Ang Pagkakaroon Ng Disiplina At Kooperasyon Sa Pagitan Ng Mga Mamamayan At Pamahalaan Sa Panahon Ng Kalamidad

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Napahahalagahan ang pagkakaroon ng disiplina at kooperasyon sa pagitan ng mga mamamayan at pamahalaan sa panahon ng kalamidad

Mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina at kooperasyon sa pagitan ng mga mamamayan at pamahalaan sa panahon ng kalamidad. Maaaring makaiwas sa mga panganib ang mga tao kung magkakaroon ng disiplina at kung magiging responsable naman ang mga nasa pamahalaan.

Ang Halaga ng Disiplina at Kooperasyon ng mga Mamamayan at Pamahalaan sa Kalamidad

Kapag humaharap sa kalamidad at panganib, importante ang pagkakaroon ng kooperasyon ng pamahalaan at ng mga tao. May mga kaganapan na magpapatunay sa mga ito.

Kaugnay: Mga Natural na Kalamidad o Sakunang Madalas Maganap sa Sariling Komunidad

Covid 19

Mga buwan ng Marso at Abril ng 2020, nagpatupad ng enhanced community quarantine sa halos lahat ng dako sa Pilipinas at lockdown pa sa ilang piling lugar upang maiwasan ang pagkalat o paglala ng COVID-19. Nasubok ang disiplina ng maraming Pilipino.

Kahit na ipinatutupad ang lockdown, may mga nagkalat na tao na walang barangay permit to travel at di sinusunod ang window period ng paglabas na ipinatupad ng ilang bayan. Hindi rin sinunod ng iba ang pinatutupad na social distancing lalo na sa mga pampublikong sasakyan. Sinasabing mas kakaunti sana ang naapektuhan ng sakit kung naging disiplinado lamang ang lahat.

Ganunpaman, kapuri-puri ang mga frontliners na siyang nangangasiwa sa pagpapagaling sa mga biktima ng COVID-19, maging ang mga negosyante na ginawa ang kanilang bahagi, mga nasa delivery sector, mga responsableng opisyal ng pamahalaan, mga militar, mga volunteer, mga pribadong tao at mga organisasyon na nag-abot ng tulong sa iba’t ibang kaparaanan (gaya ng Iglesia Ni Cristo), at iba pa na nagbigay ng serbisyo sa bayan sa panahon ng krisis. Ipinakita ng mga ito ang kooperasyon na mahalaga sa panahon ng kalamidad.

Napatunayan sa kaso ng COVID 19 na ang kailangan sa panahon ng kalamidad ay disiplina at kooperasyon—hindi ang pamumulitika, pagpuna, paninira o pagpapalaganap ng kasinungalingan gamit ang social media.

Kumbaga sa nasa gitna ng isang digmaan, ang naging mabisang sandata ng mga tao ay ang disiplina, pakikipagkaisa, pagpapasakop, at bayanihan—hindi ang mga maling nakasanayan na palakasan, pagpapalusot, patigasan, pagkamakasarili, at pagpapairal ng baluktot na prinsipyo.

Bagyong Yolanda (Haiyan)

Noong Nobyembre 8, 2013, nanalasa ang super typhoon Yolanda o Haiyan sa Visayas.

Tinatayang mahigit sa anim na libong tao ang nasawi, karamihan ay ang mga nasa Tacloban at paligid nito.

Nagkulang umano sa kooperasyon at koordinasyon ang gobyerno at mga mamamayan. Hindi daw sapat ang pagpapaliwanag ng mga otoridad sa storm surge, na inakalang mga tao na isa lamang karaniwang ‘storm’ o bagyo. Sa kabilang banda, ang trahedya ay sinasabi ring dahil sa hindi agarang pagtalima ng mga tao sa bilin ng mga awtoridad ukol sa paglikas sa mas ligtas na lokasyon.

Salungat naman ang naganap sa Camotes Islands sa Cebu na zero casualty o wala ni isang nasawi nang nanalasa ang bagyong Yolanda. Ang maayos na ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng mga mamamayan at ng kanilang lokal na awtoridad ang naging dahilan ng kanilang pagkakaligtas. Daliang nakapagbabala ang lokal na gobyerno sa mga nasasakupan ukol sa paglilikas at ang mga mamamayan naman ay agad na sumunod. (© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com)

Kaugnay: Ang Mga Proyekto o Gawain ng Pamahalaan sa Kabutihan ng Lahat o Nakararami

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ano ang Climate Change?

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

TALAKAYAN

1. Alin sa mga mungkahing paghahanda para sa epidemya (gaya ng Dengue at Covid 19) ang sa tingin mo ay pinakamahalaga at bakit?

2. Anu-ano ang iba’t ibang uri ng kalamidad na nararanasan sa iyong komunidad at sa bansa? Magbigay ng halimbawa at talakayin.

3. Ano ang kaugnayan ng gawain at desisyon ng tao sa pagkakaroon ng mga kalamidad?

4. Talakayin ang mga paghahanda na nararapat gawin sa harap ng mga kalamidad.

5. Anu-ano ang mga ahensiya ng pamahalaan na responsable sa kaligtasan ng mamamayan sa panahon ng kalamidad? Ibigay ang kani-kaniyang gampanin sa panahon ng kalamidad.

6. Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng disiplina at kooperasyon sa pagitan ng mga mamamayan at pamahalaan sa panahon ng kalamidad? Magbigay ng halimbawa.

7. Ano ang maaari mong magawa para makatulong na mabawasan ang suliraning pangkapaligiran sa bansa? Magbigay ng ilang mga suhestiyon.

TAKDANG-ARALIN

E-Learning Assignment: Paghahanda sa susunod na aralin

a. Mag-online sa www.AlaminNatin.com. Sa pamamagitan ng search engine nito, hanapin ang blog na “Paano Makatutulong na Mabawasan Ang Paglala ng Climate Change.”

b. Basahin ang lektura.

c. Bukod sa binanggit na 10 mga paraan, ano ang maimumungkahi mong pamamaraan kung paano ka makatutulong na mabawasan ang paglala ng climate change?

d. Isulat ang iyong sagot sa comment section sa ibaba ng artikulo. Gumamit ng #ClimateChange #AssignmentKoPo

e. Mag-imbita ng tatlong kaibigan (mula sa ibang paaralan) na maglalagay ng makabuluhang komento sa iyong naka-post na sagot.

f. I-screen shot ang inyong naka-post na conversation thread, i-print, at ipasa sa iyong guro.

NOTE TO STUDENTS:
If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.

Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog