Ang Sibiko, Pagkamamamayan, at Civic Engagement
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
Ang sibiko (civics) ay nagmula sa salitang Latin na civicus, na nangangahulugang “tungkol sa mamamayan.” Ito ay pag-aaral o panlipunang agham ukol sa mga karapatan, pribilehiyo, at tungkulin ng mga mamamayan.
Ang pagkamamamayan (citizenship) ay tumutukoy sa posisyon o katayuan ng pagiging mamamayan ng isang partikular na bansa at pagkakaroon ng mga tiyak karapatan dahil dito. Ito ay ang estado ng isang tao na kinikilala sa ilalim ng batas o custom bilang isang ligal na miyembro ng isang soberanong estado o bansa. Nakapaloob sa konsepto ng pagkamamamayan ang kakayahan ng mga indibidwal na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan sa harap ng awtoridad ng pamahalaan.
Ang civic engagement ay tumutukoy sa mga indibidwal at kolektibong aksyon ng mga mamamayan na nakadisenyo upang matukoy at matugunan ang mga isyung pampubliko. Ito ay may iba’t ibang anyo, mula sa indibidwal na pagboboluntaryo hanggang sa pakikisali sa mga samahan o hanggang sa pakikilahok sa eleksyon.
Ang civic engagement ay pagkilos upang makagawa ng kaibahan sa buhay sibiko ng ating mga pamayanan. Nililinang nito ang kaalaman, kasanayan, pagpapahalaga, at motibasyon ng mga mamamayan upang magamit sa kapakinabangan ng pamayanan. Nangangahulugan ito ng pagtataguyod ng kalidad ng buhay sa pamayanan, sa pamamagitan ng mga pulitikal at di-pulitikal na mga proseso.
Nauunawaan ng isang mabuti at responsableng mamamayan na siya ay bahagi ng malawak na lipunan at sa gayon ay itinuturing niya ang mga problemang panlipunan na pananagutan din niya. Tinitingnan ng gayong indibidwal ang moral at sibikong dimensiyon ng mga isyu upang makalikha ng mga moral at sibikong desisyon at umaksyon kung kinakailangan.
Kabilang sa pakikilahok sa mga gawaing pansibiko ang mga pagsisikap upang direktang matugunan ang isang isyu, makipagtulungan sa iba sa isang komunidad upang malutas ang isang suliranin o makipag-ugnayan sa mga demokratikong institusyon.
Saklaw nito ang malawak na hanay ng mga pormal at impormal na aktibidad tulad ng pagtulong sa feeding program, pakikilahok sa mga panggrupong aktibidad, at pagtatanim at paglilinis sa komunidad, paglilingkod sa asosasyon sa pamayanan, at pag-uulat sa mga nahalal na opisyal. Ang isang nakikilahok na mamamayan sa mga gawaing pansibiko ay mayroong kakayahan, pamamaraan, at oportunidad na gumawa para sa kapakanan ng komunidad.
*Kung may assignment o paksang hahanapin sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin (Tagalog man o English), i-search dito:
Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
Check out: Jose Rizal’s Collaborations with Other Heroes by Jensen DG. Mañebog