Ano ang Prostitusyon, Pang-aabuso, at Panggagahasa?

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

Ang prostitusyon ay ang pagbibigay ng aliw sa pamamagitan ng gawaing seksuwal kapalit ng pera o iba pang pakinabang. Kadalasang ang mga nasasangkot sa ganitong iligal na gawain ay ang mga kababaihan, at may ilang mga menor de edad pa lamang.

Sa Pilipinas, ang prostitusyon ay iligal. Nagaganap ito hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa iba pang mga bansa kung saan kilala rin ito bilang commercial sex, at kaugnay ito ng tinatawag na human trafficking. Sa tinatawag na pagbebenta ng katawan sa Pilipinas, ang mga parokyano ay madalas na mga dayuhan.

May mga nightclub, beerhouse, cyberdens, at massage parlor na palihim na nag-aalok ng prostitusyon. Sa prostitusyon ay karaniwang may ‘bugaw’ o mga taong kumikita sa pag-aalok ng prostitute sa mga parokyano. Ang pambubugaw at ang transaksyon ay maaaring maganap gamit ang mga teknolohiya gaya ng internet.

Ang iba’t-ibang sektor ng lipunan sa Pilipinas, lalo na ang mga nagsusulong ng moralidad gaya ng mga relihiyon, ay kontra sa suhestiyong pagsasalegal ng prostitusyon. Ganunpaman, ito ay laganap at sinasabing isa sa mga problema ng bayan.

Ang pang-aabuso naman ay ang pagtrato sa sinoman nang may kalupitan o karahasan, lalo na kung regular o paulit-ulit. Nakapaloob sa pang-aabuso ang mga isyu ng domestic violence at panggagahasa (rape).

Ang domestic violence (karahasan sa tahanan) ay tumutukoy sa marahas o agresibong gawi sa loob ng tahanan, na karaniwang kinapapalooban ng pang-aabuso sa isang kasalukuyan o dating asawa, kinakasama, o anak. Anumang anyo ng pisikal o sekswal na pang-aabuso at emosyonal na pangungontrol o pagmamanipula ay maaaring ikategorya bilang karahasan sa tahanan.

Ang rape ay isang anyo ng sexual assault o panghahalay sa isang tao sa pamamagitan ng sapilitang pakikipagtalik, gamit ang pisikal na lakas, pamimilit, pananakot, o pangba-blackmail. Marami na ang kasong rape sa Pilipinas at ang isa sa mainit na paksang tinatalakay ukol dito ay kung ano ang dapat na maging akmang parusa sa mga rapist lalo na kapag ginawa sa menor de edad o may kapansanan.

Ang pang-aabuso ay malawak na konsepto at may iba’t ibang uri: pisikal, emosyonal, at sekswal. Ang panggagahasa ay isa lamang sa mga anyo ng pang-aabusong seksuwal na tumutukoy sa alinmang uri ng sekswal na gawain na ginagawa nang labag sa kalooban ng biktima. Tangi sa rape, maituturing din na sexual abuse ang harassment (kabilang dito ang catcalling), paninilip o pangbubuso, pagkuha ng litrato o video sa mga seksuwal na gawain, panghihipo, tangkang panggagahasa, penetrasyon sa maselang parte ng katawan (ari ng babae, rectum, o bibig), pagmomolestiya (lalo na sa bata), exhibitionism, at mga kauri nito. (© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)

Also Check Out:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog