‘Bawat kilos ay may kahihinatnan’
© by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay ukol sa paksang “Ang Tao Bilang Malaya.” Ang konsepto ng kalayaan ay nakasaad sa Konstitusyon ng maraming estado. Ito ay palasak na ginagamit sa sa media at sa mga talumpati ng mga lider pampulitika.
Tradisyunal na inuunawa ang kalayaan bilang pagsasarili mula sa arbitraryong pasiya ng iba. Ang pagiging malaya ay kaibayo ng pagiging alipin. Ang isang alipin ay laging sumusunod sa kagustuhan ng iba. Ang malayang tao ay maaaring gawin ang nais niya hangga’t hindi niya nalalabag ang anomang batas o natatapakan ang kalayaan ng iba.
Ang ‘freedom’ o kalayaan ay isang estado ng pag-iisip; ito ay isang konseptong pilosopikal na tumutukoy sa taal na karapatang pantao na magawa ang kaniyang nais. Kung walang kalayaan, hindi maipakikita ng isang tao ang yaman ng kaniyang panloob na pagkatao at mga kakayahan.
Pagkilala na bawat kilos ay may kahihinatnan
Importanteng makilala na ang bawat kilos ay may kahihinatnan. Ang bawat tao ay binigyan at biniyayaan ng natural na kapasidad at abilidad. Pangunahin dito ang abilidad na malayang makapagpasya. May abilidad ang tao na maunawa, makilala, at pahalagahan ang katotohanan at ang kabutihan, at may kakayahan siyang makapamili mula sa mga opsiyon. Subalit may kahihinatnan o resulta ang bawat pagpili o pagpapasya.
Sinasalamin ng ginagawa ng isang tao kung sino siya bilang isang indibidwal. Kung ano ang ginagawa ng isang tao, yaon ang kaniyang magiging karakter. Ibig sabihin, nahuhubog ang karakter sa pamamagitan ng mga sariling desisyon at gawi.
Ang ating mga sinasabi, sinasalita, at ginagawa ay may kahihinatnan sa ating sarili at maging sa iba. Gaya ng maliliit na alon ng tubig sa batis, ang ating mga aksiyon ay lumalawak at nakakaapekto sa iba dahil ang lahat ay konektado. At dapat nating tandaan na ang ating mga aksiyon ay hindi na mababago. Kaya marapat na nag-iisip bago nagpapasya at gumagawa.
Sa murang edad ay ating natutunan na na ang aksiyon ay may kahihinatnan. Kapag “inasar” mo ang iyong kapatid, malamang na gumanti siya. Kapag nahuli ka ng gising, mahuhuli ka sa eskuwela. Ang mga ito ay nagtuturo ng mahahalagang leksiyon: ang ating mga pasiya at pagkilos ay nakakaapekto hindi lang sa ating sarili, at lahat ng ating aksiyon ay may kahihinatnan.
Karaniwang may magandang epekto o bunga ang mahusay na pagpili ay. Ang isang mabuting gawa ay nag-uudyok sa marami pang mabuting gawa. Maaaring hindi mo lang alam kung kailan ito mangyayari. May kahihinatnan ang mga aksiyon, ang iba ay hindi natin inaasahan. At hindi lang iisa ang apektado ng kahihinatnan na iyon. Naaapektuhan ng mga ito ang lahat sa paligid natin, sa mabuti man o sa masama. (© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 5.1 Nakikilala na ang bawat kilos ay may kahihinatnan (PPT11/12BT-IIa-5.1)
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog