Ang Sariling Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment

Kasanayang Pampagkatuto:

Naipahahayag ang sariling paraan ng pagpapahayag ng atraksyon, pagmamahal at komitment

Ang atraksyon

Ang mga relasyon ng tinedyer ay maaaring magsimula sa atraksiyon o pagkaakit, umunlad sa pag-ibig, at, kung pahihintulutan ng iba’t ibang mga salik, ay magtatapos sa komitment.

Ano baa ng atraksiyon? Ang atraksiyon ay ang pagkakaroon ng pagkadama ng sikolohikal o pisikal na pakiramdam o pagnanasa (desire). Ang pagkaakit ay maaaring maging pasimula ng pag-ibig.

Halimbawa, ang mga taong malinis sa katawan, mahusay mag-ayos o pomustura, at presentable ay karaniwang nakakakuha ng higit na pansin sa mga tinedyer. Ang mga kabataan ay karaniwang naaakit sa pisikal na kagandahan.

Pangkaraniwan ding naaakit ang mga tao sa mga taong matalino, mabait, may magandang ugali, may sense of humor, palakaibigan, talentado, at masayahin. Ang nakikita naman ng iba ay ang pinagmulan ng pamilya, katanyagan, kayamanan, at lahi o etnisidad.

Gayundin, ang pagkakatulad sa mga interes, antas ng katalinuhan, kalagayan sa buhay, o pagkakaugnay sa relihiyon ay maaari ring magsilbing dahilan ng pagkaakit. Gayunpaman, ang ilan ay naaakit sa mga taong may mga personalidad na kabaligtaran ng taglay nila. Ang edad o tanda ay maaari rin namang maging dahilan ng atraksiyon.

Mga anyo ng atraksiyon

Talakayin natin ang ilang uri o anyo ng atraksiyon.

1. Ang tinatawag na ‘Crush’

Ang isa sa mga anyo ng atraksiyon ay ang tinatawag na (1) crush. Ang karaniwang batayan o dahilan ng crush ay ang mga katangian na itinuturing ng tao na maganda o gwapo, uliran, o kahanga-hanga.

Ang crush ay inilarawan ng autor na si E. Hurlock bilang “pag-ibig ng isang nagbibinata/nagdadalaga sa isang mas matandang miyembro ng katulad o di-katulad na kasarian” (Kapunan, 1971).

Kontra naman sa depinisyong ito, may mga nagsasabi na ang crush ay hindi pa “pag-ibig” at ang maaari namang maramdaman sa miyembro ng katulad na kasarian ay simpleng paghanga lamang at maaaring naipagkakamali lamang na crush.

Ang crush ay inilarawan pa ni E. Hurlock bilang isang “paglipat ng pagmamahal mula sa mga magulang tungo sa sinumang guro o isang mas matandang kaklase” (Kapunan, 1971). Ito diumano ang dahilan kung bakit sa pagbibinata/pagdadalaga, ang pagkakaroon ng crush sa mga mas matatandang indibidwal ay karaniwan.

May dalawang uri ng crush: ang (a) identity crush at (b) romantic crush.

Ang identity crush ay nabubuo kapag nakakahanap ang isang nagbibinata/ nagdadalaga ng isang tao na hinahangaan niya, nais na tularan, o nais na sundin bilang kanyang lider.

Ang romantic crush naman ay nabubuo kapag itinuturing ng isang nagbibinata/nagdadalaga ang isang tao bilang kaakit-akit at nakakaramdam siya ng pagnanais na makasama ito at gumugol ng maraming panahon na kasama ito.

Ang identity crush ay madalas na tumatagal dahil ginagamit ng humahanga ang kaniyang crush sa paghubog ng kanyang personalidad, mga pinahahalagahan (values), ideyal, at pag-unlad. Karamihan naman sa mga romantic crush ay panandalian lang dahil may posibilidad na mawala ang pagiging kaakit-akit (charm) ng hinahangaan. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng isang romantikong crush ay maaaring magbigay ng kamalayan sa isang tinedyer na siya ay may kakayahang magkaroon ng isang romantikong pag-ibig sa hinaharap.

2. Ang ‘hero worship’

Isa pang anyo ng pagkaakit ang hero worship. Bagamat malaki ang pagkakatulad nito sa crush, ito ay naiiba dahil sa kawalan nito ng personal na pakikipag-ugnayan sa taong hinahangaan.

Ang halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng tinatawag na “celebrity crush” o mga sikat na “idol” kung saan ang sentro ng atraksiyion ay hinahangaan mula sa malayo.

Ang atraksiyong ito ay maaaring magsilbing inspirasyon upang ang tao ay magsikap na magtagumpay. Gayunpaman, ang mga epekto nito sa humahanga ay maaaring maging negatibo o positibo, depende sa imahe ng isang hinahangaan.

Halimbawa, kung ang isang hinahangaan ay isang masamang impluwensiya o may masamang ugali, makasasama ito sa tagahanga o ‘hero worshipper.’

3. Ang ‘courtship’

Itinuturing na nasa ilalim pa rin ng atraksiyon ang ilang yugto ng courtship o pagliligawan. Nakapaloob dito ang pagkilala sa bawat isa na maaaring maging batayan para sa mga taong kasangkot kung dadalhin ba nila ang kanilang relasyon sa mas mataas na antas.

Isa sa mga yugto ng pagliligawan ang dating o pakikipag-deyt. Ito ay isang proseso at pagkakataon para makilala ang isa’t isa. Ang mga karaniwang gawain sa pakikipag-deyt ay ang pagkain sa labas, paglibot sa mall, at panonood ng mga pelikula o konsyerto.

Kabilang sa mga karaniwang pagpapahayag ng atraksiyon ay ang pagtingin o pagsulyap, pagngiti, pakikipag-usap, pagpapansin o pagkuha sa atensiyon ng hinahangaan, pagsulat ng mga liham, pagte-text o pagpapadala ng private message, pagbibigay ng mga regalo, paggawa ng mga pabor, at pagpapadala ng mga matamis na mensahe.

Ang atraksiyon, kung gagamitin nang tama, ay maaaring magsilbing inspirasyon upang mag-aral nang mabuti at mahusay na gampanan ang mga gawain.

Ang Pagmamahal: Ang Triangular Theory of Love ni Robert Sternberg

Ang pag-ibig ay mahirap bigyan ng saktong kahulugan. Ito ay isang napakakumplikadong konsepto na maaaring maranasan ng tao nasaan man siyang yugto ng buhay. Upang magkaroon ng pagkaunawa ukol sa pag-ibig, pag-aralan natin ang isang teorya tungkol dito.

Ayon sa “triangular theory of love” ng sikologong si Robert Sternberg, ang pag-ibig ay may tatlong sangkap: ang ‘intimacy’, ‘passion,’ at ‘commitment.’ Ang bunga ng kombinasyon ng mga sangkap na ito ay ang walong uri ng pag-ibig:

Sa tinatawag na (1) nonlove, wala ang tatlong sangkap ng pag-ibig. Ang halimbawa nito ay ang impormal na mga interaksiyon o pagiging magkakilala.

Sa (2) liking/ friendship (pagkakagusto/ pagkakaibigan) naman ay may intimacy o pagiging malapit ngunit walang passion at commitment.

Sa (3) infatuated love, mayroong karanasan ng marubdob na pananabik (passion) subalit ang pagpapalagayang loob (intimacy) at pangako (commitment) ay wala. Ang ganitong uri ng pagmamahal ay maaaring biglang maglaho.

Sa (4) empty love naman ay walang pagmamahal o simbuyo ng damdamin (passion) kundi pangako lamang, gaya ng kaso ng ‘fixed marriages.’ Gayunpaman, ang isang mag-asawa ay maaaring magsimula sa ‘empty love’ at lumago sa iba pang anyo ng pag-ibig.

Ang (5) romantic love ay may intimacy at simbuyo ng damdamin (passion). Mayroon ding pisikal at emosyonal na pagkakabukold subalit walang pangako (commitment).

Maituturing na mas malakas kaysa pagkakaibigan ang (6) companionate love dahil sa pagkakaroon ng pagpapalagayang loob (intimacy). Walang simbuyo ng damdamin (passion) ngunit umiiral ang pangmatagalang pangako (commitment). Ang ganitong uri ng pagmamahal ay makikita sa matatagal nang pag-aasawa at sa magkakapamilya.

Sa (7) fatuous love, may simbuyo ng damdamin (passion) na nagresulta sa pangako (commitment). Ngunit dahil nagkaroon ng isang apurahang desisyon na mangako, hindi nagkaroon ng pagkakataon para sa tunay na pagpapalagayang-loob (intimacy). Nasa ganitong uri ang tinatawag na ‘whirlwind romance and marriages.’

