Ang Sistema ng Edukasyon sa Bansang Pilipinas
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYANG PAMPAGKATUTO:
1. Nasusuri ang sistema ng edukasyon sa bansa
Ang kasalukuyang umiiral na sistema ng pormal na edukasyon sa Pilipinas ay ang Kto12 Program, at pagkatapos ay ang pagkuha ng kurso sa kolehiyo. Ang Kto12 Program ng Pilipinas ay tumutukoy sa mandatory na kindergarten, anim na taon sa elementarya, at anim na taon sa mataas na paaralan (apat na taon sa junior high school at dalawang taon sa senior high school).
Ito ay nangangahulugan ng dagdag na dalawang taon sa dating 10-year basic education cycle sa bansa. Pagkatapos ng Grade 12 ay duon pa lamang maaaring makapagkolehiyo ang mga mag-aaral.
Ang kindergarten ay may kurikulum na naglalayong magbigay ng panimulang paglinang sa pisikal, intelektwal, at moral na aspeto ng mga batang mag-aaral. Inihahanda sila nito para sa elementary education.
Pagkatapos ng kindergarten ay ang pagpasok sa elementarya o mababang paaralan (Grade 1 hanggang Grade 6). Mag-aaral na nakapagtapos sa kindergarten na pangkaraniwang nasa anim o pitong taong gulang ang tinatanggap sa Grade 1. Ang elementarya ay paghahanda sa mag-aaral para sa mataas na paaralan o high school.
Ang high school o sekundaryong edukasyon ay mula Grade 7 hanggang Grade 12. Sa Grade 7 hanggang Grade 10 ay itinuturo ang mga karaniwang kaalaman at kasanayan bilang paghahanda sa kanila para sa mas mataas na antas ng pag-aaral gaya ng sa kolehiyo.
Sa senior high school (Grade 11 & 12) ay mayroong mga aralin na magsasanay sa mga estudyante para sa ilang hanapbuhay, craft, o trade. Ang dagdag dalawang taon ay preparasyon sa nais nilang tahakin na trabaho o kurso sa kolehiyo pagkatapos ng high school. Sila ay mamimili sa tatlong tracks: ang Academic; Technical-Vocational-Livelihood; at Sports and Arts. Sa Academic track ay may tatlong strand na pagpipilian: Business, Accountancy, Management (BAM); Humanities, Education, Social Sciences (HESS); at Science, Technology, Engineering, Mathematics (STEM).
Ang mga senior high school ay inaaasahan din na makakukuha ng mga sertipiko (Certificates of Competency o COCs) at National Certificates (o NCs) sang-ayon sa training regulation ng TESDA (Technical Education and Skills Development Authority).
Ang tersiyaryong edukasyon (higher education) pagkatapos ng high school ay hindi sapilitan o non-compulsory. Saklaw nito ang undergraduate o bachelor’s degrees, postgraduate (masteral at doctoral), at maging ang mga vocational courses and training na iniaalok sa mga nagtapos ng high school. Ang vocational courses ay mga praktikal na pagsasanay para sa mga tiyak na craft o trade.
Ang Kto12 Program ay ipinatupad sa Pilipinas sa layuning itaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Bukod dito, sa lumang 10-year basic education cycle ay hindi umano kinikilala o nire-recognize ng ibang bansa ang mga propesyunal na nagtapos sa ating bansa.
Pinasimulan nuong school year 2011-2012 ang pagkakaroon ng kindergarten sa mga pampublikong paaralan. School year 2012-2013 naman nang simulan ang implementasyon ng Kto12 curriculum sa Grade 1 (elementarya) at Grade 7 (ang unang taon sa junior high school; katumbas ng First Year High School sa dating programa).
Nagtapos ang unang batch ng senior high school nuong school year 2017-2018. Nuong school year 2018-2019 nagsimulang kumuha ng bachelor’s degree sa kolehiyo ang unang batch ng senior high school na dumaan sa Kto12 Program.
Kaugnay: Some Advantages of e-Learning
*Kung may nais hanapin na paksa o assigment (Tagalog man o English), i-search dito:
Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
Check Out: The Colorful Love Affairs of Dr. Jose Rizal by Jensen DG. Mañebog