Ang Mga Angkop na Hakbang ng CBDRRM Plan
Editor’s note: Mahalaga na Naisasagawa ang mga angkop na hakbang ng CBDRRM Plan (MELC5). Ang lekturang ito ni Prof. Jensen DG. Mañebog ay tumutugon ito sa Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto na ito.
Mahalaga sa isang pamayanan na makabuo ng mabisang Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM) Plan.
Komprehensibong tatalakayin sa artikulong ito ang mga Angkop na Hakbang o Yugto ng Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM) Plan.
(*Libreng lektura para sa kasunod na MELC: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon)
Ang Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM)
Isinusulong ng pamahalaan ang Community Based Disaster Risk Reduction Management (CBDRRM) Approach. Nakapaloob rito ang paglikha ng mga plano at polisiya sa pagharap sa mga hamon at suliraning pangkapaligiran na naka-sentro o nakapokus sa mga komunidad.
Ang Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM) ay kinapapalooban ng pagtukoy, pagsuri, pagtugon, pagsubaybay, at pagtataya ng mga peligro na maaaring maranasan ng isang partikular na komunidad.
Hinihikayat ng approach na ito ang mga tao sa pamayanan na aktibong makibahagi sa paghahanda at pagtugon sa mga banta ng panganib at kalamidad. (Kaugnay: Natutukoy ang mga paghahandang nararapat gawin sa harap ng panganib na dulot ng mga suliraning pangkapaligiran)
Hinihikayat ang bawat komunidad na bumuo ng kani-kaniyang Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM) Plan. Tatalakayin sa lekturang ito ang iba’t ibang hakbang sa pagbuo ng CBDRRM Plan.
Mga Hakbang Sa Pagbuo Ng Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM) Plan
Ang mga hakbang sa pagbuo ng CBDRRM Plan ay nahahati sa apat na yugto:
1. Paghadlang at Mitigasyon ng Kalamidad (Disaster Prevention and Mitigation)
2. Paghahanda sa Kalamidad (Disaster Preparedness)
3. Pagtugon sa Kalamidad (Disaster Response) ;at
4. Rehabilitasyon at Pagbawi sa Kalamidad (Disaster Rehabilitation and Recovery)
*Narito ang mga paliwanag sa bawat yugto ayon sa lektura ng propesor na si Jensen DG. Mañebog.
UNANG YUGTO: PAGHADLANG AT MITIGASYON NG KALAMIDAD (Disaster Prevention and Mitigation)
Nakatuon ang unang yugtong sa pagpigil o paghadlang (prevention) at pagbawas sa panganib (mitigation) na maaaring idulot ng kalamidad. Nakapaloob sa yugtong ito ang pagtukoy sa kung ano-ano ang mga panganib at mga risk na dala ng kalamidad, sino-sino at alin-alin ang maaaring maapektuhan, at kung maaari bang hadlangan o mabawasan man lang ang epekto ng kalamidad.
Tinutukoy din sa yugtong ito ang mga kahinaan at kakulangan, at maging ang kapasidad ng pamayanan na humarap sa kalamidad. Ang mga makukuhang impormasyon hinggil sa mga bagay na ito ay mahalga sa paglikha ng plano upang maging handa ang isang pamayanan sa kalamidad.
May apat na hakbang na nakapaloob sa unang yugtong ito ng ng CBDRRM Plan. Talakayin nating isa-isa ang bawat hakbang:
1. Pagtataya ng Panganib (Hazard Assessment)
Sa Pagtataya ng Panganib, tinutukoy ang katangian ng panganib at sinusuri ang uri, lawak, at sakop ng pinsala na maaaring maidulot nito, sa layuning matukoy ang angkop na pamamahala sa panganib na gagawin upang maiwasan o mahadlangan ang matinding pinsala.
Samakatuwid, ang Pagtataya ng Panganib ay pag-unawa ng isang komunidad sa panganib, sakuna o kalamidad na maaring nitong maranasan, upang makabuo ng mabisang plano sa pagtugon sa mga ito.
Sa hazard assessment, tinutukoy halimbawa kung ano-ano ang mga hazard na maaaring maganap sa pamayanan na dulot ng kalikasan at alin-alin naman ang gawa ng tao. Tinataya din ang mga sumusunod na katangian ng panganib:
· ang iba’t ibang uri ng panganib na maaring maranasan
· ang maaaring pagmulan ng panganib
· ang mga maaaring maapektuhan ng panganib
· ang panahon kung kailan maaaring maranasan ang isang panganib
· ang tindi o lawak ng maaaring maging epekto ng panganib
Mayroon dalawang importanteng proseso sa ilalim ng hazard assessment: (a) ang Hazard Mapping at (b) Historical Profiling/Timeline of Events.
(a) Ang Hazard Mapping ay ang pagtukoy sa mapa ng mga maaaring maapektuhan ng panganib na mga dako at mga nakapaloob na elemento gaya ng mga kabahayan, iba pang mga gusali, dakong pang-agrikultura, at kabuhayan o negosyo ng mga tao.
(b) Ang Historical Profiling/Timeline of Events naman ay ang pagbuo ng balangkas o tala ng mga naranasan ng isang komunidad na mga panganib o hazard sa nakaraan, gaano kadalas naganap o paulit ulit na nagaganap ang mga ito, at anu-ano at gaano katindi ang pinsala na naidulot ng mga ito.
Upang makakalap ng sapat at tamang impormasyon sa paggawa ng Historical Profiling/Timeline of Events, kakailanganin ang koordinasyon sa mga opisyales ng barangay o kaya ay ng pamahalaang panlungsod o pambayan.
Sa pagsasagawa kapwa ng Hazard Mapping at Historical Profiling/Timeline of Events, kailangan ang partisipasyon ng mga mamamayan, lalo na ang matagal na sa pamayanan, sapagkat mayrooon silang personal na karanasan sa mga hazard o panganib na naganap sa kanilang lugar.
Parte na rin ng paghahanda sa mga tao sa pagharap sa kalamidad ang gawin silang kabahagi sa pagsasagawa ng hazard assessment sa kanilang komunidad.
2. Pagtataya ng Kahinaan at Kakulangan (Vulnerability Assessment)
Sinusukat sa bahaging ito ang kahinaan at kakulangan ng isang komunidad sa pagharap at pagbangon sa iba’t ibang kalamidad o hazard na maaaring maranasan sa kanilang dako.
Ayon kina Anderson at Woodrow (Rising from the Ashes, 1990) mayroong tatlong kategorya ang Vulnerability o Kahinaan: (a) ang Pisikal o Materyal, (b) Sosyal o Panlipunan, at (c) Pag-uugali ng tao tungkol sa panganib.
(a) Ang kahinaang pisikal o materyal ay tumutukoy sa kakulangan sa pinansiyal at likas na yaman upang makalikha o makapatindig ng mga estruktura na makahahadlang sa epekto ng kalamidad. Ang isang komunidad na may kahinaang pisikal o materyal ay maituturing na vulnerable at maaaring makaranas ng matinding epekto ng kalamidad.
Halimbawa ay ang may maliit lamang na kita dahil maaaring hindi sapat ang kanilang suweldo upang matustusan ang dagdag na gastusin sa panahon ng kalamidad.
(b) Ang kahinaang sosyal o panlipunan ay tumutukoy naman sa kawalan ng kakayahan ng pamahalaan at ng mga mamamayan na harapin o hadlangan ang panganib. Halimbawa, vulnerable sa matinding epekto ng kalamidad ang isang komunidad na walang maayos na ugnayan ang mga mamamayan at hindi maayos ang pamamalakad ng lokal na pamahalaan.
Samakatuwid, salik sa kategoryang ito ang mga programa ng pamahalaan ukol sa kalamidad at ang suporta ng mga mamamayan.
(c) Ang pag-uugali tungkol sa panganib ay tumutukoy sa mga paniniwala at gawi ng mga tao na nakahahadlang sa pagiging ligtas sa sakuna ng isang komunidad.
Halimbawa, ang kawalan o kakulangan sa kaalaman, kawalan ng interes, at negatibong pagtanggap sa mga impormasyong pangkaligtasan at programa ng pamahalaan ay nagbubunga ng pagiging vulnerable ng komunidad sa panganib.
Ayon naman kina Abarquez at Murshed (2004), marapat na suriin ang sumusunod na konsepto para sa mabisang Pagtataya ng Kahinaan at Kakulangan:
· Elementong nalalagay sa panganib (Elements at risk)
Tumutukoy ito sa lahat ng elemento sa komunidad na posibleng maapektuhan ng sakuna gaya ng mga tao, kabahayan, imprastruktura, at mga alagang hayop at pananim.
· Mamamayang nalalagay sa panganib (People at risk)
– Tumutukoy sa mga uri ng mamamayang posibleng higit na maapektuhan ng kalamidad dahil sa kawalan ng kakayahan o sa kanilang kalagayang pisikal, gaya ng mga may kapansanan, buntis, matatanda, at mga maliliit na bata.
· Kinaroroonan ng mga mamamayang nalalagay sa panganib (Location of people at risk)
– Tumutukoy ito sa lokasyon ng mga taong vulnerable o may malaking posibilidad na makaranas ng panganib. Halimbawa, vulnerable sa panganib ng baha ang mga nasa mabababang lugar. Peligroso naman sa landslide ang mga nakatira sa may paanan ng bundok.
3. Pagtataya ng Kapasidad (Capacity Assessment)
Sa Pagtataya ng Kapasidad ay sinusuri ang kakayahan ng komunidad na tugunan at harapin ang iba’t ibang uri ng hazard. Gaya ng sa Pagtataya ng Kahinaan at Kakulangan, mayroon din itong tatlong aspekto o kategorya: (a) Pisikal o Materyal, (b) Sosyal o Panlipunan, at (c) Paguugali ng mamamayan tungkol sa hazard.
(a) Sa pisikal o materyal na aspekto ay tinataya ang kapasidad ng komunidad na makabangon matapos makaranas ng kalamidad at makapumbalik sa dating pamumuhay.
Halimbawa, sinusuri rito kung ang komunidad ay may kapasidad na maisaayos ang mga mga nasirang tahanan, paaralan, gusaling pampamahalaan, tulay, kalsada at iba pa. Tinataya rin kung maibabalik ba ang naapektuhang kabuhayan ng mga mamamayan.
(b) Sa aspektong sosyal o panlipunan ay sinusuri ang pagiging mabisa ng mga programa at planong pangkalamidad ng pamahalaan at ang kakayahan ng mga mamamayan na magtulungan upang ibangon ang kanilang komunidad sa pinsala ng kalamidad o sakuna. Halimbawa, tinataya rito kung mayroon bang tiyak na programa ang komunidad para sa mabisang ugnayan o koordinasyon ng mga mamayan at ng lokal na pamahalaan.
(c) Sa aspektong pag-uugali ng mga mamamayan ay tinataya ang kapasidad ng mga tao na tanggapin at sundin ang mga programa at pamamaraan na ipinatutupad ng pamahalaan ukol sa kalamidad. Sinusuri, halimbawa, kung ang mga tao ay handang magtanggi ng sarili at magbahagi ng kanilang panahon at tinatangkilik, kung kakailanganin, upang makabangon sa pinsala ng kalamidad ang kanilang komunidad.
Tangi sa mga ito, bahagi rin ng Pagtataya ng Kapasidad ang pagtatala ng mga imporatenteng kagamitan, imprastraktura, mga tauhan, at iba pa na mga kakailanganin sa panahon ng pagtama ng kalamidad.
4. Pagtataya ng Peligro (Risk Assessment)
Nakapaloob sa Pagtataya ng Peligro ang sistematikong pagkalap ng mga datos na mahalaga sa pagtukoy, pagtatala, at pagsusuri sa mga panganib, lalo na ang mga marapat na unang bigyang pansin.
Kung gayon, ang isa sa importanteng produkto ng Risk Assessment ay ang rekord o tala ng mga hazard. Nakapaloob din sa Pagtataya ng Peligro ang Prioritizing Risk—ang pagtukoy kung alin-alin sa mga naitalang panganib ang dapat bigyan ng higit na atensyon o prayoridad.
Sa pamamagitan ng Pagtataya ng Peligro ay magkakaroon ng matibay na basehan ang mga tinatayang maaaring maging epekto ng kalamidad. Ang produkto ng Risk Assessment ay magsisilbing batayan sa paglikha ng mga akmang istratehiya, polisiya, programa, at proyekto upang maihanda ang komunidad sa pagharap sa mga panganib.
Sa Risk Assessment, magkakaroon ng sapat na kaalaman hindi lamang ang mga tagapangasiwa ng komunidad kundi maging ang mga mamamayan tungkol sa mga hazard na mayroon sa kanilang lugar. Sa gayon ay nagkakaroon sila ng interes at sapat na pagkakataon na maghanda upang maiwasan ang matinding epekto ng mga kalamidad.
Ang Pagtataya ng Peligro (Risk Assessment) ay itinuturing na isang uri o hakbang sa ilalim ng Mitigasyon ng Kalamidad.
Ang Mitigasyong Estruktural at Mitigasyong Di-estruktural
Pansinin na ang unang yugto sa pagbuo ng CBDRRM Plan ay hindi lamang tungkol sa paghadlang kundi maging sa mitigasyon ng panganib (Disaster Mitigation).
Iminumungkahi na ang Mitigasyon ng Panganib ay marapat isagawa bago pa ang pagtama ng sakuna o kalamidad upang mapigilan o maiwasan ang matindi at malawakang pinsala nito sa komunidad o mabawasan man lamang ang mga epekto nito.
Ang Mitigasyon ng Panganib ay mauuri sa dalawa: (a) ang Mitigasyong Estruktural at (b) Mitigasyong Di-estruktural.
(a) Ang Mitigasyong Estruktural ay tumutukoy sa mga pisikal na paghahanda ng komunidad upang mapaghandaan ang pagdating ng kalamidad.
Nakapaloob rito ang pagtatayo ng mga estruktura na makahahadlang sa matinding epekto ng kalamidad. Halimbawa ay ang pagtatayo ng dike bilang paghahanda sa posibleng pagbaha, kalakip ang pag-aaalis ng mga bara sa mga kanal at pagpapalalim sa mga sapa at ilog. Ang patatayo naman ng mga gusali na earthquake proof ay makakatulong upang mabawasan ang pinsala na posibleng maidulot ng mga lindol.
(b) Ang Mitigasyong Di-estruktural ay tumutukoy naman sa paghahanda ng komunidad, sa pangunguna ng pamahalaan, na may kinalaman sa mga plano sa pamamahala sa kalamidad.
Kabilang dito ang pagpapalaganap sa mga mamamayan ng wastong kaalaman ukol sa uri at katangian ng mga kalamidad. Nakapaloob din dito ang pagsusulong ng public awareness at information dissemination tungkol sa mga konkretong programa at proyekto ng local na pamahalaan sa pagtugon sa panganib.
Matapos nating talakayin ang unang yugto na ukol sa paghadlang at mitigasyon ng kalamidad, dumako naman tayo sa kasunod na yugto sa pagbuo ng CBDRRM Plan.
IKALAWANG YUGTO: PAGHAHANDA SA KALAMIDAD (DISASTER PREPAREDNESS)
Ang Paghahanda sa Kalamidad ay tumutukoy sa mga preparasyong ginagawa ng komunidad bago ang pagdating o pagtama ng sakuna o kalamidad o sakuna. Nakasalalay rin sa mabisang paghahanda ang pag-iwas sa matindi at malawakang pinsala na maaaring maidulot ng kalamidad.