Ang perpekto at ideyal na anyo ng pagmamahal na nais ng bawat isa na makamit ay ang (8) consummate love. Ayon kay Sternberg, ang nagmamahalan na may ganitong uri ng pag-ibig ay hindi makakahanap ng kaligayahan mula sa iba mga tao bukod sa kani-kanilang kapareha. Ang ganitong relasyon ay kalimitang nagpapatuloy at nalalagpasan ang mga pagsubok.

Gayunpaman, ang ganitong uri ng pag-ibig ay mahirap makamit at mas mahirap sustinihan. Maaaring hindi ito magtagal, dahil ang simbuyo ng damdamin (passion) ay maaaring kumupas. Kung magkagayon, ito ay maaaring bumaba patungo sa tinatawag na ‘companiate love’.

Ayon naman kay Jensen DG. Mañebog, isang Filipinong propesor ng Pilosopiya, ang pag-ibig ay kombinasyon ng ipinagkakaloob (“what is given”) at ng pinipili (“what is chosen”).

Ayon sa kaniya, ang ipinagkakaloob sa tao ay ang damdaming nagmamahal (“the feeling”) at ang pinipili naman ay tumutukoy sa kaniyang mga ginagawa upang alagaan, payabungin, at palaguin ang gayong damdamin.

Ang ilang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig ay ang pakikipag-bonding, pagbibigay ng mga regalo at sorpresa, paggamit ng terms of endearment, pagbibigay ng papuri, pagbibigay ng moral support, pagtulong sa gawain ng isa’t isa, at pagbibigay kasiyahan sa minamahal.

Ang komitment

Ang komitment sa isang romantikong relasyon ay pangako, garantiya o pasya na manatili sa isa’t isa anoman ang maganap sa relasyon. Ukol ito sa desisyon na manatiling magkasama hanggang sa hinaharap anoman ang masagupa.

May tinatawag na tatlong dimensiyon ang komitment sa ‘intimate relationships.’

1. Ang komitment bilang isang atraksyon (the “want to” aspect)

Sa dimensiyong ito, nangangako ng komitment ang isang tao dahil sa naibibigay ng relasyon sa kanya. Ang relasyon ay maaaring nagdudulot sa kaniya ng kaligayahan.

2. Ang komitment bilang moral na obligasyon (the “ought to” aspect)

Tumutukoy ito sa pasyang manatili sa isang relasyon, kahit na hindi na ito nagbibigay ng kasiyahan, dahil sa ito ay isang sumpa o pananagutan. Sa maraming kultura, ang ikinasal ay natatalian ng moral na obligasyong magsama at iwasan na magkahiwalay.

3. Ang komitment bilang isang pagpigil (constraint) (the “have to” aspect)

Ito ay ang pasyang manatili sa isang relasyon o isang kasal dahil sa mga panganib at kapinsalaang ibubunga kung lalabas dito o makikipaghiwalay. Kabilang sa mga konsiderasyon ang ukol sa kapakanan ng mga anak, ikabubuhay, karera, at reputasyon o dangal.

Upang maingatan ang komitment, lalo na sa panig ng mag-asawa, ipinapayo na:

(a) gumugol ng quality time sa isa’t isa,

(b) umiwas sa mga tukso at sa anomang makasisira sa tiwala ng isa’t isa,

(c) gawing prayoridada o mahalagang bahagi ng buhay ang relasyon, at

(d) igalang ang kalooban ng Diyos ukol sa mag-asawa. (Basahin din: Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment)

© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

Kaugnay:

Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Sa Isang Relasyon

Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer

Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment

Ang Iba’t Ibang Papel Ng Bawat Indibidwal Sa Lipunan At Kung Paano Nila Naiimpluwensiyahan Ang Mga Tao Batay Sa Kanilang Pamumuno O Pagsunod

Ang Papel Ng Bawat Indibidwal Sa Lipunan At Kanilang Impluwensiya Batay Sa Kanilang Pamumuno O Pagsunod

Ang Looking Glass Self: Ang Pananaw ng Tao at Kung Paano Siya Nakikita ng Iba

Ang mga Ugnayan ng mga Pilipino (Pamilya, Paaralan, at Pamayanan)

Paggawa ng Sarbey Tungkol sa mga Ugnayan ng mga Pilipino: Isang Halimbawa

Ang Ating Pananaw At Kung Paano Tayo Nakikita Ng Iba

Ang Mga Istraktura ng Pamilya

Ang Uri ng Pagmamahal na Binibigay at Tinatanggap ng Isang Nagbibinata at Nagdadalaga

Ano ang Genogram? Paano ang Paggawa Nito?