Ang Mga Epekto ng Globalisasyon

Sa maraming bahagi ng mundo ay malaki, marami, at sari-sari ang epekto ng globalisasyon (Kaugnay: Ang Konsepto ng Globalisasyon).

Sa pamamagitan ng globalisasyon, ang iba’t ibang konsepto, ideya, at mga bagay na pang-ekonomiya o pangkalakalan, pang-agham at pangteknolohiya, pampolitika, at pang-kultura ay naipapasa at lumalaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Hayag ang mga epekto ng globalisasyon sa maraming larangan. Sa artikulong ito, ang mga epekto na tatalakayin, bagamat pinagbukod-bukod, ay mapapansing magkakaugnay sa maraming aspeto.

Ayon sa lektura at pagtalakay ni Prof. Jensen DG. Mañebog, ang mga sumusunod ang ilan sa mga epekto ng globalisasyon:

1. Mga epektong pang-ekonomiya

Dahil pangkabuhayan ang isa sa mga pangunahing interes ng mga nagtataguyod ng globalisasyon, hayag na hayag ang mga epektong pang-ekonomiya ng globalisasyon.

Dahil sa globalisasyon, ang pagsasalungatang ng mga bansa noong Cold War ay halos naglaho na. Ito ay nagbunga ng maraming bentaha sa larangan ng pagnenegosyo. Nabuwag ang mga hadlang sa kalakalan, nagsama-sama ang pangunahing mga stock market sa daigdig, at naging mas mura at madali ang paglalakbay—na naging salik naman sa phenomenon ng migrasyon.

Dahil sa pangangailangan sa mga internasyunal na transaksiyon bunsod ng globalisasyon, naging pare-parehong interes ng mga bansa na padaliin ang pagtatawid ng mga kalakal at serbisyo.

Ang mga ito ay nagbunga ng pagkakalikha ng maraming paggawaan, merkado, oportunidad sa trabaho, mga produktong kalakal at negosyo, at mga transaksiyong pangnegosyo.

2. Mga epektong pang-estado o pambansa

Dahil na rin sa globalisasyon, ang mga bansa ay naengganyong sumapi sa mga internasyonal na organisasyon tulad ng International Monetary Fund (IMF) o ng World Bank (WB).

Sa isang banda, ang bagong pagpapakandiling ito ay nagbibigay sa mga member-state ng ilang mga uri ng proteksiyon sa kanilang ekonomiya lalo na kapag dumaan sa problemang pinansiyal. Ngunit sa kabilang dako, ang pagkakaugnay (interconnectedness) na ito ay maaari ding magkaroon ng negatibong epekto tulad ng naobserbahan kamakailan nang magkaroon ng economic crisis.

Kung gayon, ang paglitaw ng isang pandaigdigang ekonomiya ay nagpapataas din ng panganib sa mga estado na maapektuhan ng isang krisis na maaaring magsimula sa isa o dalawang bansa lamang, gaya ng naganap sa European Union (EU).


3. Mga epektong pang-gobyerno o pampamahalaan

Dahil sa globalisasyon, nagkaroon ng mga bago at mas kumplikadong gampanin ang mga gobyerno o domestikong pamahalaan.

Naging bahagi ng pananagutan ng mga gobyerno ang pagtatayo, paglalatag, at pagpapanatili ng pisikal o birtuwal (virtual) na imprastruktura at plataporma na sumusuporta sa kapakanan ng publiko lalo na sa pakikipag-ugnayan sa ilalim ng prosesong globalisasyon.

Kabilang dito ang mga legal na sistema na poprotekta sa pribadong pagmamay-ari ng ari-arian (private ownership of property).

Dahil sa globalisasyon, dumami rin ang mga kaso o sigalot sa pagitan ng mga partido sa mga kontrata o kasunduan (contracting parties) na dapat dinggin o ayusin ng pamahalaan.

4. Mga epektong pampolitika at panlipunan

Sa maraming pagkakataon, tila naging hindi maiiwasang epekto ng globalisasyon ang pagkakaroon ng mga tensiyon sa pagitan ng mga estado. Sapagkat mas dumami at dumalas ang interaksiyon sa pagitan ng mga bansa dahil sa globalisasyon, ang natural na epekto ay ang mga hindi pagkakaunawaan sa maraming bagay, bunga na rin ng mga nagbabanggaang mga interes. 

Dahil sa globalisasyon, bumangon rin ang mga suliranin na may kinalaman sa karapatan sa paggawa, karapatang pantao, mga karapatan ng mga mamimili, at iba pang kayuri ng mga ito.

Halimbawa, ang kompanyang NIKE ay siniyasat nuon ng mga NGO dahil sa diumano ay may poor labor condition sa mga pabrika nito sa ilang mga bansa. Sa madaling salita, ang globalisasyon ay nagbukas ng oprtunidad sa mga kaso ng eksploytasyon o pang-aabuso sa mga manggagawa lalo na sa mahihirap na bansa.

5. Mga epektong pangkultura

Ang globalisasyon ay may malaking epekto rin sa mga kultura ng mga bansa. Sumasahimpapawid sa mahigit na 100 bansa, hindi lamang naaabot ng media ang isang malawak na madla, kung hindi naaapektuhan din nito ang kultura ng mga bansang yaon.

