit-poot ay nagmumungkahi ng mga pagkakaiba sa kasidhian o intensity.

Tulad ng mga kulay sa spectrum, ang mga pangunahing damdamin ay maaaring ipahayag sa iba’t ibang intensidad at maaaring makihalo sa isa’t isa upang makagawa ng iba’t ibang mga emosyon.

Tungkol naman sa mga uri ng emosyon, mayroon lamang walong pangunahing emosyon batay na rin sa gulong ng emosyon:

(a) kagalakan,

(b) kalungkutan,

(c) takot,

(d) galit,

(e) pag-asa,

(f) pagkabigla (o pagkasorpresa),

(g) pagkadisgusto, at

(h) pagtitiwala.

Ayon kay Plutchik, ang bawat emosyon ay may kaukulang kasalungat. Narito ang mga panunahing emosyon at ang kanilang mga katapat:

KAGALAKAN: KALUNGKUTAN

TAKOT: GALIT

PAG-ASA: PAGKABIGLA

DISGUSTO: TIWALA

Mahirap bigyan ng isang malinaw at tiyak na kahulugan ang bawat uri ng damdamin. Mahirap din na magbigay ng malinaw na pagkakaiba sa dalawang uri ng emosyon. Ganunpaman, narito ang masasabi natin sa mga pangunahing uri ng emosyon:

Ang (1) kagalakan o joy ay tumutukoy sa pakiramdam ng pagiging masaya. Ito ay singkahulugan ng kasiyahan, kaluguran, at kaligayahan. Ang matinding mga anyo ay lubos na kaligayahan (ecstacy), elasyon (elation), at sobrang katuwaaan (euphoria).

Ang (2) kalungkutan o sadness naman ay ang pakiramdam ng pagiging malungkot, madilim (gloomy), o nalulumbay. Ang mga kasingkahulugan nito ay pighati, kalungkutan, pangungulila, at pamamanglaw.

Ang (3) takot (fear) ay ang pakiramdam ng pagkatakot, pagkabahala, o pagkabalisa. Ang mga kaugnay na salita ay sindak, pagkabagabag, gulat, at kilabot (matinding takot).

Ang (4) galit (anger) ay ang pakiramdam ng pagiging galit na galit (mad), pagkairita o pagkayamot. Ang isang mas matinding bersyon ay poot (rage) o matinding galit (fury).

Ang (5) pag-asa (anticipation) ay binubuo ng pagmimithi sa isang bagay na mabuti o positibo, na pinaniniwalaan ng isang tao na mangyayari. Ang kaugnay na salita ay ekspektasyon.

Ang (6) pagkabigla (surprise) ay ating nadarama kapag ang isang bagay na hindi natin inaasahan ay nangyayari. Maaari rin itong mangahulugan ng shock, amazement, at disbelief.

Ang (7) disgusto (disgust) ay pangkaraniwang nadarama kapag may mali, liko, o marumi. Ang mga kasingkahulugan nito ay pagkainis, pag-ayaw, pagkayamot, at rebolsiyon. Poot at pagkamuhi naman ang mas matitinding anyo nito.

Ang (8) tiwala (trust) ay isang positibong damdamin na nangangahulugan din ng kompidensiya (confidence) at paniniwala. Ang pagtanggap ay isang mahinang anyo nito samantalang ang paghanga ay isang mas matinding uri nito.

Sa gulong ng damdamin, kapag mas matindi ang kulay, mas matindi ang emosyon. Ganyundin, ang mga emosyon na mas malapit sa kalagitnaan ay siyang mga mas matinding mga emosyon. Ang pagkapoot o rage, halimbawa, ang pinakamatindi sa uri ng galit, samantalang ang pagkayamot (annoyance) ang pinakabanayad na anyo nito. Ang kasidhian ay nababawasan habang papalayo sa kalagitanaan.

Gaya ng iminungkahi din ng gulong ng emosyon ni Plutchik, ang mga iba’t ibang uri ng damdamin ng tao ay maaaring magkahalo at ito ay nagbubunga ng isa pang uri ng damdamin.

Kung gayon, ang ilang mga emosyon ay mahirap na tukuyin sapagkat sila ay wala sa payak na anyo kundi kumbinasyon ng dalawa o higit pang mga emosyon. (Basahin din: Ang Iba’t Ibang Uri ng Emosyon)

SA MGA MAG-AARAL: Maaaring ilagay ang inyong assignment/comment dito sa comment section ng Dyornal: Kahulugan, Halimbawa, at Kahalagahan para sa mga Kabataan

Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

Kaugnay:

Mga Positibo At Negatibong Emosyon At Kung Paano Ito Ipahinahahayag O Itinatago

Mga Paraan Upang Mapamahalaan Ang Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon

Ang Iba’t Ibang Uri ng Emosyon

Mga Positibo at Negatibong Emosyon

Mga Relasyon Ng Mga Tinedyer At Ang Mga Katanggap-Tanggap Na Pagpapahayag Ng Pagkagusto At Pagmamahal

Ang Sariling Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment

Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Sa Isang Relasyon

Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer

Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment

Ang Iba’t Ibang Papel Ng Bawat Indibidwal Sa Lipunan At Kung Paano Nila Naiimpluwensiyahan Ang Mga Tao Batay Sa Kanilang Pamumuno O Pagsunod

Ang Papel Ng Bawat Indibidwal Sa Lipunan At Kanilang Impluwensiya Batay Sa Kanilang Pamumuno O Pagsunod

Ang Looking Glass Self: Ang Pananaw ng Tao at Kung Paano Siya Nakikita ng Iba

Sa mga Mag-aaral: Ilagay rito ang komento: Mapanagutang Pagtugon sa Iba’t Ibang Emosyon ng Kapuwa