Efren Peñaflorida: Huwaran mula sa sektor ng mahihirap
© Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
6.2. Nakapagtatasa ng mga talentong may kapansanan at kapus-palad na maaaring maiambag sa lipunan
Sa sektor ng mahihirap (underprivileged sector), maaaring kumatawan si Efren Peñaflorida na naging tanyag dahil sa kaniyang “Kariton Klasrum,” kung saan, sa pamamagitan nito ay nagbigay siya ng edukasyon sa mga batang lansangan.
Tinatawag ding Kuya Ef, siya ay isang guro at social worker sa Pilipinas. Nang siya ay mag-aral, naranasan niya ang diskriminasyon. Naranasan niyang laitin at ma-bully dahil lamang sa pagiging mahirap, kung kaya ninais niya nuon na makaganti sa mga nam-bully sa kaniya. Gayunman, napagtanto niya na magagawa niyang baligtarin ang masamang karanasan para maging positibo.
Noong 2000, nagtapos siya nang may karangalan sa digring computer technology sa San Sebastian College-Recoletos de Cavite. Kumuha siya ng isa pang kurso sa Cavite State University, Cavite City campus, at nagtapos ng cum laude noong 2006 sa digring Secondary Education.
Siya ay nagmula sa isang mahirap na pamilya. Ang kaniyang pag-aaral sa elementarya at sekondarya ay pinondohan ng World Vision Philippines, samantalang ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo ay gingugulan ng Club 8586.
Bunga ng kaniyang kawang-gawa para sa mga mahihirap na batang Pilipino, siya ang naging kauna-unahang Filipino na nanomina at nagwagi ng CNN Heroes Award noong 2009. Nakakuha siya ng higit sa 2.75 milyong boto matapos ang pitong linggong botohan online sa CNN.com.
Dahil dito, iginawad kay Efren ng Pangulo ng Pilipinas nuon, Gloria Macapagal-Arroyo, ang ‘Order of Lakadula’ sa isang seremonya sa Palasyo ng Malacañan pagbalik niya sa Pilipinas. Nagkamit din siya ng 10 iba pang gawad bago ang kaniyang CNN Hero of the Year Award.
Nagbuhat si Efren sa salat na pamilya subalit nakagawa siya ng pangalan sa pamamagitan ng boluntaryong pagkakawang-gawa upang mabago ang buhay ng daan-daang kabataan sa Pilipinas.
Ang sabi niya: “You are the change that you dream as I am the change that I dream and collectively we are the change that this world needs to be” [Ikaw ang pagbabago na pinapangarap mo kung paanong ako ang pagbabago na aking pinangarap at sa pagsasama-sama, tayo ang pagbabago na kailangan ng mundong ito].” … ituloy ang pagbasa
Basahin: Efren Peñaflorida and His “Kariton Klasrum”
© Marissa G. Eugenio
Layunin sa Pampagkatuto:
6.2. Nakapagtatasa ng mga talentong may kapansanan at kapus-palad na maaaring maiambag sa lipunan
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage