Ang Mga Pangunahing Institusyon Na May Bahaging Ginagampanan Sa Globalisasyon
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Nasusuri ang mga pangunahing institusyon na may bahaging ginagampanan sa globalisasyon (pamahalaan, paaralan, mass media, multinational na korporasyon, NGO at mga internasyonal na organisasyon)
May mga institusyon na may bahaging ginagampanan sa globalisasyon. Pangunahing sa mga ito ay ang pamahalaan, paaralan, mass media, multinational na korporasyon (MNC), non-governmental organizations (NGOs), at mga internasyonal na organisasyon.
Mga Institusyon sa Globalisasyon
a. Pamahalaan
Ang isang estado ay isang pamayanang binubuo ng mga tao sa loob ng isang tiyak na teritoryo. Ito ay pangkaraniwan ng pinamumunuan ng pamahalaan o gobyerno nito.
Dahil sa globalisasyon, ang maraming mga problemang bumabagabag sa mundo ngayon, tulad ng krisis sa ekonomiya, kahirapan, polusyong pangkapaligiran, organisadong krimen, at terorismo, ay naging suliraning transnasyonal, at sa gayon ay hindi malulutas lamang sa pambansang antas. (Kaugnay: Ang Pangkasaysayan, Pampulitikal, Pang-Ekonomiya, At Sosyo- Kultural Na Pinagmulan Ng Globalisasyon)
Ang mga estado o bansa, kung gayon, ay nakikipag-ugnayan sa mga internasyonal na samahan sa pamamagitan ng kani-kaniyang pamahalaan.
Ang pamahalaan ang nagpapasya kung sasama ang estado nito sa pampulitika o pang-ekonomiyang integrasyon ng mga bansa sa mundo. Sa pamamagitan ng gobyerno, nakikisapi ang isang bansa sa mga internasyunal na kasunduan laban, halimbawa, sa money laundering, cybercrime, identity theft, copyright infringement, private ownership of property, at mga katulad nito.
b. Paaralan
Ang paaralan ay nagbibigay sa mga tao ng mga kasanayan at pagpapahalaga na kinakailangan upang magtagumpay sa globalisadong mundo.
Ang paaralan ang tagalikha ng mga edukadong tao at ang mga edukadong tao ang pangkaraniwang gumagawa ng mga pagpapasya at mga patakaran na nakakaimpluwensya sa globalisasyong pang-ekonomiya at mga pandaigdigang kasunduan.
Sa paaralan nagaganap ang malalim na pagtalakay sa mga konsepto at prinsipyo na may kinalaman sa globalisasyon. Ang paaralan din ang nagsasala sa iba’t ibang kaalaman at impormasyon na mabilis na kumakalat sa mass media o social media mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa kasalukuyan, ang mga paaralan ay nagsisikap magkaloob ng mga kaalaman at kasanayang tumutugon sa hinahanap ng globalisasyon. Ang pag-aaral ukol sa paggamit ng kompyuter, mga lengguwahe, kultura, at batas sa iba’t ibang nasyon ay naging bahagi na ng kurikulum ng maraming kurso. May mga nag-aalok na rin ng edukasyong internasyunal at tumatanggap sa mga banyagang mag-aaral.
Maging sa Pilipinas, ang kurikulum ay pinaniniwalaang tinabas upang isunod sa padrong globalisasyon. Ang sistema ng edukasyon ay iniakma sa pangangailangan ng mga multinasyonal na korporasyon at naglalayong makalikha ng mga kabataang maaaring makapasok sa trabaho maging sa ibang bansa.
c. Mass media
Ang mass media ay may malaking bahaging ginagampanan sa globalisasyon dahil nararating nito ang maraming bansa at naaapektuhan nito ang kultura at kaisipan ng mga tao sa mga bansang yaon.
Nagtatanim ito ng kamalayan ng komunal na pagsasama-sama ng mga tao sa mundo. Sa pagbo-broadcast ng mass media ng mga mahahalagang kaganapan, ang mga tao na nagsasalu-salo sa mga opinyon at talakayan ay nagkakaroon ng pakiramdam na para bagang konektado sa isa’t isa.
Ang mass media ang isa sa malalakas na ahente ng di-tuwirang pakikisalamuha sa napapanahong globalisadong daigdig. Inihahatid nito sa atin ang maraming mga ideya at pamamaraan mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo nang walang anumang uri ng direktang interpersonal na komunikasyon.
Lubos at madalas nitong naiimpluwensyahan ang ating buhay habang tayo ay natututo at nalilibang mula sa mga pang-internasyonal na pahayagan, magasin, radyo, internet, at telebisyon.