Kinikilala sa yugtong ito ang halaga ng pagtataglay ng lahat ng mamamayan ng sapat na kaalaman ukol sa mga dapat gawin bilang tugon sa kalamidad. Kaya sa panig ng pamahalaan, mahalaga sa yugtong ito ang mabisang pagbibigay ng mga tama at akmang impormasyon, paalala, at babala sa mga mamamayan.
May tatlong pangunahing layunin ang yugtong ito:
1. To inform (magpaalám) – magbigay kaalaman tungkol sa mga kakaharaping panganib at peligro at tungkol sa pisikal na katangian ng komunidad at kapasidad na tumugon sa kalamidad.
2. To advise (mag-abiso) – magbigay ng mga impormasyon tungkol sa mga gagawin bilang paghahanda sa panganib at para sa proteksiyon at pag-iwas sa mga sakuna at hazard.
3. To instruct (magtagubilin) – magbigay ng mga konkretong hakbang na marapat gawin, kabilang ang pagtuturo sa mga ligtas na dako na dapat puntahan at mga opisyales na mahihingan ng tulong sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Kung gayon, importanteng bahagi ng yugtong ito ang pagpapaalam at pagpapaunawa sa mga tao ukol sa mga dapat na gawin bago ang pagtama ng kalamidad, habang nagaganap ito, at pagkatapos ng kalamidad.
Ang pagbibigay ng impormasyon, paalala, at babala ay maaaring sa pamamagitan ng barangay assembly/meeting, pagdidikit ng poster o billboard, pagbabahay-bahay ng mga lider ng purok, pamamahagi ng flyers, patalastas sa telebisyon, radyo, at pahayagan, at anunsiyo gamit ang social media.
Mahalagang elemento rin ng Paghahanda Sa Kalamidad (Disaster Preparedness) ang aktibong koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno, pakikibahagi ng bawat sektor ng lipunan, at pagtutulungan o kooperasyon ng mga mamamayan (Kaugnay: Ang Kahalagahan Ng Kooperasyon ng Mamamayan at Pamahalaan). Ito ay upang maiwasan ang pagkaantala ng mga programa ukol sa kalamidad at ang mga pagkalito na maaari pang magbunga ng dagdag na pinsala sa komunidad.
Dumako na tayo sa kasunod na yugto na magbibigay sa iyo ng kaalaman tungkol sa pagtugon sa gitna ng kalamidad.
Sa ayaw man natin o hindi, panaka-naka ay nakararanas at nakararanas pa rin tayo ng mga kalamidad. Paano ba tutugon ang komunidad sa mismong panahon ng kalamidad? Ito ang saklaw ng ikatlong yugto sa paghahanda ng plano sa pamamahala sa kalamidad.
IKATLONG YUGTO: PAGTUGON SA KALAMIDAD (Disaster Response)
Sa yugtong ito ng pagbuo ng CBDRRM Plan, pangunahing tinataya kung gaano kalawak ang pinsalang dulot ng isang kalamidad. Importante ang mga impormasyong makakalap sa hakbang na ito dahil magsisilbing batayan ang mga ito upang maging akma at epektibo ang pagtugon sa mga pangangailangan ng isang komunidad na nasalanta ng kalamidad.
Nakapaloob sa Pagtugon Sa Kalamidad (Disaster Response) ang tatlong uri ng pagtataya: ang (1) Pagtatasa ng Pangangailangan o Needs Assessment, (2) Pagsusuri sa Pinsala o Damage Assessment, at (3) Pagtatasa ng Pagkawala o Loss Assessment.
(1) Ang Pagtatasa ng Pangangailangan ay pagtukoy sa mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad gaya ng pagkain, tahanan, damit, at gamot.
(2) Ang Pagsusuri sa Pinsala ay pagtukoy sa bahagya o pangkalahatang pagkasira ng mga kabahayan, ari-arian, at imprastruktura dulot ng kalamidad.
(3) Ang Pagtatasa ng Pagkawala ay pagsusuri sa pansamantalang pagkawala ng mga serbisyo (gaya ng pagkawala ng kuryente at communication signal) at sa pansamantala o pangmatagalang pagkawala ng produksyon (gaya ng pagkasira ng mga pananim).
