Ang Mga Pangunahing Pangangailangan ng Tao
May mga kailangan ang tao para mabuhay nang maayos sa komunidad. Ang mga sumusunod ay ang mga pangunahing pangangailangan ng tao (basic needs or necessities) upang mabuhay.
Panuorin ang kaugnay na video: Mga Kawanggawa sa Pamayanan na Bunga ng Pananampalataya
Ang mga ito ay makukuha sa pamayanan o komunidad:
Pagkain at Kasuotan
Ano pagkain (at tubig na maiinom) ang pinaka importanteng pangangailangan ng tao. Sa komunidad nakukuha ang pagkaing kailangan upang mabuhay. Sa mga pamilihan nabibili ang iba’t-ibang uri ng mga pagkain at maging ang mga kasuotan.
Tahanan o Bahay
Sa komunidad matatagpuan ang tahanan ng isang tao. Dito siya namamalagi at naninirahan kasama ng kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay. May mga proyekto sa komunidad na sa tulong at pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ay nagkakaloob ng lupa at tirahan sa murang halaga o mga tinatawag na low-cost housing.
Kaalaman o Edukasyon
Napakahalaga na magkaroon ng kaalaman at edukasyon ang mga bata. Sa komunidad, matatagpuan ang mga institusyong magkakaloob nito tulad ng mga paaralan at mga unibersidad. Sa mga institusyong ito nabibigyan ng pagkakataon ang mga bata na matuto at magkaroon ng kaalamang magagamit nila sa kanilang buhay.
Hanapbuhay o Pagkakakitaan
Mayroong mga likas na yaman sa isang komunidad na maaring pagkunan ng ikabubuhay ng mga kasapi nito. Halimbawa, ang isang komunidad ay nasa baybaying dagat o kaya naman ay nasa kabukiran, maaaring magkaroon ng pagkakakitaan bilang mangingisda o magsasaka. (Kaugnay; Likas na Yaman ng Pilipinas: Mga Hamon at Oportunidad sa mga Gawaing Pangkabuhayan)
Kaligtasan
Mahalaga na magkaroon ng pakiramdam ang isang tao na siya ay ligtas sa anumang uri ng kapahamakan. Sa isang komunidad, mayroong mga bantay o tanod sa barangay at nakatalagang kapulisan na siyang nagpapanatili sa katiwasayan at katahimikan ng komunidad.
Sa mga panahon naman ng kalamidad at sakuna, maaasahan ang mga opisyales ng barangay o pamahalaan sa pagbibigay ng mga anunsiyo ng pag-evacuate o paglikas upang maisiguro ang ating kaligtasan.
Libangan
Kailangan din ng mga kasapi ng isang komunidad na magkaroon ng mapagkakalibangan. Sa pamamagitan ng mga pasyalang pampubliko, mall at mga parke na matatagpuan sa komunidad, nabibigyan ang mga tao ng pagkakataong makapasyal at makapaglibang.
Kalusugan
Maayos ang pamumuhay sa komunidad kung ang mga kasapi nito ay maayos ang kalusugan.
May mga pagamutan/ospital, mga doktor, nars at ibang mga frontliners sa mga komunidad na maaasahan ng mga may karamdaman. Nakatulong sila nang malaki at mahalaga ang naging papel nila nang maranasan ng bansa ang pandemyang dulot ng Covid-19.
Sa mga health centers naman, makakakuha ng mga libreng bakuna at gamot at makakadalo sa mga libreng health seminars na itinataguyod ng komunidad. May mga pampubliko ring ospital na handang tumulong sa mga mahihirap upang makapagpagamot.
May mga miyembro ng ating komunidad na siyang nagpapanatili ng kalinisan ng mga kapaligiran tulad ng mga Metro-aides at mga basurero na siyang nangongolekta ng dumi at basura. (Basahin din: Ang Kahalagahan ng Komunidad (At ang Community Pantry))
Copyright © by Celine de Guzman/myinfobasket.com
Para sa komento, ilagay riro: Mga Kawanggawa sa Pamayanan na Bunga ng Pananampalataya
=====
To post comment, briefly watch this related short video: