Ang Konsepto, Uri at Pamamaraan ng Graft And Corruption

© Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

PAMANTAYAN SA PAGKATUTO:
Naipaliliwanag ang konsepto, uri at pamamaraan ng graft and corruption

Hindi na bagong isyung politikal ang graft and corruption sa bansang Pilipinas. Sa kaniyang unang State of the Nation Address, sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na kaniyang hahabulin ang mga kurakot na opisyal at inbididwal.

Ayon sa kaniya, iyong mga sumira sa tiwala ng mga tao ay hindi makakatakas sa parusa at maisasakdal sa hukuman.

Ang Konsepto ng Graft and Corruption

Ang corruption ay isang mali, ilehitimo, illegal o imoral na gawi o kasanayan ng isang opisyal o taong nasa awtoridad sa isang pribado o pampublikong institusyon.

Ang korapsiyon ay maaaring nasa anyo ng panunuhol o bribery, pandaraya o fraud, paglustay o embezzlement, at pangingikil o extortion. Karaniwang bunsod ito ng kagustuhang magkamit ng mga pakinabang gamit ang katungkulan.

Madalas na pinag-iisa ang mga terminong graft at corruption sa dahilang ang mga ito ay konektado. Ganunpaman, ang corruption ay terminong sumasaklaw sa lahat ng anyo ng pandarayang ginagawa ng sinomang opisyal, samantalang ang graftay isa lamang anyo ng corruption.

Ang graft ay pulitikal na korapsiyon sapagkat ang sangkot dito ay opisyal ng pamahalaan na nagkamal ng salapi o mga kauring pakinabang sa marumi, hindi katanggap-tanggap, o ilegal na paraan.

Sa anomang uri ng korapsiyon, ang katapatan, moral na prinsipyo, at integridad ng taong nagkasala ay naikokompromiso at nadudungisan.

Hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang mga bansa ay nagaganap ang graft and corruption. Sa maraming bahagi at sangay ng lipunan, ito ay sinasabing umiiral. Isa itong isyu na kinakailangang malunasan sapagkat isa ito sa mga sanhi ng kahirapan.

Nakasaad sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga gawaing labag sa batas na dapat iwasan hindi lamang ng mga pampublikong opisyal kundi ng mga tao at mga grupong nakikipag-transaksyon sa mga gobyerno.

Mga Uri at Pamamaraan ng Graft and Corruption

Narito ang ilang uri at pamamaraan ng graft and corruption hango sa lektura ng Propesor na si  Jensen DG. Mañebog. Ang marami sa mga ito ay magkakaugnay:

1. Embezzlement 

Ang embezzlement ay isang uri ng pagnanakaw. Nangyayari ito kapag ang isang taong pinagkatiwalaan na pamahalaan o ingatan ang pera o pag-aari ng iba (gaya ng pondo ng bayan) ay nagnakaw o ginamit ang lahat o bahagi ng pera o pag-aaring iyon para sa kaniyang personal na pakinabang.

Sa sektor ng pamahalaan, ang embezzlement, kung gayon, ay pagnanakaw ng taong may akses sa salapi ng bayan at ginamit ang kaniyang posisyon o katungkulan upang nakawin ito o ang bahagi nito.

Ang paglustay o misappropriation ng salapi ng bayan ay ilang halimbawa kung paano nagagawa ang embezzlement.

2. Malversation of public resources

Ito ay kaugnay ng embezzlement. Ito ay nagaganap kapag winawaldas ng mga pampublikong opisyal ang salapi ng bayan o ginagamit sa hindi naman makabuluhan, gaya ng para lamang sa kanilang sariling interes sa tuwiran o hindi tuwirang paraan. Nagagawa rin ito sa pamamagitan ng hindi wastong paggamit ng oras ng mga sumasahod sa pamahalaan.

Ang halimbawa ay ang pagliban sa sesyon nang walang makatwirang dahilan. O kaya naman ay mga empleyado ng gobyerno na umuuwi at umaalis ng kanilang opisina nang mas maaga kaysa sa takdang oras ng pag-uwi, o pinalilipas lamang ang oras sa tanggapan sa paggawa ng walang kinalaman sa kanilang trabaho.

3. “Lagay” at “Kotong” (Bribery and Extortion)

Ang pangongotong, pangingikil, paglalagay, o panunuhol ay nagaganap kapag ang isang tao ay lumabag sa isang batas at nakalusot sa parusa sa pamamagitan ng pagbibigay sa isang tagapagpatupad ng batas o opisyan ng pamahalaan ng suhol o kotong, na karaniwang nasa anyo ng salapi.

Ang bribery ay pag-aalok o pagkakaloob ng “lagay,” suhol, o “pampadulas” sa hangaring maimpluwensiyahan ang pasya o aksiyon ng isang may katungkulan. Kabilang dito ang kaso ng mga tinatawag na ‘fixers’ na diumano’y magpapabilis sa pagpoproseso at pagkuha ng mga dokumento kapalit ng bayad.

Ang “kotong” ay karaniwang hinihingi ng isang law enforcer sa mga nahuling lumabag sa batas, subalit maaari ding kusang inialok ng nanunuhol. Ang parehong partido ay kapwa nananagot sa batas sa ilalim ng RA 3019.

Kapag ang ilegal na bayad ay hinihingi ng isang pampublikong opisyal, ang tawag rito ay extortion, pangingikil, panghuhuthot, o sapilitang pagkuha ng salapi. Ito ay ginagawa sa pamamagitan halimbawa ng ‘blackmailing’ o pananakot. Madalas nagaganap ang extortion sa mga sangay ng gobyerno na kinukuhanan ng permit, lisensiya, at clearance.

4. “Tong” o protection money

Ang isang kauri o kaugnay ng panunuhol ay ang pagbibigay ng ‘tong’ o ‘protection money’. Upang mapangalagaan ang mga gawaing labag sa batas, nagbabayad nang malaki sa mga opisyal ng gobyerno ang mga taong sangkot sa iligal na gawain gaya ng drug lords, gambling lords, at mga may negosyong labag sa batas o walang kaukulang permit.

5. Kickbacks

Ang isang uri pa ng korapsyon na may kaparusahan ay ang pagkuha ng “kickback” o labag sa batas na bayad o kapalit para sa pagpapadali ng pag-apruba ng mga transaksiyon sa gobyerno.

Karaniwan, ang mga kickback ay isinasama sa “overpriced” na kontrata sa gobyerno. Ang “pork barrel scam” na naisiwalat noong 2013 ay may maraming mga testimonya ukol sa kickbacks para umano sa mga kongresista at kanilang “ahente”.

6. Fraud at scam

Tinatawag na fraud ang gawaing may pandaraya, pamemeke, at panlilinlang sa hangaring makakuha ng salapi o anomang pakinabang. May mga taong gumagawa nito sa pamamagitan ng scam. Ang scam ay mapanlinlang na paraan gaya ng paggamit ng mga peke o palsipikadong papeles o dokumento.

Ang halimbawa nito ay ang tinawag na PDAF scam (Priority Development Assistance Fund scam) noong 2014. Upang makuha ang pondo sa PDAF ng ilang mambabatas, gumamit umano ang negosyanteng si Janet Lim Napoles ng mga pekeng foundation o non-governmental organization sa ilalim ng kanyang kumpanyang JLN Group of Companies.

7. Pag-iwas sa buwis (tax evation)

Ang mga itinuturing na kurakot na pulitiko ay nagnanakaw at ginagamit sa maling paraan ang salapi ng bayan; subalit ang mga umiiwas sa buwis ay nagnanakaw ng publikong salapi bago pa man ito makarating at makapasok sa pondo ng bayan.

Ang mga mamamayan—pangkaraniwan man o naglilingkod sa gobyerno—ay may tungkuling bayaran ang nakatakda nilang buwis sa kanilang sahod, kita, at negosyo. Dahil ang mga buwis ay para sa bayan, ang pag-iwas sa pagbabayad nito ay katumbas ng pagnanakaw rito. Hindi kailanman uunlad ang bansa kung paiiralin ng lahat ang pagkamakasarili.

8. Ghost projects at ghost payrolls

Ang ilan pang uri ng corruption ay ang tinatawag na ‘ghost project’ at ‘ghost payroll’. Ang ‘ghost project’ ay yaong mga proyektong pinopondohan ng gobyerno subalit hindi naman umiiral o isinasagawa. Sa kabilang banda, ang ‘ghost payroll’ ay mga kunwaring manggagawa o empleyado na tumatanggap ng suweldo at ‘allowances’ kahit hindi nagtatrabaho.

9. “Bidding-biddingan”

Ito ay tumutukoy sa pag-iwas sa makatotohanang public bidding para makatanggap ng kontrata para sa mga proyekto ng pamahalaan. May mga proyektong sinasabing ‘awarded’ na sa mga pinapaborang kontraktor bago pa man magsagawa ng “bidding.” Sa ganitong transaksiyon ay may depinidong porsiyento sa kita ang nagmamanipula ng bidding.

