Ang Mga Suliraning Pangkapaligiran Na Nararanasan Sa Sariling Pamayanan
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Natutukoy ang mga suliraning pangkapaligiran na nararanasan sa sariling pamayanan
Mahalagang natutukoy ng bawat mamamayan ang mga suliraning pangkapaligiran na nararanasan sa kaniyang sariling pamayanan. Makatutulong ito nang malaki sa pamamalaging handa upang makaiwas sa mga pinsalang dulot ng mga panganib at kalamidad.
Pagtukoy sa mga Suliraning Pangkapaligiran sa Pamayanan
Marami sa mga suliraning pangkapaligiran sa sariling pamayanan ang resulta ng mga hindi tamang gawain ng mga tao sa kani-kanilang lugar.
Kaya ang isang paraan upang matukoy ang mga suliraning pangkapaligiran na nararanasan sa sariling pamayanan ay ang tuklasin ang mga kapabayaan o hindi makakalikasang aktibidad ng mga tao na nagaganap sa pamayanang kinaruruonan gaya ng bayan, barangay, baryo, village o subdivision.
Narito ang ilan sa mga suliraning pangkapaligiran na nararanasan ng mga Pilipino sa sariling pamayanan:
Waste management at polusyon
Sa pollution index ng Numbeo.com., halos taun-taon na lamang ay kasama ang Maynila sa top 10 sa itinuturing na pinakamaruming siyudad sa mundo. Kabilang naman sa top 100 ang Makati, Quezon City, Cebu, Baguio, at Davao.
Mataas ang lebel ng polusyon sa mga urban na dako gaya ng mga siyudad dahil na rin sa malaki at mabilis pang nadaragdagan ang kanilang populasyon at marami ang nalilikhang basura mula sa mga pabrika at iba pang commercial establishments. Samakatuwid, hamon sa mga pamayanang ito ang ukol sa waste management o maayos, sistematiko, at episyenteng proseso ng pag-aasikaso sa mga basura.
Suliranin ang polusyon sa hangin sa mga pamayanan kung saan ay marami ang mga pabrika, marami ang naninigarilyo, at dinaraaanan ng maraming mga sasakyang nagbubuga ng usok. Sinasabing ang mga sasakyang diesel ang pangunahing pinagmumulan ng polusyon ng hangin. Batay sa pag-aaral ng World Health Organization, ang hangin sa Maynila, Baguio, Cebu, at Davao ang pinakamarumi sa Pilipinas.
Ang polusyon sa lupa ay panganib din sa mga komunidad na ang mga sakahan ay ginagamitan ng labis na pamatay insekto, pestidyo, at mga di-organikong pataba; gayundin ang mga pamayanang pinagtatapunan ng mga basura (dump sites), lalo na kung galing sa mga hospital at pabrika.
Panganib ng polusyon sa tubig naman ang kinakaharap ng mga komunidad na malapit sa mga tubigan (tulad ng dagat, ilog, sapa, at lawa) na pinagtatapunan ng mga dumi at kalat. Ganito rin ang suliraning pangkapaligiran ng mga informal settler sa tabi ng tubigan na walang maayos na waste management at palikuran.
Ayon sa ulat nuong 2015 ng Ocean Conservancy at maging ng McKinsey Center for Business and Environment, aabot sa 60 porsiyento ng plastic waste na napupunta sa anyong-tubig sa mundo ang nagmumula sa limang bansa sa Asya, kasama ang Pilipinas.
Pagbaha, flashflood, at deporestasyon
Para sa mga pamayanang naiipunan ng tubig dulot ng pagbabara ng mga basura sa mga daluyan nito, pagbaha ang karaniwang kinakaharap na suliranin. Binabaha rin ang mga komunidad na likas na mabababa gaya ng nasa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela).
Iba-iba naman ang dahilan kung bakit lagi ring binabaha kapag umuulan ang Maynila, Pateros, Pasay, Makati, Parañaque, Mandaluyong, Taguig, Las Piñas, at ilang dako sa Quezon City. Madalas ding bahain ang maraming dako sa mga lalawigan ng ng Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Cavite, Kalinga, Abra, Ifugao, Surigao del Sur at del Norte, at Agusan del Sur at del Norte.
Ang Pilipinas ay bansang madalas ulanin, lalo na at ito ay madalas daanan ng mga bagyo na may dalang malalakas na pag-ulan. Kaya sa maraming pamayanan sa bansa, ang problema ay hindi lang ang pagbaha kundi maging ang napipintong flashfloods at landslide.
Ang deporetasyon ay kaugnay ng pagbaha, flashflood, at landslide sapagkat ang mga pinuputol na mga puno ay nakatutulong sa pagsipsip ng tubig at pagkontrol sa lupa upang huwag gumuho. Ang deporestasyon, kung gayon, ay ugat ng mga suliranin sa mga komunidad sa mga kabundukan o kagubatang mayroong malawak na logging.
Ang deporetasyon ay sinasabi ring sanhi ng pagdagsa ng mga daga sa pamayanan. Nang maranasan ng maraming bayan sa Samar ang malawakang pagdagsa ng mga daga, isinisi ito sa pagkakalbo sa kagubatan sa rehiyon. Ang pagkawala ng kagubatan ay nagdulot ng pagkawala ng mga hayop na sumisila sa mga daga. Lumipat ang mga daga sa kabahayan ng mga tao upang humanap ng makakain nang makalbo ang mga kagubatan.
Mining, quarrying, at landslide
Ang mining at quarrying ay sinasabing nagdudulot ng landslide sa ilang pamayanan. Higit 30 ang namatay at daan-daan ang hindi na nakita sa isang matinding pagguho ng lupa na naganap noong Enero 2012 sa Pantukan, Mindanao, isang bayan na umaasa sa pagmimina.
Sa panahon naman ng Bagyong Ompong nuong Setyembre 2018, gumuho rin ang bundok na minimina sa Itogon, Benguet na ikinamatay ng 50 katao. Natabunan ang mga bahay ng mga minero sa ibaba ng bundok habang nasa loob ang mga ito kasama ang kani-kaniyang pamilya. Illegal mining ang itinuturong salarin.
Ilang araw matapos ang trahedya sa Itogon, gumuho rin ang bundok sa Naga City, Cebu at natabunan ang mga bahay sa paanan nito. Mahigit 70 ang namatay at marami rin ang hindi na nakita. Quarrying naman ang sinasabing sanhi ng trahedyang ito. Ganunpaman, hindi maipatigil nang lubusan ang quarrying sa bansa sapagkat maaring magmahal ang construction supply gaya ng semento at mga graba.
*Kung may paksa na gusto mong hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pa (hal. climate change, political dynasty, etc.), i-search dito:
Copyright © Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Mga Hakbang Ng Pamahalaan Sa Pagharap Sa Mga Sulliraning Pangkapaligiran Sa Sariling Pamayanan
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
NOTE TO STUDENTS:
If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.
Also Check Out: Why I Am Not an Evolutionist