Bahaging Ginagampanan Ng Kasarian (Gender Roles) Sa Iba’t Ibang Larangan At Institusyon

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:

Natataya ang bahaging ginagampanan ng kasarian (gender roles) sa iba’tbang larangan at institusyong panlipunan (trabaho, edukasyon, pamilya, pamahalaan, at relihiyon)

Gender Roles sa Iba’t-ibang larangan at Institusyong Panlipunan

Ang mga sumusunod ay ang mga ang bahaging ginagampanan ng kasarian (gender roles) sa iba’t ibang larangan at institusyong panlipunan:

1. Trabaho

Maraming mga trabaho ang gender-stereotyped. Ang paglaban sa sunog o firefighting ay itinuturing bilang trabaho ng lalaki, samantalang ang nursing ay itinuturing na trabaho ng mga kababaihan. Sa madaling salita, madalas iniuukol sa mga kababaihan ang mga trabahong itinuturing na magagaan, kabilang dito ang pagguguro, pananahi, pagluluto, pagdedentista, mga gawaing magagaan sa mga opisina, at iba pang mga hindi kakailanganing gumamit ng pisikal na lakas.

Pangkaraniwang para sa kalalakihan naman ang pagsasaka, pangingisda, pagsusundalo, pagpupulis, pagiging security guard, pagmemekaniko, pagiging karpintero, kargardor, at iba pa.

Sa larangan ng sining naman itinuturing na angkop mga gay gaya sa pagpapaganda (parlor), fashion design, film making, at iba.

Sa isang tanggapan, kapag ang lalaki ang nakikitang asertibo at responsibleng namamahala, madalas siyang pinupuri sa pagiging isang tunay na lider. Ngunit kapag ginawa ito ng mga babae, mas malamang na maituring siyang “bossy.”

Ganunpaman, ang dating mga hanapbuhay at propesyong nakatalaga lamang sa isang uri ng kasarian ay maaari nang gampanan ng ibang mga uri ng kasarian sa ngayon. Ang pagiging asertibo sa panig ng mga babae o homosexual na nangunguna sa isang organisasyon ay tanggap na rin ng marami.

2. Edukasyon

Karaniwan, ang mga babae ay mas mahusay sa paaralan sa elementarya.

Mula sa kindergarten hanggang ikalabindalawang baitang, ang mga babae ay sinasabing pangkaraniwang nakakakuha ng mas mataas na mga marka kaysa sa mga lalaki.

 Inihahayag ng mga pananaliksik na ang mga batang lalaki ay mas na natututo sa pisikal na paraan (actual exercises/activities), kaysa sa tradisyonal na pamamaraan (chalk and talk) kung saan inaasahan na mauupo ang mga mag-aaral at makikinig lamang sa guro.

Sa pagtungtong sa senior high school, may posibilidad silang pumili ng mga araling tradisyonal na nauugnay sa kanilang kasarian—matematika at agham para sa mga batang lalaki; panitikan at sining naman para sa mga batang babae.

Sa kolehiyo, ang mga kursong kinukuha ng bawat kasarian o gender ay ang itinuturing ng kultura na nakatalaga o naaayon sa mga ito.

Subalit, tulad ng sa ibang larangan, nagkaroon na ng pagbabago sa mga gampanin sa edukasyon. Ganunpaman, sa ngayon ay iniaalok na rin ang mga kursong “panlalaki” sa mga kababaihan at vice versa. Ang pagpipiloto at welding course ay maaari nang kuhanin ng ibang gender maliban sa kalalakihan.

Maging sa Philippine Military Academy ay nagtapos ang unang batch ng mga kababaihan noong 1995.

3. Pamilya

Sa pagiging magulang, ang mga ina ay gumugugol ng mas maraming oras sa pag-aalaga, at ang mga ama naman ay sa mga aktibidad sa paglilibang kasama ang kanilang mga anak.

Ang mga kababaihan ay namamahala sa mga gawain sa bahay, samantalang ang mga lalaki ang siyang kumikita.

Gayunpaman sa kasalukuyan, ang mga kababaihan (at mga anak) ay nagtatrabaho na rin upang madagdagan ang sahod ng maraming mga manggagawang lalaki.

Sa ilang “modernong pamilya” ay hindi na nga nasusunod ang tradisyunal na setup ng isang pamilya.

Sa ibang pamilya ay masusumpungan pa ang pagpapalit ng mga gampanin ng ama at ina—ang ama ang naiiwan sa tahanan upang sinupin ito at alagaan ang mga anak (house husband) habang ang mga ina naman ang lumalabas upang maghanapbuhay (career woman).

4. Pamahalaan

Sa gobyerno, ang pakikilahok ng mga kababaihan at kalalakihan sa pormal at di-pormal na mga istruktura sa paggawa ng desisyon ay nag-iiba-iba sa mga bansa, ngunit sa pangkalahatan ay pumapabor ito sa mga kalalakihan.

Ang pamumuno at pagpapasya ng kababaihan ay karaniwang limitado sa tradisyonal na “pambabae” tulad ng sa social welfare o sa edukasyon.

Ang mga kababaihan ay kinikilala bilang mas angkop para sa mga sekondaryang gampanin tulad ng pagiging tagasuporta ng kanilang mga asawang politiko, mga “diplomatic entertainer” para sa mga nasasakupan ng kanilang asawa, tagapagbigay ng kawanggawa, simbolo ng social welfare function, at ina at tagapag-alaga ng susunod na henerasyon ng kalalakihang pulitiko.

Ganunpaman, nagkaroon ng unti-unting pagtaas sa bilang ng mga kababaihang Pilipino na lumalahok sa politika sa Pilipinas, kapwa sa lokal at pambansang antas.

Dalawang kababaihan na ang naupo bilang Pangulo ng Pilipinas, sina Corazon Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo.

5. Relihiyon

Nakaugat sa pagtuturo ng Biblia, na siyang batayan ng Kristiyanismo, na ang mga kababaihan at kalalakihan ay kapwa nilikha sa imahe ng Diyos.

Ngunit ang iba’t ibang mga denominasyon ay may iba’t ibang pananaw sa gampanin ng mga kalalakihan at kababaihan sa pagsamba at pamumuno.

Si Jesus at ang mga apostol ay nanirahan sa isang lipunan na dominado ng lalaki at ipinakikita ito ng Bibliya. Sa I Timoteo 2:9-15 ay nakasulat:

“Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa. Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva, at hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya[a] sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.”

Sa Katolisismo, nananatiling pari ang namumuno sa simbahan bagaman ang mga kababaihan ay maaaring magmadre. Sa Iglesia Ni Cristo, mga kalalakihan ang maaaring maging ministro subalit may mga tungkuling maaaring gampanan ang mga kababaihan tulad ng pagiging diakonesa, mang-aawit, kalihim, at iba pa. Sa ilang relihiyon, pinapayagan ang mga kababaihang miyembro na maging tagapangaral … ituloy ang pagbasa

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

===
Para sa KOMENTO, gamitin ang comment section sa Gampanin sa Tahanan, Gawain sa Pamilya, at Mga Tungkulin ng Bawat Kasapi ng Pamilya