Gumaganap ang mass media ng mahalagang papel sa pagpapaigting ng globalisasyon sapagkat tumutulong ito nang malaki sa pagpapalitan ng kultura at saganang pagdaloy ng mga impormasyon at mga larawan sa mga bansa sa pamamagitan ng mga broadcast ng balita, mga programa sa telebisyon, mga bagong teknolohiya, pelikula, at musika.
d. Multinasyunal na Korporasyon
Ang mga Multinational Corporations (MNCs) ay mga kumpanya na mayroong pasilidad at iba pang mga ari-arian sa ibang bansa o mga bansa maliban sa sariling bansang pinagmulan. Ang MNCs ay may mga tanggapan at mga pabrika sa iba’t ibang mga bansa at karaniwang may sentralisadong punong tanggapan kung saan nila nagagawa ang global na pamamahala.
Karaniwang nakakuha ng mga korporasyong ito ang hindi bababa sa isang-kapat ng kanilang mga kita mula sa labas ng kanilang sariling bansa.
Nakatutulong ang mga multinational corporation (MNC) sa globalisasyon dahil mayroong malakas na impluwensiya ang mga ito sa lokal at pandaigdigang ekonomiya.
Nakatutulong ang mga ito sa pagkakaroon ng ugnayan at pagpapalitan ng mga kapital, produkto, serbisyo, at teknolohiya sa pagitan ng mga pambansang ekonomiya sa buong daigdig.
Dahil sa mga relasyong naititindig ng mga multinasyunal na korporasyon ay yumayabong ang ekonomikong integrasyon ng mga bansa at nagkakaroon ng global na pamilihan o isang pandaigdigang merkado.
Halos lahat ng mga pangunahing multinasyonal na korporasyon ay mula sa Japan, Amerika, o Kanluraning Europa, tulad ng Honda, Nike, BMW, Toshiba, Coca-Cola, Wal-Mart, at AOL. Inaangkin ng mga tagasuporta ng multinasyonal na nakakalikha sila ng mga makabagong kalakal at mga trabahong nagpapasuweldo ng mataas sa mga mamamayan sa iba’t ibang bansa.
Sa kabilang banda, sinasabi ng iba na ang MNCs ay nagdudulot ng di-makatarungang impluwensiyang pulitikal sa mga gobyerno, inaabuso ang mga papaunlad na bansa, at lumilikha ng mga pagkalugi sa trabaho sa kanilang sariling bansang pinagmulan.
e. Non-Governmental Organizations (NGOs)
Ang Non-Governmental Organization (NGO) ay isang institusyon na hindi bahagi ng isang gobyerno o isang tradisyunal na negosyong nakatuon sa kita. Ayon sa UN, ang anumang uri ng pribadong organisasyon na hindi umaasa sa kontrol ng pamahalaan ay maaaring tawaging isang NGO, sa kondisyon na ito ay hindi para sa kita, hindi kriminal, at hindi isang partidong pampolitika ng oposisyon.
Nagsusumikap ang mga NGO tungo sa mga solusyon na maaaring maging pakinabang sa mga hindi maunlad na mga bansa na humaharap sa hindi magandang epekto ng globalisasyong pang-ekonomiya. (Kaugnay: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon)
Ang mga NGO ay nagsasagawa ng maraming mga serbisyo at mga gawaing makatao, nagpaparating ng mga hinanaing ng mga mamamayan sa gobyerno, nagtataguyod at sumusubaybay sa mga polisiya, at nagtataguyod ng pulitikang pakikilahok sa pamamagitan halimbawa ng pagkakaloob sa gobyerno ng makabuluhang impormasyon.
Karaniwang nakatuon ang mga NGO sa pagtataguyod ng karapatang pantao, nagsusulong ng interes ng mahihirap, pinagiginhawa ang pagdurusa, nagbibigay ng mga serbisyong panlipunan, inaasikaso ang pagpapaunlad sa komunidad, at nangagalaga sa kapaligiran. (Basahin: Ang Mga Taong Nag-aambag sa Kapakanan at Kaunlaran ng Komunidad at ang Mga NGO)
Karaniwang itinatatag ng mga ordinaryong mamamayan, ang mga NGO at ang mga internasyunal na NGO (INGO) ay pinopondohan ng mga pundasyon, negosyo, o pribadong pilantropo, bagaman ang ilan ay umiiwas sa pormal na pagpopondo at sa halip ay mas pinipili na mapatakbo ng mga boluntaryo. Ang ilang mga halimbawa ng INGO ay ang Greenpeace, ang International Olympic Committee, at ang International Committee ng Red Cross.