10. Lihim na pasahan ng naipanalong kontrata

Ang passing of contracts ay nagaganap kapag nagkaroon ng lihim na pasahan ng naipanalong kontrata mula sa kontraktor na may legal na dokumento at lisensiyang madaling magpanalo ng malalaking proyekto patungo sa sa isang subkontraktor na siyang tunay na gagawa ng proyekto.

Ang resulta ay hindi de kalidad at mababang uri ng mga materyales na gagamitin sa proyekto dahil sa hangaring kumita ng malaki ang kapwa kontraktor at subkontraktor.

11. Padrino system

Tinitiyak ng Republic Act 3019 ang maraming anyo ng korapsyon na nasa ilalim ng sistema ng “padrino.” Ang halimbawa ay kapag ang mga kahilingan ng mga kamag-anak, kaibigan, at kaalyado ng mga pampublikong opisyal ay naaaprubahan nang mas mabilis kaya sa duon sa mga kalaban sa pulitika at karaniwang mamamayan. Ito ay labag sa batas sa ilalim ng RA 3019.

Sa tulong ng mga kaibigan at mga kakilala na nagtatrabaho sa gobyerno, ang iba ay nakakakuha ng kanilang mga lisensya at permit, kahit na hindi sila nakapasa sa mga requirements o kahit iniwasan ang pagsusulit.

Mayroon ding mga kaso kung saan ang mga kamag-anak, kaibigan, at kaalyado ng mga pampublikong opisyal ay nakakakuha ng labis na bentaha sa pagkuha ng mga kontrata para sa mga proyekto sa gobyerno.

Nauuri rin dito ang isang tao o isang pangkat na pumuputol sa mahabang pila o nauuna sa ibang tao dahil may kilala sila sa loob ng opisina o ahensiya. Ang ganitong simpleng gawa ay nagpapalaganap ng kultura ng korapsyon.

12. Nepotismo at paboritismo

Kaugnay ng sistemang padrino, ang nepotismo o paboritismo ay ang pagkiling ng isang may kapangyarihan sa kaniyang kapamilya, kamag-anak, kaibigan, o kakilala, lalo na sa paglalagay sa kanila sa sa magagandang puwesto sa pamahalaan at sa iba pang sangay nito.

Sa pamamagitan ng koneksiyon ay nauungusan ng mga hindi kuwalipikado at hindi ‘eligible’ ang mga karapatdapat sana na maipuwesto. Madalas na resulta ng ganitong uri ng corruption ay ang mababang uri o hindi episyenteng paglilingkod  at labis na bilang ng mga pinasasahod ng gobyerno.

13. Pag-abuso sa kapangyarihan at awtoridad

Labag sa mga pampublikong opisyal na gamitin ang kanilang awtoridad para isulong ang anomang pansariling interes. Kasama rito ang pagkuha halimbawa ng isang sangay ng pamahalaan ng mga produkto o komersiyo sa negosyo na pag-aari mismo ng mga nanunungkulan sa gayong sangay ng pamahalaan.

Labag sa batas ang pagtanggap ng regalo ng mga pampublikong opisyal at empleyado mula sa sinumang tao o organisasyon kapalit ng pagbibigay ng permit o lisensiya sa gobyerno.

Bawal din na gamitin ang mga gamit gaya ng sasakyan na “for official use only” sa pansariling lakad. Halos lahat ng mga anyo ng korapsiyon na nauna nang tinalakay ay maiuuri sa pag-abuso sa kapangyarihan at awtoridad. (Ituloy ang pagbasa: Mga Paraan Upang Maiwasan ang Graft And Corruption sa Lipunan)

*Kung may nais hanapin ukol sa Mga Kontemporaryong Isyu o iba pa, i-search dito:

Copyright © by Marissa G. Eugenio/ MyInfoBasket.com

KAUGNAY NA PAKSA (mahahanap sa search engine ng https://myinfobasket.com/) (nasa bandang itaas):
Ang Epekto ng Graft And Corruption sa Pagtitiwala at Partisipasyon ng Mga Mamamayan sa Mga Programa ng Pamahalaan

SA MGA GURO:
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng klase, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng MyInfoBasket.com ang artikulong [buong pamagat ng artikulo]. Basahin at unawain. I-share ito sa iyong social media account* kalakip ng iyong maikling paglalagom sa artikulo. I-screen shot ang iyong post. Isumite sa guro.”

*Maisi-share ito sa pamamagitan ng Social Media gaya ng Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at iba pa

Also Check Out: From Socrates to Mill: An Analysis of Prominent Ethical Theories, also by author Jensen DG. Mañebog

NOTE TO STUDENTS: If the comment section fails to function, just SHARE this article to your social media account (Twitter, Instagram, Pinterest, etc) and start the conversation there.