Ang damage (pinsala) at loss (pagkawala) ay magkaugnay dahil ang loss ay bunga ng na-damage o napinsalang mga produkto, serbisyo, at imprastraktura. Halimbawa, ang pagkasira ng tulay, na isang damage, ay magbubunbga ng kawalan ng maayos na daloy ng transportasyon, na isang loss.
Gayundin, ang pagkasira ng mga lupaing-taniman, na isang uri ng damage, ay magdudulot ng pagbaba o pagkawala ng produksiyon ng palay at mga gulay, na isang halimbawa ng loss. Ang pagguho o pagkawasak ng isang ospital na maituturing na damage ay magdudulot ng pagkaantala o pagkawala ng serbisyong pangkalusugan na maituturing na loss.
Gaya sa mga naunang yugto, sa yugtong ito ay kailangan ng komunikasyon, kooperasyon, at koordinasyon ng lahat ng sektor ng lipunan. Sa Pagtugon Sa Kalamidad (Disaster Response) ay mahalaga rin ang kaligtasan ng lahat kaya kailangang isaalaang-alang ang kakayahan ng bawat isa sa pagsasagawa nito.
Sa ikatlong yugto ng pagbuo ng CBDRRM Plan ay mahalaga ang pagkakaroon ng mga tamang datos sa naging pinsala ng kalamidad. Ang mga ito kasi ang magsisilbing batayan para sa kasunod na yugto na ating tatalakayin, ang Disaster Rehabilitation and Recovery.
IKAAPAT NA YUGTO: REHABILITASYON AT PAGBAWI SA KALAMIDAD (Disaster Rehabilitation and Recovery)
Nakapokus ang ikaapat at panghuling yugto sa pagbuo ng CBDRRM Plan sa rehabilitasyon at pagbawi o pag-recover mula sa naganap na kalamidad. Ang pangunahing layunin sa yugtong ito ay ang pagpapanumbalik sa dating kaayusan ng nasalantang komunidad at ang pagbalik sa normal na daloy ng pamumuhay ng mga mamamayang naapektuhan ng kalamidad.
Kaya naman sinusuri sa yugtong ito ang mga nararapat na mga gawain at hakbang para sa agarang pagsasaayos ng mga napinsala ng kalamidad.
Ang ilan sa mga pangunahing binigyang pansin sa yugtong ito ay ang pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente at tubig, ng sistema ng transportasyon at komunikasyon, at ng sapat na suplay ng pagkain, damit, at gamot. Kasama rin sa rehabilitasyon ang pagkukumpuni ng mga nasirang bahay, pasilidad, at istruktura.
Nakapaloob din sa yugtong ito ang pagsuporta sa mga kabuhayang napinsala ng kalamidad at ang kaakibat na pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Mahalaga rin ang pagkakaloob ng psychosocial services upang matulungang malampasan ng mga biktima ang trauma na kanilang dinanas at mabigyan sila ng pag-asa at lakas ng loob.
Sa pagbuo ng mga programa at plano para sa Rehabilitasyon at Pagbawi sa Kalamidad, kailangan ang mga akma, konkreto, at sistematikong hakbang at pamamaraan.
Sa pagpaplano at implementasyon ng mga programa ng pamahalaan sa bahaging ito ay napakahalaga ng pakikibahagi ng mga mamamayan at maging ng iba pang sektor ng lipunan, gaya ng Non- Government Organizations (NGOs). (Basahin: Ang Mga Taong Nag-aambag sa Kapakanan at Kaunlaran ng Komunidad at ang Mga NGO)
Tandaan na susi ang pagtutulungan ng lahat ng sektor ng lipunan sa mabilis at matagumpay na pagbangon mula sa pinsala ng kalamidad.
*Libreng lektura para sa kasunod na MELC: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon
-Kung may paksa sa Mga Kontemporaryong Isyu na nais mong hanapin (e.g. migrasyon, civic engagement, etc), i-search dito:
Copyright 2014-present © by Jensen DG. Mañebog