Ano ang Gender and Sexuality?
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
Ang “sex” ay tumutukoy sa byolohikong pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babae, batay sa pagkakaiba-iba ng genitalia at genetiko. Ang “gender” ay mas mahirap bigyang kahulugan, ngunit karaniwan itong tumutukoy sa gampanin ng isang lalaki o babae sa lipunan, na gaya sa pariralang gender role. Ang gender ay maaaring tumukoy sa konsepto ng isang indibidwal sa kaniyang sarili, o gender identity.
Minsan, ang itinalagang sex ng genetika sa isang tao ay hindi kalinya ng kaniyang gender identity, gaya ng mga taong nagpapakilalang transgender, non-binary, o gender-nonconforming.
Ang Kaibahan ng Gender at Sex
Ang gender ay maaaring tumukoy sa panlipunan at pang-kulturang gampanin ng bawat sex sa loob ng isang lipunan. Hindi itinatalaga ng genetika, ang gender roles ay nabubuo bilang tugon sa kapaligiran ng mga tao, kabilang ang mga pakikipag-ugnayan sa pamilya, media, mga barkada, at edukasyon.
Nakapaloob sa konseptong gender ang mga gampanin (roles), pag-uugali (behaviors), at katangian (characteristics) na inaasahan sa isang indibidwal kaugnay ng kaniyang pagiging isang lalaki (male) o babae (female). Sinasabing ang gender ng isang tao ay impluwensiya ng kaniyang sariling pamilya, paaralan, pamahalaan, media, kinabibilangang relihiyon, at mga taong kaniyang nakakasalamuha.
Iba ang gender sa kasarian o sex na tumutukoy sa pisikal o bayolohikal na kaibahan ng lalaki at babae. Kung ang kasarian (sex) ay patungkol sa byolohikal na aspeto ng isang tao (male o female), ang gender naman ay isang kategoryang pangkultura. Magkaugnay ang gender at sex sapagkat ang gender ng isang tao ay karaniwang iniaangkop sa kaniyang kasarian (sex). Ganunpaman, ang gender ay hindi tumutukoy, at maaari pang hindi nakabatay, sa kung anong sexual o reproductive organs (pambabae o panlalaki) mayroon ang isang tao.
Kung gayon, ang sex ay tumutukoy sa mga byolohikal na katangian at ang “gender” ay tumutukoy sa iba’t-ibang mga pananaw o persepsyon ng indibidwal at lipunan sa sekswalidad at konsepto ukol sa pagkalalaki at pagkababae.
Ang sex ay karaniwang nauuri sa dalawa lamang (male at female), di tulad ng gender na hindi limitado sa dalawang kategorya lang. Sa katagalan ay dumarami pa nga ang uri nito batay sa sekswalidad o oryentasyong sekswal ng isang indibidwal.
Nagkaroon ng taguring LGBT, pagdaglat sa lesbian, gay, bisexual, at transgender, na sumasagisag sa komunidad ng mga kabilang sa ganong uri. Subalit dumating ang panahon na ito ay naging LGBTQ (ang Q ay tumutukoy sa “queer”), at nang lumaon ay naging LGBTQ+ pa.
Ang mga miyembro sa komunidad na ito ay nagsusulong ng mga karapatang pantao gaya ng ukol sa diskriminasyon sa kanila. Isinusulong din nila ang same-sex marriage at iba pang programa, at mga panukalang batas ukol sa sekswalidad at kasarian (gaya ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression [SOGIE] Equality Bill) Dahil sa mga ito, ang ukol sa gender ay isa sa maituturing na kontemporaryong isyu sa Pilipinas.
Ang Sexuality
Ang sekswalidad (sexuality) ay tungkol sa sekswal na damdamin, kaisipan, atraksyon at pag-uugali ng isang tao ukol sa kaniyang kapuwa. Sinasabing ang tao ay maaaring maakit sa mga kalalakihan o sa mga kababaihan, o sa kapwa kasarian. Ang sekswalidad ay maaaring magbago sa paglipas ng panahon.
Narito ang ilang uri ng sekswalidad:
1. Heterosexual
Karamihan sa mga tao ay naaakit sa kasalungat ng kanilang kasarian – mga batang lalaking gusto ang mga batang babae, at mga kadalagahang gusto ang mga kabinataan. Ang mga taong ito ay heterosexual o “straight.”
2. Homosexual
Ang ilang mga tao naman ay naaakit sa kaparehong kasarian. Ang mga taong ito ay homosexual.
Ang “lesbian” ay ang karaniwang katawagan para sa mga taong nagpapakilala bilang mga kababaihan na naaakit sa kaparehong kasarian. Ang “gay” ay ang pinakakaraniwang termino para sa mga taong nagpapakilala bilang mga kalalakihan na naaakit sa kaparehong kasarian.
3. Bisexual
Ang sekswalidad ay maaaring maging mas kumplikado kaysa sa pagiging straight o gay. Ang ilang mga tao ay naaakit kapuwa sa kalalakihan at kababaihan, at sila ay kilala bilang bisexual.
Mas gusto naman ng ilan na kilalanin bilang queer. Ang queer ay terminong sumasakop sa maraming konsepto at maaaring magamit ng sinuman sa spectrum ng LGBTQ. Nangangahulugan ito na ang isang tao ay hindi straight.
Ang iba naman ay gumagamit ng salitang “pan” o “pansexual,” upang ipakita na sila ay naaakit sa iba’t-ibang uri ng tao kahit na ano ang kasarian, pagkakakilanlan o ekspresyon.
4. Asexual
Ang isang taong nagpapakilala bilang asexual (“ace” pag pinaikli) ay isang taong hindi nakakaranas—o kung nakakaranas man ay kakaunti lamang—ng sekswal na atraksyon.
Ang asexuality ay hindi napipili, hindi tulad ng abstinensiya (kung saan pinipili ng isang tao na huwag makipagtalik sa sinuman, naaakit man siya rito o hindi). Ang asexuality ay isang sekswal na oryentasyon, tulad ng homosexuality o heterosexuality. (© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)
Also Check Out:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog