Ang Mga Pinagmumulan Ng Mga Alalahanin At Ang Mga Epekto Nito Sa Buhay Ng Tao
Kasanayang Pampagkatuto:
Natutukoy ang mga pinagmumulan ng mga alalahanin at nailalarawan ang mga epekto nito sa buhay ng tao
Ang mga pinagmumulan ng mga alalahanin
Ang pagkabigo sa pangangasiwa ng stress ay maaaring humantong sa mga problema sa kalusugan ng isip, tulad ng pagkabalisa at depresyon.
Ang stress ay maaaring maging isang isyu sa kalusugan lalo na para sa mga nagbibinata/ nagdadalagang tulad mo na sumasailalim sa maraming pagbabago.
Samakatuwid, napakahalaga na malaman mo ang iba’t ibang mga stressors at ang ang mga pinagmumulan nila.
Tinatawag na “stressor” ang mga sanhi ng stress. May mga bagay, kaganapan, sitwasyon, o mga saloobin na maituturing na stressor o nagdudulot ng stress.
Narito ang mga karaniwang stressor sa mga buhay ng nagbibinata o nagdadalaga mula sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog:
Ang (1) presyur ng barkada o yaong natatangggap ng isang nagbibinata/nagdadalaga mula sa kanyang mga kaibigan o ibang mga tinedyer ay kabilang sa mga sosyal presyur.
Maaari itong magsilbing stressor lalo na kung may nakapaloob na pananakot o panliligalig ng mga kapwa kabataan.
Sa ilang pagkakataon, kabilang dito ang presyur na manigarilyo, uminom ng alak o anomang nakalalasing, magdroga, lumiban sa mga klase upang maglakwatsa o maglaro ng computer games, o mapaloob sa mga sekswal na aktibidad.
Dapat na magpakatalino ang isang kabataan na huwag magpadala sa ganitong presyur. Kung iyong nanaisin, maraming paraan upang makaiwas ka rito.
Ang (2) pamilya o tahanan ay maaari riong maging sanhi ng stress. Ang di pagkakaunawaan ng mga magulang, pag-aaway ng magkakapatid, at ang obligasyon na alagaan ang mga nakababatang kapatid ay nakapagdudulot din ng stress.
Ang mga pagbabago sa sitwasyon ng pamilya, tulad ng diborsiyo o paghihiwalay ng mga magulang, ay karaniwang nagreresulta sa mga bagong kaayusan sa pamumuhay at iba pang mga nakakaistress na kondisyon.
Ilang halimbawa nito ay ang kinakailangang pagsasaayos sa bagong tirahan at paaralan, pagkakaroon ng pinaghalo o blended na pamilya, kawalan ng privacy, atbp.
Bagamat ang mga isyu sa pamilya ay maaaring magdulot ng stress, ang isang matalinong kabataan ay hindi papayag na masira ang buhay dahil dito.
Bagkus ay hamon ito upang lalo niyang pag-igihin ang kaniyang buhay upang hindi ito mangyari sa kaniyang pamilya sa hinaharap.
Mayroon ding tinatawag na (3)akademiko at ekstrakurikular na presyur sa paaralan. Ang pagnanais na pumasa sa mga asignatura ay may kaakibat na mga sakripisyo.
Kabilang dito ang palagiang pagpasok sa mga klase, pagrerepaso, pagsasaliksik, paghabol sa mga deadlines, at pagsali sa mga ekstrakurikular na aktibidad na nakalilikha ng stress at presyur.
Dagdag pa rito ang mga paghahanda para sa talakayan o recitation at mga pagsusulit, paglikha ng mga proyekto, at mga takdang-aralin.
Gayunpaman, ang mga stress na ito ay karaniwang nakatutulong at kinakailangan.
Isa ring stressor ang (4) romantikong relasyon.
Ang hindi pagkakaroon ng kasintahan at maging ang pagkakaroon nito ay parehong nagbubunga ng stress sa mga tinedyer. Ang mga taong walang boyfriend o girlfriend ay nakakaramdam ng tila kakulangan.
Sa kabilang banda, ang mga nasa relasyon naman ay nakararanas ng mga tampuhan, hindi pagkakasundo, pagtatalo, “away-bati,” at iba pang mga komplikasyon na dulot ng relasyon.
Bagamat ang romantikong mga relasyon ay karaniwang sumisibol at namumulaklak sa panahon ng pagbibinata/ pagdadalaga, hindi ito ang marapat na gawing prayoridad sa yugtong ito.
Ang magkasintahan ay dapat ding mag-ingat sa mga gawaing pagsisisihan sa bandang huli.
Ang ukol sa (5) hinaharap o kapalaran ay maaari ring ugat ng stress. Ang hindi pagkaalam sa kung ano talaga ang gusto sa hinaharap ay maaaring maka-stress sa kabataan.
Mayroon namang iba na malinaw sa kanila kung ano ang gusto nila sa hinaharap gayunman ay nag-aalalang hindi nila ito makamit dahil sa limitasyon sa pinansiyal o kasanayan.
Lalo na ang mga nasa huling yugto na ng pagbibinata/pagdadalaga, hamon ito para pagbutihin ang pag-aaral. Gawing proyekto o prayoridad kung paano magkaroon ng magandang kapalaran.
Ang (6) pisikal na anyo o hitsura ay alalahanin din sa mga kabataan. Ang pagbibinata/pagdadalaga ay may kaakibat na ilang mga pagbabago sa mga pisikal na kaanyuan ng mga tinedyer.
Ang kanilang taas, timbang, pigura ng katawan, mga problema sa balat, at mga tulad nito ay karaniwang mga ‘isyu’ para sa kanila. Ito ay dahil na rin sa pagnanais na magmukhang kaaya-aya sa paningin ng iba.
Sapagkat ang pisikal na hitsura ay nagiging sanhi ng stress sa mga nagbibinata/nagdadalaga, dapat na sila ay matuto ng ukol sa tamang personal hygiene.
Dapat din na paunlarin ang tiwala, pagmamahal, at pagtanggap sa sarili.
Sa ilang pagkakataon, alalahanin din ang dulot ng (7) pagkawala ng mahal sa buhay.
Nagbubunga ng stress ang pagpanaw o pagkawala ng miyembro ng pamilya, kamag-anak, kaibigan, o maging alagang hayop.
Nagsisilbi ring stressor ang pakikipaghiwalay sa kasintahan o pagtatapos ng isang pagkakaibigan.
Maging ang pagkawalay sa isang minamahal na gawain o libangan (hal. pagkahiwalay sa baskeball team) ay nagbubunga rin ng pakiramdam ng kawalan kung kaya’t nakakaistress din.
Ang mga nabanggit, bagamat nakalulungkot, ay hindi dapat payagang humantong sa pagkawala ng pagpapahalaga sa sarili at ng gana upang makisalamuha sa mga tao o pumasok sa paaralan.
Iniinda, maging ng mga kabataan, ang (8) kabiguan. Ang pagkabigo na maabot ang mga layunin o maisagawa ang mga plano ay nakaka-stress din.
Dapat na laging ibuhos ang buong makakaya. Kung sa kabila nito ay mabigo pa rin, huwag malulungkot, bagkus ay ituring itong hamon na lalo pang pagbutihin sa susunod na pagkakataon.
Ang mga Negatibong Epekto ng Stress o Alalahanin
Maaaring pangkatin sa apat na klasipikasyon ang mga karaniwang negatibong epekto ng stress sa buhay ng tao:
(1) pisikal,
(2) emosyonal),
(3) kognitibo, at
(4) ukol sa asal o pag-uugali.
Ang stress ay may epekto sa pisikal na aspeto o sa katawan ng tao. Ito ay nagpapataas sa antas ng adrenaline at corticosterone sa katawan na nagdudulot ng mas mabilis na pagtibok ng puso at paghinga.
Maaaring magdulot ang stress ng mga karamdaman tulad ng sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, at stroke lalo na kapag ang alalahanin ay naging pang-matagalan
Ang mga na naiistress ay maaari ring makaranas ng hindi pagkatulog o kulang sa pagtulog, sipon at mga impeksyon, nerbiyos at panginginig, labis na pagpapawis, at pawising mga paa at palad.
Ang stress ay maaari ring magdulot ng sakit ng tiyan, sakit ng ulo, mga problema sa pagtunaw, at mga sakit ng bahagi ng katawan tulad ng leeg, likod, at mukha.
Sa aspetong emosyonal, ang tao ay maaaring magkaroon ng pakiramdam ng kawalan ng lakas upang kontrolin ang mga bagay kapag ang stress ay labis-labis.
Bukod sa madaling kapitan ng sakit, ang mga naiistress ay maaaring magpakita ng kawalan ng pasensya, pagkamagagalitin, at pagkamasumpungin o pagiging moody.
Ang mga taong naiistress ay kadalasang wala sa kondisyong makisalamuha at hindi maganda ang pakiramdam sa kanilang sarili.
Sa aspetong kognitibo, ang mga tao na may stress ay puno ng pag-aalala. Ang mga negatibong saloobin o kaisipan ay maaaring mamayani sa kanilang mga isipan.
Ito ay magbubunga ng pagiging pesimista o negative thinker. Kapag puno ng stress, ang tao ay karaniwang nagiging malilimutin at hindi organisadong mag-isip at kumilos.
Bunga ng stress, nagaganap din ang mga pagbabago sa asal o pag-uugali. Kapag sobra sobra ang stress, may posibilidad na ipagpaliban ng tao ang gawain at iwasan ang mga responsibilidad.
Ang pagkanerbiyos ay maaari ring lumitaw sa mga gawi gaya ng hindi mapakali, nagpapalakad-lakad, o kinakagat ang kuko.
Ukol sa pagkain, ang ilang mga naiistress ay nawawala ang gana habang ang iba naman ay may posibilidad na kumain nang labis.
Ang ilan ay maaaring ibaling ang stress sa paninigarilyo, pag-inom ng alak, o paggamit ng droga.
Ang Mga Positibong Epekto ng Alalahanin
Sa positibong tala, ang alalahanin o stress ay maaaring magbigay ng kinakailangang enerhiya upang matugunan ang mga mahahalagang gampanin sa buhay.
Kailangan ito upang matugunan ang mga hamon at magtagumpay sa mga aktibidad.
Sapagkat ang stress ay nagpapataas ng adrenaline level sa katawan, makatutulong ito upang matugunan ang mga emergency at makagawa ng mga kinakailangang adjustment.
Tangi rito, maaari ring pasiglahin at ganyakin ng stress ang mga indibidwal na ilabas ang kanilang buong potensyal at matapang na itulak ang sarili sa hangganan ng kakayahan.
Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
SA MGA GURO: Maaari itong gawing reading assignment ng inyong mga mag-aaral
Kaugnay:
Personal Na Paraan Ng Pagtugon Sa Mga Alalahanin Para Sa Malusog Na Pamumuhay
Ang Pag-Unawa Sa Kaliwa At Kanang Bahagi Ng Utak Ay Nakatutulong Sa Pag-Unlad Ng Pagkatuto
Ang Mind-Mapping Techniques Na Nararapat Sa Dalawang Uri Ng Pagkatuto Ng Tao
Plano Upang Mapaunlad Ang Pagkatuto Gamit Ang Mga Gawain Sa Mind Mapping
Kalusugang Pangkaisipan At Sikolohikal Na Kaayusang Pangkatauhan (Well-Being)
Ang Mga Sariling Kahinaan at Ang Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)
Basahin din:
Mga Hamon sa Pagdadalaga at Pagbibinata: Mga Halimbawa at Pagharap sa mga ito
Sanaysay Essay tungkol sa Pagdadalaga at Pagbibinata (Adolescence)
Mga Paraan Upang Maging Mapanagutan Bilang Nagdadalaga o Nagbibinata