Ang Pag-Unawa sa mga Konsepto ng Pagpili ng Kurso at Pagtakda ng Layunin sa Pagpaplano ng Kurso, Trabaho o Bokasyon
Kasanayang Pampagkatuto
Naipaliliwanag nang masusi ang pag-unawa sa mga kosepto ng pagpili ng kurso at pagtakda ng layunin na makatutulong sa pagpaplano ng kurso, trabaho o bokasyon.
Pagpili ng Kurso at Pagtakda ng Layunin sa Buhay
Karaniwang tumutukoy ang mga layunin sa buhay (life goals) sa mga ambisyon, aspirasyon, misyon, at mga pangarap ng isang tao sa iba’t ibang aspeto ng kanyang buhay.
Ang pagtatamo ng mga layunin sa buhay ay maaaring magsimula sa pagtatakda ng layunin (goal setting).
Mahalaga sa pagtatakda ng layunin (goal setting) ang tinatawag na paghubog ng kurso (career development). Ito ay tumutukoy sa panghabang-buhay na proseso ng pamamahala sa pagkatuto, paggawa, paglilibang, at mga transisyon upang makarating sa isang personal na natukoy na pagbabagong nais makamit sa hinaharap.
Sa career development o paghubog ng kurso, ang isang indibidwal ay nakakagawa ng mga estratehiya upang matamo ang kanyang mga layunin sa karera. Kadalasan, ito ay kinapapalooban ng pagpili ng isang kurso, pagkuha ng edukasyon at pagsasanay, pag-aaplay para sa isang trabaho, at, kung kailangan, mga pagbabago ng karera o propesyon.
Kasama sa goal setting ang pagpili ng kurso na tatahakin gaya ng ie-enroll na college course. Kung nais halimbawa ng isang kabataan na maging inhenyero, mali na ang kunin niyang kurso ay AB Political Science.
Tandaan na sa Sistema ng edukasyon sa Pilipinas ngayon, maging sa Senior High School ay dapat nang pumili ng strand na angkop sa kukuning kurso.
Ayon sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog, makatutulong ang mga sumusunod sa pagtatakda ng mga layunin sa buhay:
(a) paglista ng pangunahing layunin na gusto mong makamit sa iyong buhay;
(b) paghahati-hati sa mas maliliit pang mga layunin;
(c) pagtatakda ng time frame para sa bawat maliit na layunin;
(d) pagkilala sa iba pang mga bagay na kinakailangan sa pag-abot sa mga layunin;
(e) paggawa ng isang plano kung paano makakamit ang mga layunin; at,
(f) pagsasagawa o pagsasakatuparan ng plano.
Ang ‘SMART Goals’
May mga nagmumungkahi ng ukol sa paggamit ng tinatawag na “SMART Goals.” Ang ganitong mga layunin ay nagtataglay ng mga sumusunod na katangian:
S—Specific (o Significant)
M—Measurable (o Meaningful)
A—Attainable (o Action-oriented)
R—Relevant (o Rewarding)
T—Time-bound (o Trackable)
Nakapaloob sa pagiging specific o tiyak ng mga layunin ang pagtukoy sa nais ng isang tao sa iba’t ibang aspeto ng kaniyang buhay.
Sa karera o kurso halimbawa, dapat tiyakin ang partikular na propesyon, trabaho, o bokasyon na nais, maging ang ranggo, katayuan, o posisyon na nais makamit. Sa pinansiyal ay dapat alam ang target na kita at kung kailan ito gustong makamit.
Sa larangan naman ng edukasyon, dapat matiyak ang kurso na nais kunin, ang mga partikular na kaalaman, kasanayan, o kakayahan na gustong makuha upang makamit ang mga layunin.
Kung ang pag-uusapan ay civil status, dapat tiyakin kung mayroong pangarap na mag-asawa at magkaanak balang araw, at kung paano magiging isang mabuting asawa at magulang.
Ukol sa pisikal na anyo, dapat siguruhin sa sarili kung nais magkamit at mapanatili ang mabuting kalusugan at magandang katawan, maging ang mga hakbang na gagawin upang makamit ang mga ito.
Para naman sa kasiyahan, dapat tiyakin ang mga bagay na magdudulot ng kasiyahan (hal. pagbiyahe sa magagandang lugar) at kung makakayanan ba ng magiging sahod o income na matugunan ito. Sa pagkakawanggawa, dapat matiyak kung anong pampublikong serbisyo ang nais gawin sa hinaharap at kung paano ito maisasagawa.
Ang Pagtatakda ng Layunin sa Buhay
Tunay na mahalaga ang pagtukoy ng mga layunin sa buhay ng isang tao dahil ito ay maaaring maging gabay o direksyon sa kung ano ang nais niya na mangyari sa kanyang buhay. Ang mga layunin ay tumutulong upang magugol ng tao ang kaniyang buong buhay nang may katalinuhan at may saysay.
Ang mga pangarap ay nagbibigay sa mga tao ng kapurihan kapag nakamit ang mga ito.
Samakatuwid, ang pagtatakda ng layunin ay tumutulong sa mga tao upang magkaroon ng pokus tungo sa ambisyon at maiwasan ang mga pagkagambala. Kapag maliwanag sa isang tao ang kaniyang mga layunin sa buhay o life goals, magagawa niyang makabalik sa tamang landas sa mga pagkakataong naliligaw siya.
Karamihan sa mga nagtagumpay na makamit ang kanilang mga layunin ay ang mga taong maaga pa ay pinili ang tamang mga layunin para sa kanila.
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho o Bokasyon
Ang Sariling Personalidad at mga Personal na Salik na may Kinalaman sa Personal na Layunin sa Buhay
‘Ang Aking Bucket List’: Isang Aktibidad
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho at Bokasyon: Isang Aktibidad
Mga Panlabas na Salik na Nakaiimpluwensiya sa Pagpili ng Kurso
Ang Mga Nakaayon at Di-Nakaayong Kursong Pagpipilian
Paggawa ng plano tungkol sa kursong nais at Ang Pagpaplano ukol sa Karera (Career Planning)
Mga Salik sa Personal na Pag-Unlad na Mahalaga sa Pagpili ng Kurso
Sariling Pananaw sa Halaga ng Personal na Pag-Unlad sa Pagpapasya ukol sa Kurso
“Ang Aking Plano Para sa Kursong Nais”: Ilang Aktibidad
‘Ang aking Malikhaing Paglalarawan ng Personal na Pag-unlad’: Isang Aktibidad
Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad
Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad: Creative Visualization