Ang pagtanggap sa pagkakaiba at hindi pagpataw ng sarili
© by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio
Produkto tayo ng magkakaibang pagpapalaki sa atin at ng kani-kaniyang karanasan, kaya natural lamang na tayo ay may magkakaibang opinyon sa napakaraming isyu. Ang mundo ay magiging mapanglaw kung tayong lahat ay magkakatulad. Ang pagkakaiba ng mga tao sa buong mundo ang siyang dahilan kung bakit ito ay makulay at kamangha-manghang dako.
Tila napaliit ang mundo ng mas murang pamasahe sa eroplano at ng internet. Tayo ngayon ay madaling nakauugnay sa maraming etnisidad, relihiyon, lengguwahe, kultura, at sistema ng paniniwala. Para maging kumportable tayo sa ibang tao na nakakasalamuhan natin ay dapat muna tayong maging kumportable tungkol sa ating sarili. Nangangahulugan ito ng pagtanggap sa ating sarili kung ano tayo at pagtanggap sa iba kung ano sila.
Habang natututunan natin ang tungkol sa iba at nirerespeto natin ang ating mga pagkakatulad at pagkakaiba, lalo tayong natututo tungkol sa mundo at tungkol sa ating sarili at ito’y nakatutulong sa ating pag-unlad. Nagbubukas din ito ng pintuan ng maraming oportunidad, maging iyon man ay sa pakikipagkaibigan, bagong trabaho, posibilidad na makabiyahe sa ibang lugar, o mas malawak na pagkaunawa sa mundo kung saan tayo nananahan.
Nagkakamali ang iba sa pag-iisip na ang pagiging bukas sa pananaw at opinyon ng iba ay maaaring maging dahilan upang ang kanilang sariling opinyon ay ituring na walang halaga. Ito ay hindi totoo. Ang mahalaga ay bawat isa ay may karapatan sa kaniyang sariling pananaw o opinyon at dapat nating respetuhin ang karapatang iyon kahit pa hindi tayo sang-ayon sa pananaw ng iba.
Importante ang pagpaparaya (tolerance). At kahit nagpapaparaya, magagawa mo pa ring panatilihin ang iyong identidad at magkaroon ng makatwirang pananaw. Marami tayong maaaring gawin upang matanggap ang opinyon ng ibang tao at igalang ang ating mga pagkakaiba. Halimbawa, dapat nating tratuhin ang iba gaya ng nais nating maging pagtrato nila sa atin.
Mahalagang yakapin natin ang ating mga pagkakaiba, hindi ito dapat katakutan, at hindi natin dapat na husgahan ang isang tao batay lamang sa unang impresyon, na karaniwan ay nakabatay sa kung ano ang itsura niya. Ang paglalaan ng panahon para makilala ang panloob na katauhan ng ibang tao ay mas mabuti kaysa husgahan siya agad batay lamang sa kaanyuan.
Maaaring maging isang mabuting karanasan ang makilala ang isang tao na sa pakiwari natin ay iba sa atin. Totoo na kapag naghahanap tayo ng magiging kaibigan o nagsisimula ng isang relasyon ay madalas na tayo’y mamili ng mga taong inaakala natin na may kaparehong pananaw natin, subalit kapag nalimitahan tayo sa gayong isipan, maaaring mapalalampas natin ang maraming interesanteng karanasan.
Kung lahat ay magiging mapagparaya lamang sa iba at maglalaan ng oras para kilalanin ang iba na noong una’y hindi gaanong kakilala, tutungo ito sa mas payapa at mapang-unawang daigdig. Ukol sa pansariling pag-unlad, ang pagtanggap mo sa pagkakaiba ng ibang tao ay isang paraan din upang lalo mong matanggap ang iyong sarili.
Maging handa sa pakikinig. Maglaan ng oras para pakinggan ang opinyon ng iba at kilalanin sila at maging kumpiyansa na ilahad ang iyong sariling opinyon. Ang pakikinig sa opinyon ng iba ay hindi nangangahulugan na kailangan mong tumaliwas sa sarili mong tinitindigang pananaw, bagaman ang ibang opinyon ay maaaring makapagpaisip sa iyo tungkol sa mga bagay gamit ang ibang perspektibong natutunan mo sa iba.
Samakatuwid, maaari mong mapalawak o mapaunlad ang iyong pananaw sa pakikinig ng ibang opinyon. Mag-ingat lang na huwag mahulog sa mga mapandayang kaisipan. (© 2013-present by Jensen DG. Mañebog and Marissa G. Eugenio)
Ang lekturang ito sa Pambungad sa Pilosopiya ng Tao ay tumutugon sa sumusunod na Layunin sa Pampagkatuto:
– 6.1 Nakikilala na ang pakikipagkapwa-tao ay ang pagtanggap sa pagkakaiba ng kapwa at hindi pagpataw ng sarili. (PPT11/12BT-IIc-5.4)
SA MGA GURO: Maaaring ipabasa ang lekturang ito sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-share o pag-link nitong webpage
Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog