Bumubuo sa Komunidad
Ang mga bumubuo ng komunidad tulad ng mga taong naninirahan rito, mga institusyon at iba pang mga istrukturang panlipunan ay mayroong mga tungkulin at gawain.
Ang mga gawain at tungkuling ito ay may kaugnayan sa tao sa isang komunidad at sa kaniyang sariling pamilya.
Ang Kaugnayan ng Tungkulin at Gawain ng mga Bumubuo ng Komunidad sa sarili at sariling pamilya
Ang mga tungkulin at gawain ng mga bumubuo ng komunidad, kung gayon, ay may kaugnayan sa tao at sa sarili niyang pamilya.
Ang mga gawain at tungkulin ng mga bumubuo ng komunidad (taong naninirahan, institusyon, at iba pang istrukturang panlipunan) ay may kaugnayan sa isang tao at sa pamilya nito. Ang mga ito ay nakatutulong upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao tulad ng pagkain, kalusugan, kaligtasan at iba pa.
Ginagawa nitong makapamuhay ang mga tao nang masaya, maayos at matiwasay. Higit sa lahat, ginagabayan ng mga ito ang pag-uugali ng tao upang maging maayos ang pakikipag-ugnayan niya sa kapwa kasapi sa komunidad.
Narito ang ilan sa mga tungkulin at Gawain ng mga bumubuo sa komunidad:
Mga taong naninirahan sa komunidad
May pananagutang igalang ang kapwa kasapi ng komunidad.
Pamilya
Magbigay ng pangangailangan (sapat na pagkain, tirahan at pananamit), pagmamahal at pag-aaruga sa bawat miyembro ng pamilya.
Paaralan
Ang mga guro sa paaralan ay may tungkuling magturo at magbigay ng kaalaman at edukasyon sa mga kabataan.
Tungkulin rin nitong hubugin ang mga kaisipan at palawigin ang kaalaman sa iba’t-ibang larangan o kasanayan upang maging mabuti at kapakipakinabang na miyembro ng komunidad.
Simbahan/Sambahan/atbp.
Tungkulin ng mga pari/pastor/ministro na magturo sa mga kaanib nito ng mga aral ng Diyos at pagtibayin ang kanilang pananalig.
Ospital/Health Center
Magkaloob ng libreng bakuna sa mga sanggol, health check up, libreng gamot at magsagawa ng mga health seminars.
Bahay Pamahalaan/Tanggapan ng Barangay
Tungkulin ng mga kapitan ng barangay at mga kagawad na gumawa ng mga tuntunin at batas at ipatupad ang mga ito upang maging payapa, tahimik at ligtas ang komunidad.
Palengke/Pamilihan
Ito ang nagsisilbing lugar kung saan makukuha ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, kasuotan at iba pa.
Pook Libangan/palaruan
Tungkuling nitong magbigay ng saya at libangan sa mga tao lalo na sa mga bata. Ito ay lugar na nagbibigay ng pagkakataon upang mabuo ang magagandang samahan ng mga tao sa komunidad. Madalas itong magsilbing lugar ng mga pagdiriwang at okasyon ng komunidad.
Ang iba pang istrukturang panlipunan ay nagsisilbing batayan ng pananaw, kilos at pag-uugali ng mga tao sa komunidad:
Kultura
Nag-iimpluwensiya sa pakikipag-ugnayan ng isang tao sa kapwa kasapi ng komunidad. Ito ay nagbibigay ng mga alituntunin kung paano kikilos ang isang tao ayon sa katayuan niya sa buhay.
Ito ay gabay kung ano ang inaasahang gampanin ng isang tao na kaugnay ng kaniyang katayuan.
Social Groups
Ito ay nagbibigay ng suporta sa kapwa kasapi sa komunidad at nagbibigay ng pakiramdam na ang isang tao ay kabilang o may ‘sense of belonging’ sa isang komunidad.
Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com