Sa pamamagitan ng globalisasyon, ang media, bilang isang regular na natutungyahan ng mga tao, ay naging pangunahing ahenteng nagpapalaganap ng iba’t ibang kultura mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sinasalamin ng mga media ang nangingibabaw na pilosopiya, sistemang politikal, mga paniniwala, pananampalataya, kaugalian, at kondukta ng mga lipunan kung saan sila gumagana, at ang mga ito ay naipakikita o naipapaalam nila sa lahat ng lipunan na tumutunghay at naiimpluwensiyahan nila.

Panuorin ang kaugnay na educational video: Mga Tradisyon at Gawain sa Pamayanan na Mula sa Pananampalataya

Napakalaki ng ginagampanan ng globalisasyon, gamit ang media, sa amalgamasyon o tila pag-iisa ng mga bansa. Lalo na kung popular ang isang media event at malakas o makapangyarihan ang gamit na media format, mabisang nalilikha ang isang global na komunidad o ang pakiramdam na ang mga tao, saanman naroroon, ay tila nabibilang sa iisang komunidad lamang.

Kahit na ang komunidad na nalilikha ng media at globalisasyon ay hindi totoo bagkus ay nasa isip (imagined) lamang, pansamantalang nagkakaroon ang mga tao ng pakiramdam na sila ay bahagi ng “tayo” sa halip na “sila”—na para bagang kabilang sila sa iisang komunidad lamang na tanggap ang iba’t ibang uri ng kultura.

Ang globalisasyon, kung gayon, ay tila nakapaghihiwalay sa mga indibidwal mula sa kanilang mga natatanging lokal na tradisyon (unique local tradition). Ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, ay tila wala ng kultural na kaibahan sa isa’t isa sapagkat tila bahagi na sila ng isa lamang pandaigdigang komunidad. (Kaugnay: Ang Globalisasyon ng Kultura: Ang Dimensiyong Kultural ng Globalismo)

6. Mga epektong pang-edukasyon

Epekto rin ng globalisasyon ang maraming pagbabago sa edukasyon. Ang mga kaalaman at kamalayang may kinalaman sa globalisasyon ay salik sa pagrebisa sa mga nilalaman at uri ng edukasyono kurikula na iniaalok ngayon ng mga paaralan.

Maraming paaralan na rin, lalo na ang mga pribado, ang kumikiling sa pag-aalok ng edukasyong internasyonal. Sapagkat pinabilis at pinadali ng globalisasyon ang migrasyon, ang mga akademikong institusyon ay mayroon na ring mga programa para sa mga banyagang mag-aaral.

Ang mga teknolohikong pag-unlad na kaakibat ng globalisasyon ay nagpahintulot din sa pagkakaroon ng distance education. Ang mga bagong anyo ng edukasyon gaya nito ay naghahatid sa mga tao ng mga internasyonal na mga konsepto at naglalantad sa mga populasyon sa iba’t ibang rehiyon ng mga kaalaman na nabubuo sa makabagong panahon. (Kaugnay: Ang Mga Pangunahing Institusyon Na May Bahaging Ginagampanan Sa Globalisasyon)

7. Mga epektong pang-ekolohiya

Ang globalisasyon ay nagbunga rin ng dagsang alalahanin ukol sa kapaligiran at kalikasan. Dahil binuksan ng globalisasyon ang malalaking merkado (pangrehiyon at pandaigdigan), lumaki ang demand sa mga likas na yaman at bumilis din ang pagkonsumo sa mga ito.

Dahil sa globalisasyon, ang mga likas na yaman sa mga papaunlad na bansa ay tila napagsasamantalahan sa mabilis na paraan ng mga makapangyarihang nasyon. Ito ay sapagkat pinaluwag ng globalisasyon ang mga hadlang (barrier) sa cross-border na kalakalan. Ito ay nagdulot ng malaking lamang sa mayayamang bansa (sa pamamagitan ng kanilang mga multinasyonal na kompanya) upang makaungkat ng bulto-bultong mga likas na yaman mula sa mas mahirap na bansa.

Kung ang mga ito ay hindi mapangangasiwaan nang maayos, ang mga bansa ay maaaring makaranas ng pagkapinsala sa kanilang ekonomiya, at hindi mapakikinabangan ng mga tao sa mahihirap na bansa ang mga kaloob ng kalikasan na dapat sana ay kanila.

Dahil din sa globalisasyon, nagkaroon ng paglilipat-lipat o pagkalat ng ilang species at mga sakit sa maraming bahagi ng mundo. Ang halimbawa nito ay ang paglaganap ng mga invasive na species at pathogens, tulad ng mga fire ants mula sa Timog Amerika, at ang mga virus na SARS at Covid-19 mula sa Tsina.

Sinasabi na ang US ay gumagastos ng higit sa $120 bilyon bawat taon sa mga hakbang nito upang maiwasan at matanggal ang invasive species. Nadama naman ng buong mundo ang malalaki at matitinding problema na idunulot ng Covid-19 pandemic.

Copyright © by Jensen DG. Mañebog & Marissa E. Eugenio

Para sa komento: Gamitin ang comment section sa Mga Tradisyon at Gawain sa Pamayanan na Mula sa Pananampalataya