Ang Mga Sariling Kahinaan at Ang Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)
Kasanayang Pampagkatuto:
Natutukoy ang mga sariling kahinaan.
Ang mga sariling kahinaan
Bahagi ng “sariling kahinaan,” lalo na ng mga kabataan, ang ukol sa potensiyal na paglahok sa mga mapanganib na aktibidad at sa inklinasyon na magkaroon ng ilang mga mental na karamdaman gaya ng depresyon.
Kasama sa pagbibinata/pagdadalaga ang mga pagbabagong sikolohikal at homornal sa katawan. Dagdag pa rito ang mga hindi pangkaraniwang hamon at nakababahalang ekspektasyon ng mga mga taong nakapaligid sa kanila.
Ang mga ito ay ilan ito sa mga dahilan kung bakit maraming mga nagbibinata/nagdadalaga ang madaling kapitan ng mga problema sa kalusugan ng isip.
Salik din ang mga ito kung bakit maraming mga tinedyer ang madaling maimpluwensiyahang makilahok sa mga peligrosong gawain.
Ang mga aktibidad na ito gaya ng pagdodroga, paninigarilyo, at pag-inom ng mga inuming nakalalasing ay maaari ring magpalitaw ng mga psychiatric disorders at iba pang karamdamang mental.
Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)
Importatnte na ang mga tinedyer ay magkaroon ng kamalayan ukol sa mga problema sa kalusugan ng isip na maaaring ninyong maranasan.
Mahalaga rin na malaman ang ilang paraan upang maiwasan ang ilang mga sakit sa isip at mapanatili ang kalusugan ng isip at ang kagalingan.
Totoo na ang problema sa kalusugan ng isip o disorder ay maaaring makagambala sa normal na buhay ng mga tao—sa pag-aaral, paghahanapbuhay, at pakikitungo sa ibang mga tao.
Subalit kung maaga pa ay malalaman na na ang isang indibidwal ay dumaranas ng problema sa kalusugan ng isip, magagamot ito sa lalong madaling panahon at maiiwasan ang mga karagdagang komplikasyon.
Ang pagkakaraoon ng mga sakit sa isip ay maaaring dahil sa mga sumusunod na salik:
(a) biyolohikal na salik, tulad ng mga gene o kimika ng utak (brain chemistry);
(b) mga karanasan sa buhay, tulad ng trauma o pang-aabuso; at,
(c) kasaysayan ng pamilya ukol sa mga problema sa kalusugan ng isip.
Ayon sa isang pag-aaral, isa sa limang nagbibinata/nagdadalaga ay may mga sintomas ng mga problema sa kalusugan ng isip (Knopf, 2008).
Karaniwang sakit sa isip sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga
Ang mga karaniwang sakit sa isip sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga ay ang mga sumusunod. Ito ay hango sa aklat ni Jens Micah De Guzman:
1. Mga karamdaman sa pagkain (eating disorders)
Ang isang halimbawa ng disorder sa pagkain ay ang anorexia na tumutukoy sa mga pagbabago sa mga gawi sa pagkain na kinapapalooban ng kapansin-pansing pag-iwas sa pagkain. Ang isa pang eating disorder ay ang bulimia, isang sakit na may kinalaman sa sapilitang pagsusuka pagkatapos kumain.
Dahil sa ang mga kabataan ay karaniwang conscious sa kanilang hitsura at imahe, naobserbahan na marami sa kanila ang may eating disorder.
Ang labis na pagiging sensitibo sa pigura ng katawan ng isang tao ay maaaring magresulta sa hindi tamang pagbaba ng timbang.
2. Mga pagkabalisa (anxiety disorders)
May mga mekanismo ang utak na nakalaan upang maprotektahan ang isang indibidwal mula sa pinsala. Subalit kapag nagkaroon ng abnormalidad sa mga ito, nagkakaroon ng problema sa kalusugan ng isip na tinatawag na anxiety disorders.
Ang mga halimbawa nito ay ang phobias, post-traumatic disorder (PTSD), panic disorder, at obsessive compulsive disorder (OCD).
Ayon sa mga pag-aaral, tinatayang 10 porsiyento ng mga nagbibinata/nagdadalaga ay nagtataglay ng mga sakit sa pagkabalisa, at ang OCD ang pinakakaraniwan sa mga ito (Murphey, 2013).
3. Depresyon
Kabilang sa mga sintomas ng depresyon ang labis na pagkamasumpungin (excessive moodiness), pagtangis, pagbabago sa mga gawin o habit ukol sa pagkain at pagtulog, kawalan ng pag-asa, pakiramdam na siya’y kawalang kabuluhan, at pagnanais na saktan ang sarili.
Ang mas malala, ang ibang nade-depress ay nagnanais magpatiwakal.
Ayon sa isang pag-aaral, ang depresyon ang pinaka-madalas na sakit na may kaugnayan sa mental na kalusugan sa mga kabataan (Knopf, 2008).
Isa sa apat na estudyante sa mataas na paaralan ang sinasabing nagpapakita ng mga menor na sintomas ng depresyon (Murphey, 2013).
4. Developmental disorders
Kabilang sa developmental disorders ang autism, attention-deficit / hyperactivity disorder (ADHD), at learning disorder.
Ang mga ito ay tumutukoy sa mga problema o karamdaman ukol sa pag-unlad ng utak o brain development.
5. Mga Karamdaman sa Pag-uugali
Kabilang sa tinatawag na behavioral disorder ang oppositional defiant disorder at conduct disorder. Ang mga ito ay tumutukoy sa mga depekto sa inaasahang pag-uugali ng mga indibidwal.
Ito ay karaniwan sa mga nagbibinata/nagdadalaga na tila kunukwestiyon ang mga tuntunin sa mga institusyon kung kaya’t kinakikitaan ng hindi pagsunod.
6. Psychotic disorder
Ang mga sakit sa isip na nasa ganitong uri ay masasabing malubha. Ang schizophrenia at delusional disorder ay nasa ilalim ng kategoryang ito.
Ang mga sakit sa isip na ito ay mga abnormalidad o interapsiyon ukol sa pag-iisip, pang-unawa, at pag-uugali.
Copyright © by Vergie M. Eusebio & Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Mind Map Tungkol Sa Mga Paraan Upang Magkaroon Ng Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan
Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon Na Maaaring Makatulong Sa Pagpapamalas Ng Mga Nararamdaman
Mga Positibo At Negatibong Emosyon At Kung Paano Ito Ipahinahahayag O Itinatago
Mga Paraan Upang Mapamahalaan Ang Iba’t Ibang Uri Ng Emosyon
Ang Iba’t Ibang Uri ng Emosyon
Mga Positibo at Negatibong Emosyon
Ang Sariling Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Sa Isang Relasyon
Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer
Paraan ng Pagpapahayag ng Atraksyon, Pagmamahal at Komitment
Ang Looking Glass Self: Ang Pananaw ng Tao at Kung Paano Siya Nakikita ng Iba
====
Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa Papel ng Espirituwalidad sa Pakikipagkapuwa at Mga Kilos ng Pagdamay sa Pagdurusa ng Kapuwa