Ang Mga Istraktura ng Pamilya
Kasanayang Pampagkatuto:
Nasusuri ang istruktura (istraktura) ng sariling pamilya at ang uri ng pagmamahal na kanyang binibigay at tinatanggap na nakatutulong sa pag-unawa niya sa kanyang sarili
May malaking papel na ginagampanan ang pamilya ng isang tinedyer sa kanyang personal na pag-unlad. Ang pamilya ay pinagmumulan ng emosyonal na seguridad—pag-ibig, pag-aaruga, at pagkalinga.
Ang pamilya rin ang nagsisilbing pangunahing support group ng mga nagbibinata/nagdadalaga habang naglalakbay sila patungo sa karampatang gulang. Kapwa ang itinuturing na ina’t ama, maging ang mga kinikilalang kapatid, ay may mahahalagang tungkulin sa paglago at pag-unlad ng mga indibidwal.
May malaking epekto sa mga saloobin at pag-uugali ng isang tinedyer ang istraktura ng kaniyang pamilya. Mahalaga, kung gayon, na magkaroon ang isang kabataan ng kamalayan sa istruktura ng pamilyang kaniyang kinabibilangan upang mas maintindihan niya ang kanyang sarili.
Panuorin: Gampanin ng Bata sa Tahanan, Gawain sa Pamilya, at Mga Tungkulin ng Bawat Kasapi ng Pamilya
Ang Mga Istruktura ng Pamilya
Ang istraktura ng pamilya ay tumutukoy sa kumbinasyon ng mga kaanak (relatives) na bumubuo sa isang pamilya. Isinasaalang-alang sa pag-uuri ang presensya o kawalan ng: legal na mag-asawa o common law partners; mga anak; at, iba pang kaanak (relatives).
Ang bawat uri ng istraktura ng pamilya ay may bentaha at disbentaha. Hindi masasabi na ang isang istraktura ay siyang pinakamahusay o ang isa ay awtomatikong mas mahusay kaysa sa isa.
Narito ang mga pangunahing uri ng istraktura ng pamilya mula sa lektura ng Filipinong propesor na si Jensen DG. Mañebog:
1. Pamilyang nukliyar (nuclear family/elementary family)
Ang pamilyang nukliyar, sa pinakasimpleng anyo nito, ay binubuo ng mag-asawa at ng hindi bababa sa isang anak. Ang mga pamilyang nukleyar ay kadalasang nakasentro sa mag-asawa kaya tinatawag din itong pang mag-asawang pamilya (conjugal family).
Pangkaraniwan na, ang pamilyang nukliyar ay isang grupo ng pamilya na binubuo ng isang pares ng mag-asawa, at ng kanilang mga supling, ilan man ang mga ito. Ito ang konbensiyonal na uri ng pamilya at siyang ideyal para sa pagpapalaki ng mga supling.
Mayroong presensiya ang isang ama at imahe ng isang ina na mahalaga sa pag-unlad ng mga supling.
2. Extended family
Sa extended family, may kasama sa pamilya na hindi kabilang sa immediate family. Ang pangkaraniwang halimbawa nito ay mag-asawa at kanilang mga anak na naninirahan sa isang tahanan kasama ang mga magulang ng sinoman sa mag-asawa.
Halimbawa, kapag ang isang magulang ay lumipat sa bahay ng kanyang anak, para alagaaan ang mga apo, ito ay nagreresulta sa pagbubuo ng isang extended na sambahayan.
Ang isang extended na pamilya ay binubuo ng nukliyar na pamilya at di nukliyar na pamilya. Sa extended family, kasama sa isang tahanan ang malapit na kamag-anak—maaaring ito ay lolo at lola, tiyahin at tiyuhin, o mga pinsan bilang karagdagan sa pangunahin o nukliyar na pamilya.
Ang extended family ay maaari ring tumukoy sa isang yunit ng pamilya kung saan maraming henerasyon ng magkakapamilya ang namumuhay nang magkakasama sa loob ng isang sambahayan. Ito ang dahilan kung kaya’t sa ilang mga kultura, ang extended family ay tinatawag din na consanguineous family.
Ang isang halimbawa ng isang sambahayang multigenerational ay ang sambahayang pinamumunuan ng isang lolo o lola kasama ang mga anak at mga apo, na piniling manirahang magkakasama upang makatipid.
Ang extended na pamilya ay itinuturing ng ilan na isang komplikadong istraktura ng pamilya. Ang pagiging kumplikado nito ay sinasabing maaaring magdulot ng pagkalito sa bahagi ng mga anak, lalo na sa kanilang ideya ukol sa parent figure, awtoridad sa sambahayan, relasyon sa kapatid, at relasyon sa mga kamag-anak.
3. Single-Parent family
Ang Single-Parent Family ay binubuo ng isang magulang, sinuman sa dalawa—isang ama o isang ina—na umaako ng responsibilidad na palakihin ang kanyang mga anak.
Karaniwan, ang nag-iisang magulang (single parent) ay nagsusumikap na mapagkasya ang pangangailangan para sa kanyang sambahayan.
Maaaring may mas kaunting oras para sa pagiging magulang ang isang single parent sapagkat kailangang magtrabaho siya nang husto nito para sa pangngailangan ng pamilya. Kailangan kung ganon ng malawak na pang-unawa sa panig ng anak kung ganito ang sitwasyon.
Lalong dapat magsikap ang mga miyembro ng ganitong pamilya na maging malapit sa isa’t isa upang malutas nila ang mga suliranin at maharap ang mga hamon nang magkakasama.
4. Grandparent family
Ang grandparent family ay binubuo ng mga lolo’t lola at mga apo na namumuhay bilang isang pamilya. Maaaring ito ay mabuo dahil sa pagpanaw ng mga magulang, pag-abanduna, o paghihiwalay.
Maaari ring magkaroon ng grandparent family kapag ang parehong mga magulang ay nagtatrabaho sa ibang bansa, at ang mga bata ay naiiwan sa mga lolo’t lola.
Hawak ng mga lolo’t lola ang awtoridad ng magulang sa isang grandparent family sapagkat sila ang kumikilos bilang mga puno ng sambahayan. Sinasabing ang mga lolo’t lola ay karaniwang hindi mahigpit kumpara sa mga tunay na magulang, kaya’t sinasabing maaaring maging “spoiled brats” ang mga bata.
Gayunpaman, ang mga lolo’t lola, bilang mga magulang, ay maaaring mas mapagmahal at mas makapagbibigay ng suporta sa mga anak kaysa sa tunay na mga magulang. Ang mga lolo at lola kasi ay karaniwang mga retirado o pensiyonado na mayroong maraming oras sa tahanan at may sapat na oras para sa mga apo.
5. Stepfamily/ reconstituted family/ blended family
Ang step family ay ang uri ng pamilya na nabubuo sa pamamagitan ng pagsasama ng dalawang taong nasa karampatang gulang sa pamamagitan ng pag-aasawa, pagsasama, o sibil na pagtutulungan (civil partnership), kung saan ang isa o pareho sa mag-asawa ay may anak o mga anak mula sa dating relasyon na nakatira sa kanilang tahanan.
Kapag ang parehong mag-asawa ay may kani-kaniyang anak o mga anak mula sa mga nakaraang mga relasyon na dala nila sa kanilang pagsasama, ang istraktura ay kilala rin bilang blended family.
Sa step-family, ang isang magulang ay may anak o mga anak mula sa dating relasyon na walang kaugnayang-genetiko sa kasalukuyang asawa o kinakasama. Ang anak ay tinatawag na stepchild (stepdaughter o stepson) ng bagong asawa o kinakasama ng kanyang biyolohikal na magulang.
Ang bagong asawa o kinakasama ng biyolohikal na magulang ay tinatawag naman na stepparent (stepfather o stepmother) ng stepchild. Step-sibling (step-brother o step-sister) naman ang turing ng isang bata sa anak ng kaniyang stepparent.
Sa ganitong uri ng pamilya, ang mga magulang ay maaaring mangailangan ng iba’t ibang estilo ng disiplina para sa mga anak. Ang mga anak naman ay dapat umangkop sa pakikitungo sa iba’t ibang miyembro ng sambahayan.
6. Childless family
Isinasama ng ibang reperensiya ang childless family sa mga uri ng istruktura ng pamilya. Tinatawag din itong “forgotten family” dahil hindi ito pasado sa pangkaraniwang depinisyon o barometro ng lipunan para sa konseptong pamilya.
Ito ay binubuo ng mag-asawa na walang anak. Pangkaraniwan sa ganitong “pamilya” ay nag-aalaga ng pet na siyang itinuturing na bahagi ng kanilang pamilya.
Maaari ring manghiram ng pamangkin ang mag-asawa na pagbabalingan ng atensiyon at pagmamahal. (Ituloy ang pagbasa: Ang Uri ng Pagmamahal na Binibigay at Tinatanggap ng Isang Nagbibinata at Nagdadalaga)
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay:
Ano ang Genogram? Paano ang Paggawa Nito?
Plano Upang ang Bawat Kasapi ng Pamilya ay Maging Matatag at Mahinahon sa Bawat Isa
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho o Bokasyon
Ang Sariling Personalidad at mga Personal na Salik na may Kinalaman sa Personal na Layunin sa Buhay
‘Ang Aking Bucket List’: Isang Aktibidad
Mga Personal na Salik sa Pagpili ng Kurso, Trabaho at Bokasyon: Isang Aktibidad
======
To post comment, briefly watch this related short video: