Ano ang Territorial at Border Conflicts?

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Isang seryosong isyung politikal ang mga suliraning may kinalaman sa teritoryo at hangganan (territorial dispute and border conflict) ng mga bansa. Ito ay tumutukoy sa pagtatalo ukol sa kung aling nation-state ang tunay na may-ari o dapat magkaroon ng kontrol sa isang bahagi ng lupa o karagatan sa mga dakong walang malinaw na pagtatakda ng mga hangganan.

Kapag hindi maayos na naresolba ang ganitong mga isyu, maaaring masira ang diplomatic relations sa pagitan ng mga bansa. Maaari rin itong humantong sa mga protesta, sigalot, paglalabanan, terorismo, at digmaan.

Mga Pandaigdigang Batas ukol sa Teritoryo

Maliban sa mamamayan, pamahalaan, at soberenya (kapangyarihan ng gobyerno), ang teritoryo ay isa sa mga elementong bumubuo sa isang estado. Ang teritoryo ay ang bahagi ng lupa, tubig, at himpapawid na nasasakop ng isang bansa o nation-state. Ang border naman ay tumutukoy sa hangganan ng sakop na teritoryo ng isang bansa. Marapat na kinikilala ng bawat soberenyang bansa ang teritoryo at border ng isa’t isa.

Ayon sa sa Montevideo Convention (1933), ang isang nation-state ay itinuturing na “persona” kaya dapat na may tiyak na teritoryo. Sa Artikulo 1 ng Montevideo Convention on Rights and Duty of States ay isinasaad na ang persona ay marapat magtaglay ng (a) permanenteng populasyon; (b) tiyak na teritoryo; (c) gobyerno; at (d) kapasidad na makipag-ugnayan sa ibang nation-states. Sa pandaigdigang batas, ang pagpasok sa teritoryo ng isang bansa nang walang permiso ay kawalang-galang sa karapatan nito bilang “persona.”

Ukol sa pagmamay-ari sa mga pook sa karagatan, ang dating prinsipyong ginagamit ukol sa pandaigdigang kasunduan ay ang freedom of the seas” concept. Nagpasimulang umiral noong ika-17 siglo, ito ay nagsasaad na ang teritoryong pantubig ng isang bansa ay limitado sa tatlong nautical miles mula sa coastline. Ito ay ibinatay sa cannon shot rule na mula sa Dutch jurist na si Cornelius van Bynkershoek.

Ang katubigan naman na lampas sa teritoryong pantubig ay kinikilalang international waters. Batay sa “mare liberum principle” ng isa pang Dutch jurist na si Hugo Grotius, sa international waters ay malaya ang sinoman na maglayag, mangisda, at magsaliksik.

Ang Law of the Sea Convention, o the Law of the Sea Treaty, na lalong kilala sa tawag na United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang humalili sa lumang prinsipyong ‘freedom of the seas.’Ang pandaigdigang kasunduang ito ay tinatawag na UNCLOS III dahil ito ay bunga ng ikatlong UN Conference on the Law of the Sea noong 1973 sa New York. Sinimulan itong ipatupad noong 1994 matapos pirmahan ng 120 bansa, kasama ang Pilipinas at Tsina.

Nilinaw sa kasunduan ang maraming aspeto gaya ng ukol sa territorial waters at exclusive economic zones (EEZs). Ang territorial waters ay hanggang 12 nautical miles (22 kilometro) mula sa baseline, kung saan, ang coastal state ang makapagtatakda ng mga batas at regulasyon ukol sa mga resources na nakapaloob dito.

Sa territorial waters ay binibigyan ang mga sasakyan ng right of innocent passage, ang malayang paglalakbay basta’t hindi nakagagambala at hindi nakapagdudulot ng banta sa seguridad ng daraanang bansa. Hindi kinikilalang innocent passage ang pangingisda, pagsasanay ng armas, pagtitiktik, at anomang gawaing lilikha ng polusyon. Ang mga dadaang underwater vehicles gaya ng submarine ay kinakailangang dumaan sa ibabaw ng dagat na ipinakikita ang kanilang bandila.

Ang exclusive economic zones (EEZs) ay tumutukoy sa buong katubigan sa loob ng 200 nautical miles mula sa pampang ng teritoryo ng isang bansa. Nilinaw ng UNCLOS III na sa lahat ng yamang dagat sa EEZ, ang coastal nation ang may sole exploitation rights. Sa EEZ ay may espesyal na karapatan ang nagmamay-aring bansa na tuklasin, linangin, at gamitin ang mga yamang marino, kasama na ang enerhiya sa tubig at hangin na sakop nito. (© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap sa search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Mga Dahilan Ng Mga Suliraning Teritoryal At Hangganan (Territorial And Border Conflicts)

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.

Read Also:
The Interesting Tales of the Jose Rizal Family
 by Jensen DG. Mañebog