Sa internasyunal na antas, ang mga NGO ay tumutulong sa pandaigdigang pangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan sa iba’t- ibang bansa. Nakakaimpluwensya rin ang mga ito sa mga internasyonal na proseso ng pagpapasya ukol sa mga isyung pangkaunlaran. Namamagitan ito sa iringan ng mga estado para asikasuhin ang mga apektadong mamamayan, sa pamamagitan halimbawa ng pagkalinga sa mga refugee.
Nagsisilbi silang lobbyists para sa mahahalagang isyu at ang kanilang mga pagpuna ay humahantong sa malalim na pagsusuri o pagbabago sa mga pandaigdigang polisiya. Ang mga NGO din ay naglalantad at tumutugon sa mga problemang dulot ng globalisasyon gaya ng tensyon sa mga bansa, suliraning pangkalikasan, paglabag sa karapatan ng manggagawa at mamimili, at mga pag-abuso sa mga kasunduan. (Kaugnay: GLOBALIZATION AND NEOLIBERALISM)
f. Mga Internasyonal na Organisasyon
Ang International Organization ay tumutukoy sa samahang may mga kasapi na gumagana o may operasyon tawid sa mga pambansang hangganan para sa mga tiyak na layunin. Ang mga ito ay mga praktikal na samahan na sa pamamagitan nila ay natutugunan ang mga importanteng internasyonal na isyu.
Ayon sa kasaysayan, sa pamamagitan ng mga internasyonal na organisasyon, ang mga isyu ukol sa internasyonal na mail service at kontrol ng trapiko sa mga ilog ng Europa ay napamahalaan.
Bukod dito, hinikayat ng United Nations Environment Program— isang internasyonal na organisasyon — ang mga bansa na sumang-ayon sa isang kasunduan upang itigil ang paggawa ng mga kemikal na sumisira sa osono (ozone layer). Ang isa pang internasyonal na samahan, ang World Health Organization (WHO), ay naging kasangkapan upang ituon ng mga bansa ang kanilang atensyon sa acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) bilang pandaigdigang krisis.
Ang mga internasyonal na samahan ay nahahati sa dalawang pangunahing kategorya: (1) ang mga intergovernmental organization at (2) ang mga international nongovernmental organization. May mga suliranin na mahirap lutasin ng isang bansa maliban na kung ang mga gobyerno ay magkaroon ng sama-samang pagkilos sa internasyonal na organisasyon na intergovernmental organization.
Ang international nongovernmental organizations naman ay mga NGO na ang lawak ay internasyonal o pandaigdigan … ituloy ang pagbasa
*Kung may nais hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pang aralin (Tagalog man o English), i-search dito:
Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
Also Check Out: The Worldview of Atheism by Jensen DG. Mañebog
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Konsepto Ng Sustainable Development
Related: SOME PROBLEMS WITH GLOBALIZATION
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.
Also Check Out:
Reasoning and Debate: A Handbook and a Textbook by Jensen DG. Mañebog
TALAKAYAN
1. Angkop ba ang globalisasyon sa Pilipinas? Depensahan ang iyong sagot.
2. Ano ang konsepto ng globalisasyon? Ipaliwanag.
3. Ipaliwanag ang pangkasaysayan at pampulitikal na pinagmulan ng globalisasyon.
4. Ipaliwanag ang pang-ekonomiya at sosyo- kultural na pinagmulan ng globalisasyon.
5. Ano ang bahaging ginagampanan sa globalisasyon ng pamahalaan, paaralan, at mass media?
6. Ano ang bahaging ginagampanan sa globalisasyon ng multinational na korporasyon, NGO, at mga internasyonal na organisasyon?
TAKDANG-ARALIN
E-Learning Assignment: Paghahanda sa susunod na aralin
a. Mag-online sa www.AlaminNatin.com. Sa pamamagitan ng search engine nito, hanapin ang blog na “Kaugnayan ng mga Gawain ng Tao sa Pagbabagong Pangkapaligiran”
b. Basahin ang lektura.
c. I-share ang artikulo sa iyong social media account kasama ng iyong sagot sa tanong na: Paano nakakaapekto ang gawain ng mga kabataan sa pagbabagong pangkapaligiran? Magbigay ng isang konkretong halimbawa at ipaliwanag. Gumamit ng #SustainableDevelopment #[PangalanNgIyongLalawigan]
e. Mag-imbita ng tatlong kaibigan (mga taga ibang lalawigan) na maglalagay ng makabuluhang komento sa iyong post.
f. I-screen shot ang inyong naka-post na conversation thread, i-print, at ipasa sa iyong guro.