Ang Mga Dahilan ng Migrasyon sa Loob at Labas ng Bansa
© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:
Natutukoy ang mga dahilan ng migrasyon sa loob at labas ng bansa
Ang migrasyon ay ang paglipat ng isang tao o mga tao mula sa isang bansa, lokalidad, o tirahan patungo sa ibang lugar upang doon manirahan o mamalagi.
Ito ay karaniwang tumutukoy sa paglipat sa malayong dako gaya ng ibang probinsiya, rehiyon, o bansa.
Para sa mga epekto ng migrasyon, panuorin ang educational video. Nota: Para magkaroon ng FULL ACCESS sa video, mag-SUBSCRIBE muna (kung hindi ka pa naka-subscribe):
Mga Sanhi Ng Migrasyon
Ang sumusunod ay ilan sa mga dahilan ng migrasyon sa loob at labas ng bansa, batay sa lektura ng Propesor na si Jensen DG. Mañebog:
1. Upang takasan ang persekyusyon o pag-uusig dahil sa rasa, relihiyon, nasyonalidad, o pagiging miyembro ng isang partikular na grupong panlipunan o pampolitika.
Sa maraming bansa gaya sa Estados Unidos, ang mga pamilya at mga indibidwal na nakatutugon sa pamantayang ito ay maaaring makakuha ng estadong refugee o asylum.
Ganito ang kaibahan ng dalawa: kailangang maisiguro ng mga ‘refugee’ ang kanilang gayong katayuan o estado bago pumasok ng bansang napili; habang ang mga ‘asylum seekers’ ay nag-a-apply ng gayung estado pagdating sa isang bansa.
2. Upang makatakas sa labanan o karahasan
Sa maraming bansa (subalit hindi sa Estados Unidos), ang mga pamilya at mga indibidwal na dumarayo upang makatakas sa mga labanan at karahasan ay maaaring pagkalooban ng estadong refugee o asylum.
3. Upang makahanap ng kanlungan matapos makaranas ng mga suliraning pangkapaligiran
Ang mga natural na kalamidad gaya ng pagguho ng lupa at iba pang mga pangkapaligirang salik na dulot ng climate change ay tunay na banta na nakakaapekto lalo na sa mga tao na namumuhay sa kahirapan. Katunayan, iniulat ng Christian Aid na isang bilyong tao ang maaaring mailipat sa mga susunod na 50 taon dahil sa paglala ng epekto ng climate change.
4. Upang maghanap ng mas mahusay na pangangalaga sa kalusugan (health care)
Nagsisikap na lumipat sa ibang nasyon ang mga nakatira sa isang bansa kung saan limitado ang akses sa pangangalaga sa kalusugan, lalo na ang mga natatakot na magkaroon ng malalang suliranin sa kalusugan.
5. Upang takasan ang kahirapan
Ito marahil ang pinakakaraniwang dahilan ng pandarayuhan. Maraming tao ang nagpapasyang lumipat ng lugar upang magkaroon ng mas mabuting buhay.
6. Upang magkaroon ng mas maraming oportunidad ang mga anak
Kung minsan, ang mga magulang ay gumagawa ng mabigat na desisyon na lumipat upang ang kanilang mga anak ay makinabang sa mga bagay tulad ng mahusay na edukasyon at maraming oportunidad sa hanapbuhay.
7. Para sa pagsasama-sama ng pamilya
Ang mga nahiwalay nang matagal na miyembro ng pamilya, dahil halimbawa sa pag-aasawa o trabaho, ay maaaring lumipat ng tirahan patungo sa lugar ng mga mahal sa buhay.
8. Para sa mga pang-edukasyong layunin
Ang ilan ay nag-aaral sa ibang bansa upang maghanap ng mas mabuting oportunidad sa edukasyon.
9. Para sa trabaho at mga oportunidad sa negosyo
Sa ilang pagkakataon, ang mga tao ay lumilipat sa pag-asang magkakaroon ng maraming oportunidad para sa uri ng kanilang negosyo sa dakong lilipatan. Ang iba ay lumilipat matapos maalok ng trabaho.
10. Pag-aasawa
Sa globalisadong mundo ngayon, ang long-distance dating at long-distance relationship ay napapanahon. Sa mga magkasintahan na handang magpakasal, ang migrasyon ang solusyon upang magkasama.
Maaaring may iba pang dahilan ng migrasyon, subalit ang lahat ng mga ito ay nauuri lamang sa limang kategorya: (a) personal, (b) politikal, (c) pang-ekonomiya, (d) epidemya, klima, o kalamidad, at (e) digmaan o usaping pangkapayapaan.
Nauuri sa mga ito ang “push factor” (mga salik o sanhi ng pag-alis sa isang dako) at “pull factor” (mga salik o sanhi sa pagdating sa isang lugar) ng migrasyon … ituloy ang pagbasa
© Marissa G. Eugenio &Vergie Eusebio/ MyInfoBasket.com
KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap gamit ang search engine ng https://myinfobasket.com/):
Ang Epekto Ng Migrasyon Sa Aspektong Panlipunan, Pampulitika, At Pangkabuhayan
Mga Negatibong Epekto ng Migrasyon
SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”
*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa
Read Also:
The Interesting Tales of the Jose Rizal Family by Jensen DG. Mañebog
=====
Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Ang Epekto ng Migrasyon sa Aspektong Panlipunan, Pampulitika, at Pangkabuhayan